Chapter 2 - Silong

646 11 0
                                    


"HOLDAP TO!"

Nanginig sa pinaghalong takot at kaba ang buong katawan ng binata. Bago pa mang nagawang lingunin ni Christian ang lalake sa kanyang likuran ay nagawa na siyang ibalya sa pader ng holdaper.
Hablot-hablot nito ang kanyang damit bandang kwelyo habang sinasandal siya sa malamig na pader ng underpass.
"Maawa po kayo." naluluhang pakiusap ni Christian. Susundan niya pa sana ang pakiusap nang maramdaman niyang may talim na nakaturok sa kanyang lalamunan.
"Wag kang maingay... papatayin kita!" pabulong pero matigas na wika ng holdaper sa pagitan ng nangangatal na boses.
Kinapa nito ang kanyang wallet mula sa kanyang bulsa at noo'y napansin ni Christian ang panginginig ng katawan ng holdaper at mainit nitong hininga. Ramdam niya mula sa pagkakadikit ng kanilang katawan na basang basa ng ulan ang holdaper at ang pangangatog ng katawan nito. Ramdam din niya na sa kabila ng bruskong nitong pangangatawan ay tila inaapoy ng ito ng lagnag. Subalit wala pa rin siyang sapat na lakas ng loob upang labanan ang malaking lalakeng kaharap.
Sa mga oras na iyon ay madurog at mapuno ng lungkot ang puso ni Christian nang isa-isahing kunin ng holdaper ang kanyang wallet na may lamang p5,800 na kanyang gagamitin sana sa gastusin sa graduation ng kapatid at ang iba ay sa budget sa pagpasok niya sa eskwela at pati ang kanyang china phone ay di nito pinalampas.

Matapos siya nitong holdapin ay ibinalya siya nito sa sahig. At dinuro pa ng balisong at agad tumalikod at naglakad palayo.
Sa kabila ng mga pangyayari ay mas nanaig kay Christian ang takot na mag-isa. Kaya agad siyang tumayo at sinundan ang holdaper sa paglalakad nito.
"Mama! mamang holdaper!" tawag niya rito na halata ang takot sa boses.
Galit siyang nilingon nito na noo'y paakyat na ng hagdanan..
"Gago ka ha! Gusto mo talaga matuluyan!" bulyaw nito sa kanya at muling inianda ang balisong sa kanya.
Agad itinaas ni Christian ang dalawang kamay na tanda ng diplomasya at nakiusap dito, "Mamang holdaper, natatakot po akong maiwan mag-isa dito... saka baka mas mapahamak pa ko dito kung wala akong kasabay.. malayo pa ang bahay ko at wala na kong pamasahe. Ni wala na ring mga sasakyan..."
Tinitigan siya ng holdaper at sinipat sipat na tila sinusukat ang mga binitawan niyang mga salita. Maya-maya'y ibinaba nito ang nakaumang na balisong at isinukbit sa bulsa ng fitted na faded jeans. Umiling-iling ito at tinalikuran siya at nagpatuloy sa paglalakad.
Sa mga eskinita ay nadaanan nila ang mangilang-ngilang rugby boys na masama ang tingin sa kanya. Marahil ay naiilang ang mga ito sa isiping kasama siya ng sigang holdaper.
Nang maramdaman ng lalake ang pagsunod nya ay muli siya nitong nilingon at galit na sumigaw,"Putang ina ka! Ang kulit mo!"
"Nakita nyo ho naman na ang daming rugby boys sa eskinita baka saktan nila ko."
Natawa sa kanyang mga binitawang salita ang holdaper. Gumuhit sa mukha nito ang ngiti at di naitago ang maamong mukha sa kabila ng pagiging brusko. Para itong nakakita ng isang bata sa katauhan ni Christian nang mga sandaling iyon. Magsasalita sana ang holdaper nang umubo ito ng sunud-sunod. Bumalik sa kamalayan ni Christian na pareho na pala silang basang basa ng ulan. Instinct niya na agad binuksan ang payong at pinayungan ang holdaper. Tila naguluhan ang holdaper at tinapik nito ang payong at tumalikod at pinagpatuloy ang paglalakad. Niyayapos ng holdaper ang sarili ng kanyang maskuladong mga braso upang labanan ang lamig habang naglalakad. Sandong puti lamang ang suot pang-itaas nito sa mga oras na iyon.
Makailang liko sila sa mga eskinita ng marating nila ang isang lumang maliit na apartelle. Black-out pa rin maliban sa mga iilang kandilang bukas sa mga bahay-bahay. May isang bakery na pasara na sa gilid nito na agad kinatok ng holdaper. Lumabas ang tindero na isang matandang lalake. "Oh Ricky, buti't bumagyo at naisipan mo ring pumarada na. Hehehe. Ano ba bibilhin mo?"
Hindi naintindihan ni Christian ang sinabi ng tindero. Ang maliwanag lang sa kanya ay Ricky pala ang pangalan nito. Matapos iabot ng holdaper ang bayad at kinuha ang supot ng monay ay agad na itong nagpatuloy papasok sa lumang apartelle. Bago pa man ito nagpatuloy ay humarap ito kay Christian at tila nagtatanong ang mga mata. Tila may pagtatalo sa isipan nito na kung ano. Noo'y biglang salubong ng isang matabang babae mula sa loob ng apartelle na may dalang kandila.
"Hay! Salamat at nagpang-abot din tayo, Ricky!" sarkastikang bunad nito sabay lahad ng kamay na tila humihingi ng bayad. Doon napagtanto ni Christian na ito pala ang landlady ng holdaper.
"Grabe naman kayo aling Lusing. Di nyo pa ipinagbukas ang paniningil nyo. Bagyong-bagyo eh." may panunuya sa tinig ng holdaper.
"Aba, Ricky! Buti nga at may bubong kang masisilungan. Ikaw pa itong may ganang magreklamo!" di patatalong sumbat ng landlady.
Noon namang pagbalik ng kuryente sa mga kabahayan. "Ay salamat." nangungutya pa rin ang babae pagka-abot dito ng bayad mula sa wallet ni Christian. Agad bumalik ang babae papasok sa apartelle habang namimilog ang mga mata sa pagbibilang ng pera.
At noo'y dahil nagliwanag na ang paligid sa kabila ng malakas pa ring pagbuhos ng ulan ay di nakaligtas sa holdaper ang lungkot sa mukha ng binatang hinoldap nang iabot nya ang pera nito pambayad kanina. Nagtama ang kanilang mga mata at agad binawi ni Christian ang tingin at yumuko na tila kinukubli ang lungkot sa mukha.
Tiim-bagang sumenyas ang holdaper na sumunod siya sa pagpasok. Bumulong ng pasasalamat si Christian na sa kabila ng pangyayari ay hindi siya magmimistulang basang sisiw na magpapalipas ng gabi sa kalsada sa kasagsagan ng bagyo.

 Bumulong ng pasasalamat si Christian na sa kabila ng pangyayari ay hindi siya magmimistulang basang sisiw na magpapalipas ng gabi sa kalsada sa kasagsagan ng bagyo

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
BalisongWhere stories live. Discover now