#1 Epifania

90 3 0
                                    

WALANG katawa-tawa sa isang pagiging ina. Subalit ang magkaroon ng maumbok na tiyan sa edad na katorse ay alam kong sapat nang dahilan para gawin akong kumpulan ng tawanan sa tuwing daraan ako sa sentro ng Epifania.

Hindi ko maitatanggi, tagos sa buto ang mga panlalait na naririnig ko. Sino ang hindi? Kahit sino ay malulugmok, mawawalan ng gana at pipiliin na lamang magpakalayo-layo. Iyon marahil ang mabisang solusyon upang makaiwas, subalit sa katayuan ko ay wala akong karapatan para takasan ang realidad.

Kabuwanan ko na ngayon at alam kong ano mang oras ay tuluyan ko nang mailalabas ang supling na aking dinadala. At sa oras na mangyari iyon ay batid kong kakailanganin ko ang sapat na pera. Pera na siyang nagpaikot na sa bata kong isipan. Pera na iminulat ako sa pait ng buhay. Pera na kailangan kong gugulin mula sa mga taong gabi-gabi ko nang inaasahan.

"Wala!" Padabog akong pinagsarahan ng pinto ng noon ay dati kong suki sa higaan. Ngayon, hindi niya ako magawang tulungan, at kahit masakit ay wala akong karapatan para sumbatan siya. Ni hindi nga ako sigurado kung siya ba ang ama nitong dinadala ko. Hindi ko malaman. Hindi ko kayang malaman sa dami ng lalaking puwede kong pagbintangan.

"Maawa ka, Julio," pagsusumamo ko, patuloy sa pagkatok sa pinto. Maghapon na akong ganito, nangungulit sa mga taong puwede kong hingan ng tulong. Pero wala akong napapala. Puro na lang sila 'wala!'

Hindi na ako muling pinagbuksan ni Julio ng pinto.

Nanghihina ang mga tuhod ko nang pumihit ako para umalis. Wala rito ang suwerte. Wala rito at kailangan kong humanap ng panibago. Bukas. Bukas ay gagawin ko ulit ito. Hindi ako puwedeng sumuko.

"Iyan ang napapala ng malalandi."

"Palibhasa kasi'y walang kinalakihang mga magulang."

"Kung kani-kanino nagpapatira. Nakakahiya!"

"Malamang, malandi rin ang magiging anak niyan."

Mapait na pagyuko ang tanging naitugon ko sa malilinis na taong iyon. Sanay na ako, subalit hindi ang puso ko. Ayos lang na paulit-ulit nila akong husgahan. Pero ang isiping ipapasa nila ang mga panlalait sa inosente kong anak ay labis na nakapagdudulot sa akin ng sakit at pagsisisi.

Alam kong kasalanan ko ito. Pero hindi dawit ang anak ko. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit hindi iyon maintindihan ng ibang tao. Ako ba ang unang nagkasala sa mundong ito? Ni minsan ba ay hindi sila nadapa? Nagkasala? Isa ba silang mga banal?

Pero wala na akong lakas para kuwestiyonin pa sila. Wala rin akong mapapala. Ang mga tulad nila ay hindi nakaririnig at walang kakayanang intindihin ang malalakas na bulong.

Pero itong anak ko, siya ang tanging gusto kong punan ng atensyon. Gusto ko siyang bigyan ng buhay na malayo sa mapait kong kinagisnan. Gusto kong ibigay sa kanya ang pinakamatayog na pangarap ng sino mang ina na handang ibuwis ang kanilang buhay, huwag lamang dumapo ang talampakan ng kanilang mga anak sa putik ng kahirapan. Iyon ang gusto ko. Subalit posible ba talaga iyon? Sa murang edad kong ito ay makaya ko nga bang lampasan ang lahat ng bagyo, lindol at paulit-ulit na pasakit?

"Diyos ko," bulong ko nang makarating sa aking inuuwian. Maliit lang iyong kuwarto na iyon. Kasama ko roon ang isa kong kaibigan na nakilala ko sa pagtatrabaho sa gabi. Sa sentro ng Epifania. Sa isang madilim na lugar na pinupunan ng mga taong hayok sa kababaihan. Sa lugar kung saan silaw sa pera ang mga hindi pinagpala.

Napahawak ako sa sinapupunan ko. Makaya ko nga bang buhayin ang munting buhay sa loob nito? Subalit wala akong tiwala sa kakayanan ko. Wala akong tiwala sa buhay na maibibigay ko sa kanya sa oras na masilayan niya ang mundo. Takot akong dumating ang araw, iisang daan na lang ang tinatahak naming dalawa.

"Ano ang gagawin ko?" Napahilamos ako sa mukha at mariing ipinikit ang mga mata kong nagsisimula nang silaban ng luha. "Ayaw akong tulungan ni Julio, Beng. Alam mo namang siya lang itong...pero heto't..." Hindi ko na madugtungan pa. O kahit dugtungan ko man ay wala na rin namang saysay. Hindi niyon mababago ang katotohanang bigo na naman ako.

Naramdaman ko ang paghaplos ni Beng sa aking likuran. "Binalaan na kasi kita. Hindi ka naman nakinig. Hayan tuloy..."

Ang gagong iyon... Matapos akong pagsawaan, ayaw na akong balikan. Alam ko namang hindi tumatagal ang relasyon ng mga taong tulad namin, pero...hindi ko maiwasang umasa. Pagod na akong makitang wasak ang sarili ko sa kamay ng ibang tao.

"May solusyon naman d'yan, e."

Nilingon ko si Beng na ngayon ay nakaharap na sa isang barag na salamin. Makurba talaga ang katawan niya. Bagay na gustong-gusto ng mga parokyano. Pero alam ko, alam ko...minsan na ring nagkalaman ng buhay ang impis niya ngayong tiyan.

"Ano, Beng? Ano ang solusyong iyon?" desperado kong tanong.

Sumulyap siya sa akin mula sa refleksyon ng salamin at saka ako sinagot, "Ipalaglag mo."

Bumagsak ang magkabila kong balikat. Tila may kung ano ang sumipa mula sa dibdib ko dahilan para mapahawak ako roon. "Hindi ko kaya." Umiling-iling ako, patuloy sa pagkimkim sa sakit na alam kong posibleng mangyari. Hindi ko kaya. "Buhay, Beng. Buhay itong pinag-uusapan natin. Hindi lang ito basta basura na puwedeng itapon sa kung saan. Buhay, Beng. Buhay."

"Buhay nga, pero anong klaseng buhay?" Sumilay ang hinanakit mula sa mga mata niya. "Anong buhay ang maibibigay mo sa batang iyan? Sabihin mo nga."

"Beng..."

"Papalubog na ang araw." Umupo siya sa harap ng salamin at nagsimulang kalkalin ang mga pangkolorete namin sa mukha. Batid kong hindi na maganda ang timpla ng nararamdaman niya. Paano...naalala niya. "Hindi sa atin bagay ang buhay, Miranda. Iyon ang ipinagkait sa atin. Oo, heto't humihinga nga tayo. Pero anong klaseng paghinga ito? Humihinga lang tayo dahil kailangan natin ng pera, hindi dahil kailangan natin ng buhay.

"Nabubuhay tayo sa paraan na walang patutunguhan. At iyang anak mo, iyan ang patunay na may nabubuhay sa mundo na wala namang saysay."

Nanlabo ang nanliliit kong mga mata. Gusto ko siyang kuwestiyonin! Gusto kong ituro sa kanya ang halaga ng buhay sa sinapupunan ko, pero paano? Paano ko ipapakita sa kanya ang kaunting pag-asa kung minsan niya nang naranasan ang pagkamatay?

Kitang-kita ko. Naroon ako nang wala siyang magawa kundi ang umigik at umiyak sa pagkawala ng kanyang anak. At alam kong iyon din ang dahilan kung bakit ngayon ay wala nang saysay sa kanya ang buhay.

Humugot ako ng isang malalim na paghinga. Naiintindihan ko ang pananaw niya sa buhay, pero hindi tulad niya ay magagawa kong kitilin ang buhay ng sarili kong anak. Hindi ko iyon kayang sikmurain. Mas pipiliin kong ako ang mawalan ng buhay kaysa ang munting bata rito sa sinapupunan ko.

"Ayaw mo?" Nagtaas siya ng isang kilay sabay bagsak ng tingin sa tiyan ko. "Kung ayaw mong ipalaglag, ipamigay mo."

Pinanliitan ko siya ng mga mata. "Naririnig mo ba iyang mga sinasabi mo, Beng?"

"Ano?" maang-maangan niyang tanong. "Ayaw mo rin? Bakit, may ipapakain ka ba d'yan kapag nagsimula nang ngumawa iyan?" Umiling-iling siya na para bang hindi makapaniwala. Disgusto. Iyon ang nakikita ko sa kanyang mukha.

"Magsisikap ako, Beng. Hahanap ako ng mas magandang trabaho. O kung hindi man, sasayaw ulit ako. Kikita ako ng pera—"

"Katorse ka pa lang, Miranda. Ano ang alam mo sa ibang trabaho? Sa pagiging ina? Kapag ba binuhay mo iyan, magagawa mo pang sumayaw ulit sa Epifania? Huwag kang tanga! Isipin mo ang lahat ng posibleng mangyari. Dahil isang pagkakamali mo lang, pareho kayong pupulutin sa kangkungan!"

Hindi ko na napigilan at napatayo na ako para lumabas sa lugar na iyon. Hindi ko kayang pakinggan ang mga negatibo niyang sinasabi. Masakit. Masakit dahi iyon ang katotohanang hindi ko kayang itago sa sarili ko.

Tumakbo ako. Tumakbo nang tumakbo hanggang sa kaya ng mga paa ko. Gusto ko na lang tumakbo habang buhay. Gusto kong takbuhan lahat ng problema, pero alam kong hindi puwede. Kailangan kong tumigil alang-alang sa anak ko.

Sapo-sapo ko ang aking dibdib nang tumigil ako. Hindi ko akalaing kaya kong tumakbo sa lagay na iyon. Pero kinaya ko. Kinaya ko naman, 'di ba? Kaya ko!

Umihip ang malakas na hangin at hinawi niyon ang mahaba kong buhok. Tinuyo niyon ang butil ng pawis na namumuo sa noo at leeg ko. At pansamantalang pinawi niyon ang kaba, takot, lungkot at pagod na nararamdaman ko. Masarap makalanghap ng ginhawa—ng pansamantalang ginhawa—sa ganitong mga pagkakataon.

Muli, nasa sentro ako ng Epifania. Sa lugar kung saan ako hinubog ng buhay. Sa lugar kung saan maingay subalit tahimik. Madilim ngunit maliwanag. Magulo pero payapa. Nandito ako sa sentro ng Epifania. Iyong pakiramdam na kailangang lumaban kahit wala ka namang pananggalang. Dito iyon. Dito sa sentro ng Epifania.

Inilibot ko ang aking mga mata sa paligid. Wala akong maramdaman. Tila ilang segundong tumigil sa pagtibok ang puso ko. Sinubukan kong ihakbang palapit sa isang bato ang paa ko, pero animo'y nawalan ako ng lakas. Bumaon ang talampakan ko sa baku-bakong semento at kasabay niyon ang malakas na pagsipa mula sa aking sinapupunan.

Manganganak na ako. 

At bubuhayin ko ang batang ito.

EpifaniaWhere stories live. Discover now