"Natutuwa akong narito kayo, Lola," halos pabulong niyang sabi.

"Nagustuhan mo ang bahay na ito?"

"Sino po ba ang hindi?" Binitiwan niya ang kamay nito at tumanaw sa kakahuyan. Naglalakihan ang matatandang puno sa bahaging iyon. "Totoong alam ninyong binibili ni Robb ang bahay na ito?"

Tumango ito. "Oo, Serena. Natanto ni Robb na hindi niya ako maisasama sa ibang bansa at hindi ako iiwan ng apo ko ritong nag-iisa." Ngumiti ito. "Nakita mo na ang ibig kong sabihin sa iyong mahal ako ng aking apo, Serena?"

Hindi niya makuhang hindi sang-ayunan iyon. Natiyak na niyang mali siya sa impresyon niya rito. "Nagtataka lang po ako kung bakit pinalipas ni Robb ang mahigit dalawang taon bago siya umuwi..."

Huminga nang malalim si Lola Emilia at itinuon ang paningin sa mga halaman. "Alam mo bang muntik nang mabulag ang aking apo?"

She frowned. "H-hindi po."

"Dapat pala'y ipinabasa ko sa iyo ang mga lumang peryodiko at magazine, hija. May tumama sa kanyang kung ano mula sa sumabog na motorboat. Iyon ang dahilan kung bakit matagal na nanatili sa ospital si Robb. At nang makalabas naman ay hindi pa tuluyang magaling ang isang mata niya. Hindi niya gustong umuwi para alagaan ko maliban pa sa nasa Amerika ang mahuhusay na manggagamot at pasilidad na kailangan niya...

"Sa nakalipas na dalawang taon mula nang mangyari ang pagkakaligtas niya ay dalawang operasyon sa mata ang ginawa sa apo ko, hija... Ang huli'y naging matagumpay..."

Lihim na napaungol si Serena. Minsan pa ay napatunayan niyang mali ang ginawa niyang paghusga rito. Gusto niyang mapahiya sa sarili sa mga akusasyong binitiwan niya rito.

She sighed deeply. "Ang bahay na ito, Lola, kailan ito naisipang bilhin ni Robb?"

"Ang transaksiyon ay ginawa ni Robb noong magtungo siya sa Maynila upang kausapin ang abogado ni Congressman Perez. Iyon ang panahong naaksidente ako, hija..."

Kung ganoon ay ang bahay na iyon ang inasikaso nito nang hindi ito umuwi ng dalawang araw. Pero bakit hindi sinabi sa kanya ni Robb iyon? It would have justified his absence. But then again, she thought scornfully, Robb would never feel obligated to justify any of his actions to anyone. Lalo na sa kanya.

"Hiniling ni Robb na huwag kong sabihin sa iyo. Nais ka niyang sorpresahin, apo."

It was the understatement of the year. She sneered silently. "Nabigla ba kayo sa madaliang pagpapakasal namin?" she asked, almost raising her voice.

"Hindi, hija," tugon ng ginang. "Hindi kailangan ng mahabang panahon para malaman ng dalawang taong nagmamahalan sila. Bukod sa mga pagbanggit ko sa kanya tungkol sa iyo ay nag-iwan ka ng magandang impression sa apo ko nang magkita kayo sa dalampasigan. Pag-uwi niya'y hindi na siya lumubay ng katatanong tungkol sa iyo..."

"T-talaga?" Hindi niya inaasahan iyon. When the old woman nodded her head knowingly, Serena changed the topic. Tumingala siya at inikot ang paningin sa paligid. "Natitiyak kong napakamahal ng bahay na ito..."

"Huwag mong alalahanin ang salapi, hija." Iwinasiwas nito ang yayat na kamay. "Bukod sa napakalaking kinita ni Robb sa mga libro niya'y mayaman din naman ang kanyang ina at sa kanya naman ipinamana ang lahat ng mga ari-arian nito dahil nag-iisang anak naman si Robb. Ang mahalaga'y natagpuan ninyo ang isa't isa at magiging maligaya kayo. Mahal ka ng aking apo, Serena..."

Love Trap (COMPLETED) Published by PHRWhere stories live. Discover now