1

85.1K 1K 27
                                    


ILANG araw nang malakas ang hangin at umuulan-ulan dahil may nagbabantang bagyo. Ang mga hanging plants na ilang araw na rin namang napaulanan sa labas ay muling ibinabalik ni Serena sa pagkakasabit sa itaas na rehas ng bintana sa sala.

"Alam mo bang nangako si Robert na uuwi siya, Serena?" wika ni Lola Emilia, nakabakas sa tinig ang matinding pag-asam at galak.

"Paano ho ninyong nalaman? Tumawag ho ba siya sa inyo?" Nilingon niya ito at nakita niya ang pagliliwanag sa mukha ng matandang babae.

"Tatlong araw na ang nakalipas, hija. Hustong nakaalis ka na nang tumawag ang apo ko..." sagot nito. "Kung nagkataong narito ka pa'y tiyak na napakausap ko si Robb sa iyo." Nasisiyahang ngumiti ito at tinitigan siya.

Tumalikod si Serena upang hindi nito makita ang pagkadismaya sa mukha niya. Hindi miminsang ipinahiwatig ng matandang babae na sana'y magkaroon ng pagkakataong magkakilala sila ng apo nito.

"Sa wakas," patuloy nito, bahagyang inuga-uga ang silyang tumbatumba, "bago man lang ako mamatay ay magkikita kaming muli ng apo kong iyon."

Bumaba siya mula sa tinutuntungang silya. "Hindi pa kayo mamamatay, Lola Emilia. Bakit ba lagi ninyong sinasabi iyan?" May halong pagsaway sa tinig niya. Gayon man ay hindi maalis kay Serena ang mag-alala. Matanda na si Lola Emilia, pitumpu't tatlong taong gulang.

Kung dati-rati'y dalawang beses lang sa isang linggo kung dumating siya sa bahay nito, nitong nakalipas na anim na buwan ay ginagawa na niyang apat na beses ngayon. Lumalala ang arthritis nito at paminsan-minsan ay malimit niya itong nakikitang tila hapong-hapo at kinakapos ng hininga. Subalit sa tuwi naman niyang tatanungin kung ano ang dinaramdam nito ay sinasabing napagod lang. At mariing tumatanggi kapag niyayaya niyang magpatingin sa doktor.

"Kailan daw po?"

"Hindi niya sinabi. Pero ayon sa apo ko'y sa pinakamaagang panahon na maaari." Tumayo ito mula sa silyang tumbatumba. Lumakad patungo sa bintana at tumanaw sa labas, tila may binabalikang masasayang alaala. "Alam ko namang napakaabala ng apo kong iyon."

Abala sa pakikipag-date sa kung sino-sinong American movie actress, sabi niya sa sarili. Hindi niya kilala ang apo nito, ni hindi pa niya nakikita nang personal. Pero hindi niya maalis ang hindi magandang opinyon niya kay Robb Orlando kung ang pag-uusapan ay ang kaunting nalalaman niya rito.

Una niyang nakilala si Lola Emilia nang minsang magtungo ito sa shop niya sa Puerto Princesa may tatlong taon na ang nakalipas. Bumibili ito ng imported na pambabaeng magazine. Pagkatapos ay buong pagmamalaking itinuro nito sa kanya ang larawan ng isang lalaki sa pahina sa loob. Ayon dito'y apo nito iyon. At sa caption na nabasa niya ay isa itong sumisikat na Fil-Am writer.

Bukod sa balbas-sarado ito ay may patch pa ito sa isang mata na tila pirata. Napapailing siya nang lihim. Ang ginagawa nga naman ng ilang tao upang makuha ang atensiyon ng publiko.

Gayunma'y magiliw niyang nginitian ang matandang babae bagaman hindi siya naniniwala sa sinasabi nito. Dahil Orlando ang apelyido ni Lola Emilia, sa isip nito'y kamag-anak nito ang nobelista.

Nalaman din niyang hindi naman gaanong kalayuan sa bahay niya ang bahay nito sa Sta. Fe. Wala pang kinse minutos sa sasakyan niya ay naroon na siya. Naging suki niya ito na bumibili ng magazine na may artikulo at larawan ni Robert Orlando, o Robb sa publiko—na sa bawat pagkakataon ay nauugnay sa ilang Amerikanang aktres. Ang pagkikilalang iyon ay nauwi sa pagiging magkaibigan.

Love Trap (COMPLETED) Published by PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon