Habang mahal pa kita

11 0 0
                                    

HABANG MAHAL PA KITA, maari bang kunin mo na ang buong ako, angkinin pati puso, isip at kaluluwa ko, habang maalab pa, habang hinahanap ka pa, habang ikaw pa ang ninanais nitong mga mata, ngayon pa lang, ako'y itanan na, dalhin sa iyong kanlungan, at doon tayo magpakasasa, sa kaligayahan na sabi mo kailan ma'y di maaring dungisan ng anumang luha. Maari kayang ilayo mo na? Ilayo sa mundong puno ng kalinga mula sa mga mapanlinlang, ayokong mabaling sa kanila ang atensyon ko na para sa iyo lamang. Maari nga kaya? Habang mahal pa kita. Sukubin na ako ng mga yakap at halik mo, habang ngalan mo pa ang tanging dinadasal ko, mga kilos at gawa mo pa ang hinahangaan ko, at ang mga salita mo pa ang pinapaniwalaan ko. Maari nga ba? Tangayin na ako ng pag-ibig mo patungo sa tinutukoy mong langit, malayo sa pait, palayo sa mga may galit, ayokong pati ako mahawa sa kanilang mga hinanakit. Habang mahal pa kita, sa iyong bisig ako'y ikulong na, yapusin ang puso ko nang dalisay mong pagkalinga.  Ikaw na tagapagligtas na sabi nila'y masusumpungan ko, maari bang ngayon pa lang ako ay kunin mo na, habang ikaw pa ang iniibig ko, habang ikaw pa ang pinapaniwalaan ko, ayokong maabutan mo ako sa pagbabalik mo na nahuhumaliw sa makamundong bagay sa paligid ko. Ayokong maabutan mo akong pagod na kahihintay sa iyo, na parang kandilang nauupos o di kaya'y tinta na naghihikahos, ayokong maabutan mo ako at masaksihan mo ang pagtarak ko ng punyal na hawak sa dibdib ko o pihitin ang gatilyo sa pamamagitan ng daliri ko o itulak palayo ang bangkong kinatatayuan ko habang nakakwintas ang latigong hinayaan kong magpasya sa buhay ko. Maari nga ba? Ngayon pa lang, sunduin mo na ako at dalhin sa kaharian mo, sa lupang paraiso na tinutukoy mo, habang mahal pa kita, habang minamahal pa kita, habang pinapaniwala ko pa ang sarili ko na mahal pa kita, habang ang alam ng lahat ay mahal pa kita. Habang sa pagkakaalam ko, mahal pa kita. Mahal pa nga ba kita? O aking Diyos na sa aki'y lumikha, ang pag-ibig ko sa iyo ay isang ilusyon na nga lang ba?

"HABANG MAHAL PA KITA" ni Yhin
10162019549pm

Compilation of MY Poems (Random)Where stories live. Discover now