“May lagnat ka pala,” saka ito lumapit kay ermats. “Ma’am, under observation po ang anak niyo. Kelangan po natin ng blood at urine test. Ia-admit po natin siya ngayon. Kung wala namang pong problema sa result ng mga test, by tomorrow po puwede na siyang i-discharge,”

            Wala namang ibang reaction si ermats kun’di tumango-tango lang. Napatingin s’ya sa’ken na para bang gusto akong sisihin at isigaw na “Sige, manigarilyo at uminom ka pa!”. Pagkatapos iabot ang ilang pirasong papel kay ermats, mabilis na rin itong umalis. Isinara naman ng nurse yung kurtina saka umalis na rin.

            “O ano? Uminom ka pa,” sabi ni ermats.

            Wag na sumagot. Kalma lang.

            “Okey ka lang?” tanong ni ate. Tumango lang ako. Nakaramdam ako ng uhaw at gutom.

            “Nong oras na?” tanong ko. Lumingon-lingon ako sa gilid, hinahanap ang gamit ko. Baka may text si Lyla.

            Asan nga pala si Lyla?

            “Mag-aala una na boy,” sagot ni Ada.

            Ang haba na pala ng tulog ko. Pero pakiramdam ko umidlip lang ako.

            Medyo maingay sa paligid. Tantiya ko, nasa emergency room ako. Naririnig-rinig ko pa ang boses ng doktor sa kanan ko.

            “No ba kasing pinaggagagawa mo?” tanong ni ermats pero di naman galit. Buti kalmado lang.

            “Wala nga. Di naman ako uminom kagabi,”

            “Di ka rin maawat e. Kun’di lasing, magpupuyat. Ano ba namang klaseng gawain yan?”

            Di na ko sumagot. Wala rin naman akong magandang ikakatwiran.

            Ba’t kaya wala si Lyla? Nagalit?

           

            “Yung gamit ko?” tanong ko kay Ada.

            “Eto o,” saka inabot ang bag ko pagkadampot sa sahig. Hinalungkat ko agad ang bag at dali-daling hinanap ang cellphone. Dismayado ako. Walang kahit anong text.

            Hindi sa nagde-demand ako, pero wala man lang akong moral support galing sa kanya. Ang weird, ni hindi man lang ako nasamahan dito kahit saglit. Expected ko pa naman na siya agad ang makikita ko.

            “Nanalo kami?” tanong ko. Maiba lang yung usapan.

            “Pambihira ka talagang bata ka, yung laro pa rin ang inaalala mo kahit nakahilata ka na sa ospital,” sabi ni ermats. “O siya, maiwan ko muna kayo at pupunta lang ako ng cashier.”

Ang Babae sa Kabilang ClassroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon