Chapter 17 Dream

140 11 2
                                    

Chapter 17 Dream

***MEG POV***
HINDI matigil ang puso ko pagpintig ng pagkalakas-lakas habang tinititigan ang mukha ni Ward. Naroon ang pag-unawa sa kanyang anyo habang siya ay nagsasalita. Gusto kong malaman kung ano iyon ngunit wala, wala akong marinig ni katiting. Tila yata namingi ako.

"A-ano ang..."

Sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan wala akong ibang makita kundi kadiliman. Naiwan akong mag-isa at walang kasama. Wala na si Ward sa harapan ko. Ako na lang ang natitira.

Bakit naging ganito? Ano ang nangyayari sa akin?

Ramdam ko ang labis na takot na lumalamon ngayon sa buo kong pagkatao.

Bakit ang dilim?

Sinubukan kong iangat ang mga kamay ko para sampalin ang sarili, baka sakaling magising ako at bumalik sa tama kong katinuan ngunit ang nakakatakot sa lahat, ayaw gumalaw ng mga kamay ko. Hindi sila sumusunod sa akin.

Bahagya akong nakahinga ng maluwag nang may marinig din ako sa wakas. Mahinang bakas ng mga paa na nagmumula sa likuran ko.

Laking pagtataka ko nang magawa ko ng lumingon. Parang ang daya naman yata nito, ulo ko lang ang gumagalaw pero hindi ang mga kamay ko.

Labis na nanlaki ang mga mata ko nang makitang muli ang batang babaeng ito. Siya ang laging dumadalaw sa aking panaginip. Ang ibig sabihin ba nito, nananaginip na naman ako?

"Bumalik na tayo." aniya, wala akong makita ni katiting na emosyon sa mukha.

"H-hindi kita maintindihan." Kabadong sabi ko sa kanya. Matagal na akong binabagabag ng batang ito. Lagi siyang lumilitaw sa panaginip ko at ipinapakita ang kung anu-ano na hindi ko naman maunawaan. "B-bakit lagi ka na lang nagpapakita sa panaginip ko? S-sino ka ba?"

"Hindi mo kasalanan." Sa halip ay sabi niya.

Kahit wala akong maintindihan sa mga sinasabi ng batang ito. Parang may kung ano ang sumakal sa puso ko.

"Tuparin mo na ang pangako mo." Lumuhod ang batang babae. "Bumalik ka na," at iniyakap ang malilit niyang mga kamay sa leeg ko. "Bumalik na tayo,"

Bigla na lang akong kinapos ng hininga nang umapoy ang buong paligid. Unti-unti itong lumiit hanggang sa lumitaw sa harapan ko ang isang sasakyan sa gitna ng daan.

Hindi na puro kadiliman. Sa pagkakataong ito puro malalaking kahoy ang nakikita ko.

Maang na napasulyap ako sa taong nasa loob.

Binundol ang puso ko ng kaba pagkakita ko sa unahang bahagi ng sasakyan, yupi ang ibang parte niyon at unti-unting umapoy. Pilit akong tumayo para tulungan ang babaeng naipit kaso nanaig ang labis na pananakit ng katawan ko.

"U-umalis ka na... I-Iligtas mo na lang ang sarili mo." hirap na wika ng babae.

Sa totoo lang, minsan na itong pumasok sa panaginip ko. Ang pinagkaiba, ramdam ko ang lahat ng pasakit. Ang mukha naman niya, hindi na ganoon kalabo.

"P-pakiusap,"

"H-hindi ako aalis." Sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan, nagkusang bumuka ang mga labi ko. Kusa itong rumisponde sa babae. "T-tutulungan kita."

"H-huwag na." Bakas ang paghihirap sa anyo niya. "T-tumakas..." sa pag-ubo niya may nasama doong dugo. T-tumakas ka na lang."

"H-Hindi!" Walang tigil ako sa pag-iling. Ang mga luha sa mga mata ko ay ayaw ng tumigil. "T-tutulungan kita-"

Clash of CLANS 3: Battle Between Hearts, Minds, and IdentitiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon