Biglang may tumilapon sa ere at tumama sa bintana ng kanilang sasakyan. Pagkahulog nito sa lupa, napalundag silang lahat sa gulat nang makitang ulo iyon ni Baste! Dilat pa ang mga mata nito at putol ang dila!

Muling may tumilapon sa ere at humagis sa kanila. Pagbagsak sa lupa, kamay ito ng lalaki. Nakasuot pa sa daliri nito ang singsing na may bato na hugis bungo. Sunod namang tumilapon sa kanila ang putol na paa nito. Sunod-sunod ang paglipad ng iba't ibang parte ng katawan nito at bumabagsak sa lupang kinatatayuan nila. Nagmumula iyon sa likod ng isang building kung saan umihi ang lalaki.

Hindi kinaya ng grupo ang labis na sindak. Nag-unahan silang makapasok sa sasakyan at mabilis itong pinaharurot ni Naldo. Ilang beses na silang muntik mabangga dahil sa bilis ng kanilang pagpapatakbo.

Pagkabalik sa lungga ay hingal na hingal silang lahat at nanginginig ang buong katawan. Naka-ilang tanong na si Kamatayan kung ano ang nangyari sa kanila ngunit wala ni isa ang may gustong magsalita. Lahat ay umurong ang dila habang larawan ng takot.

MULA sa likod ng gusali ay gumapang palabas ang nilalang na may katawang ahas. Tao ang pang-itaas at ahas ang pang-ibaba. Nilapitan niya ang putol-putol na katawan ni Baste at dinampot ang pugot na ulo. Gamit ang matutulis na mga kuko, binalatan niya ang ulo at winasak ang bungo. Pagkuwa'y dinukot niya ang sariwang utak na medyo mainit-init pa.

Kumurot siya ng maliit na tipak ng utak at isinubo. Naghalo sa kanyang bibig ang magkahalong dugo at dilaw na likidong nasa loob nito. Lalo siyang natakam sa linamnam na taglay nito. Isinubo na niya ang kalahating parte nito. Panay ang ngasab niya habang nginunguya ang malambot na utak. Bawat kagat ay tumatalsik ang dugo at likidong dilaw sa kanyang bibig.

Nang maubos niya ang utak ng lalaki ay gumapang siya pabalik sa likod ng gusali. Nang makaramdam ng pagkabusog ay unti-unti siyang nanghina hanggang sa mawalan ng malay. At habang wala siyang malay, dahan-dahang lumiit ang kanyang buntot at bumalik sa dati ang buo niyang anyo.

Nang balikan ng malay si Lucas ay ganap na siyang tao. Ngunit bahagya siyang nagulat nang makita ang hubo't hubad niyang katawan. Marahil ay nawasak ang kanyang damit matapos magpalit ng anyo. Mabuti na lang at naiwan sa kanyang tabi ang damit ng lalaking pinaslang niya kanina. Mabilis niyang isinuot ang damit nito at kumaripas ng takbo paalis sa lugar na iyon.

"ANAK, bakit ngayon ka lang nakauwi?" nag-aalalang tanong ni Lydia. Pasadong alas-singko ng madaling araw nakabalik si Lucas sa bahay.

Nagdahilan na lang ang lalaki na binantayan si Juliet sa ospital at hinintay ang pagbuti ng lagay. Hindi niya maaaring sabihin ang tunay na nangyari.

Pagkahiga sa kuwarto ay natulala siya sa kisame. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyari kagabi. Bahagyang nanginginig ang kanyang katawan habang inaalala kung paano nagbago ang kanyang anyo at kung paano niya pinatay ang isa sa mga tauhan ni Kamatayan.

Hindi pa tapos ang kanyang paghihiganti. Nais niyang ubusin ang mga tao ni Kamatayan hanggang sa ito na lang ang matira. Kapag nangyari iyon, nais niyang pahirapan nang husto ang lalaki bago tuluyang patayin.

Hindi lang si Juliet ang ipaghihiganti niya, pati na rin ang iba pang tao na pinerwisyo ni Kamatayan. Sa una ay natakot siya sa sarili dahil batid niyang nakapatay siya ng tao. Pero kung ang papatayin niya ay isa lang ding masamang tao, hinding-hindi niya pagsisisihan ang gagawing pagpatay. Gagamitin niya ang tunay na pagkatao para patayin ang mga masasamang loob sa lugar na iyon.

Tanghali nang bumalik si Lucas sa ospital. Laking tuwa niya dahil may malay na ang babae at kasalukuyan itong pinapakain ng ina nito.

"Lucas!" larawan ng tuwa si Juliet nang masilayan ang lalaki.


Hindi napigilan ng lalaki na yumakap sa babae. Sa paraang iyon tuluyang nawala ang alalahanin niya sa kalagayan ng kaibigan.

"Mabuti na lang at maayos na ang lagay mo, Juliet. Hindi ko kakayanin kapag nawala ka."

Bahagyang natawa ang babae. Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Sa totoo ay lihim siyang natutuwa sa ginawang pagyakap ng lalaki. Ewan niya pero lalong gumaan ang pakiramdam niya nang yakapin siya nito.

"Patawarin mo 'ko, Juliet. Hindi na lang sana tayo namasyal kung alam kong ganito ang mangyayari." Seryosong-seryoso ang anyo ni Lucas. Parang asawa na niya ang babae kung magsalita ito.

"Ano ka ba naman Lucas..." natatawa ang babae habang nagsasalita. "Hindi mo kasalanan 'yon! Stop thinking about it. Ang mahalaga okay na 'ko ngayon."

Tuwang-tuwa naman si Aling Almira habang pinagmamasdan ang dalawa.

Makikita si Lucas nang hapon iyon sa malawak na damuhan kung saan siya unang nagpalit ng anyo. Doon niya muling hinanap ang mahiwagang ahas.

Matapos ng kanyang panawagan ay dumating din agad ang berdeng ahas. Wala siyang pinalampas na oras at agad itong kinausap.

"Tulungan mo ako. Hanapin mo kung saan nagtatago sina Kamatayan. Magagawa mo ba para sa 'kin?"

Humuni ang ahas tanda ng pagsang-ayon. Nagsimula na itong gumapang para gawin ang kanyang ipinag-utos.

Pag-uwi ni Lucas sa kanilang bahay, naabutan niya ang mga magulang na pinag-uusapan ang isang masamang balita. Larawan ng pagkasindak ang mga ito, lalo na nang makita siya.

"Lucas! Mag-iingat ka! May patay na naman!" bulalas sa kanya ni Lydia.

Nagtaka si Lucas. "Ano po, 'Nay?"


"May natagpuan daw na bangkay sa kabilang barangay. Putol-putol ang katawan at butas ang ulo, tapos walang utak!" si Nestor ang sumagot.

Hindi na gaanong nasurpresa si Lucas. Alam naman kasi niya kung ano ang buong pangyayari.

"Kamusta na ang kalagayan ni Juliet?" salubong na tanong sa kanya ni Marites pagkababa nito sa hagdan.

"Mabuti na po ang kalagayan niya."

"Buti na lang at ganoon lang ang sinapit niya. Mas nakakaawa 'yong lalaking pinutol-putol ang katawan!" ani Lydia.

"Magbibihis lang po muna ako." At agad umakyat si Lucas sa kuwarto. Lihim na gumuhit ang mapanuksong ngiti sa kanyang mga labi.

To Be Continued...

TUKLAWWhere stories live. Discover now