HUMINTO ang sasakyang minamaneho ni Kamatayan sa bagong bahay na kanilang tutuluyan at pagtataguan. Bigay iyon ng isa sa mga pulis na kasabwat nila at nagpoprotekta sa kanila upang hindi makulong.

Nasa dulong parte iyon ng Antonio del Pilar at malayo sa mga tao. Doon nila naisipang lumipat dahil mainit muli ang kanilang pangalan sa mata ng batas. Dahil medyo malayo na ang naturang lugar sa bayan, wala na ring masyadong nagpupunta roon at kung mayroon man ay mga sasakyan lang din na nagdadaan at bumibiyahe.

Matataas ang mga damo sa kanilang nilalakaran at puno ng mga abandonadong gusali ang buong paligid. Noon lang muli nagkaroon ng tao sa lugar na iyon matapos silang magpunta roon. Kaya naman laking tuwa ni Kamatayan dahil solong-solo niya ang buong lugar.

"Boss, sigurado ka na ba rito? Sobrang tahimik naman dito. Parang tayo lang yata ang mga tao rito. Wala na ba tayong ibang matutuluyan?" usisa ng isa sa mga tauhan niyang si Naldo. Nakasandal ito sa harap ng sasakyan habang humihithit ng sigarilyo.

"Teritoryo ko ang buong bayang ito. Hindi ako aalis dito. Walang puwedeng makapagpaalis sa atin dito." Nakatalikod si Kamatayan sa mga tauhan habang nakatanaw sa papalubog na araw. "Marami tayong puwedeng gawin dito. Walang makakakita sa atin. Walang makakapansin. Saan ka pa?"

"Ready na 'yong loob, Sir Lando. Pasok na muna kayo para makita n'yo." Sumandal ang pulis sa pintuan. Kinuha nito ang atensyon ng mga tauhan at sinenyasang pumasok din sa loob.

Naunang pumasok si Kamatayan sa bahay-kastila na bagamat luma na at bakbak ang mga pintura ay mukhang matibay pa rin at walang bakas ng pagkasira sa istraktura. Sumunod naman ang iba pang mga tauhan na may bitbit na mga gamit.

MAG-ISANG naglalakad si Lucas sa bayan nang hapon na iyon para magpalamig ng ulo. May tampo pa rin siya sa kanyang ama at ina. Kapag may sama siya ng loob, ugali na niyang lumabas ng bahay at maglibot-libot para malibang at makalimot. Ayaw niyang manatili lang sa bahay at magmukmok dahil lalo lang bibigat ang kanyang pakiramdam.

Sinubukan niyang puntahan ang lugar ng dalawang binatilyo na pinaslang nina Kamatayan. Iyon ang Brgy. San Matias na napupuno ng mga dikit-dikit na sementadong bahay. Nadaanan na niya iyon kasama si Juliet noon. Doon din niya unang naingkuwentro ang grupo nina Kamatayan kung saan nagkatinginan sila nito.

Agad niyang nahulaan ang bahay ng dalawang pinaslang nang makita ang mga pulis na nagtatrabaho at nag-iimbestiga roon habang kausap ang dalawang matanda na marahil ay kamag-anak ng mga biktima.

Nang masilayan naman niya ang katabing bahay nito na may patay na puno, naalala niyang doon niya unang nakita sina Kamatayan na nag-iinuman. Sa isip-isip niya, mabuti na lang at hindi sila roon nakatira. Kahit papaano, malayo-layo sila sa pugad ng mapanganib na mga tao.

Nahinto siya sa paglalakad nang biglang sumulpot ang berdeng ahas sa kanyang dinadaanan. Muli siya nitong kinausap at pinasusunod sa isang mahalagang lugar. Dahil din sa kuryosidad, napilitan siyang sumama rito at pasimpleng sinundan ang ahas kung saan ito gumapang.

Nakarating sila sa isang malawak na gubat. Higit na madilim ang parte ng lugar na iyon dahil sa malalaking mga puno sa paligid na humaharang sa kalangitan. Kung ordinaryong tao lang ang pupunta roon, tiyak na matatakot na itong tumuloy dahil sa dilim at katahimikan ng lugar.

Pero si Lucas, walang nararamdaman kahit katiting na kilabot. Wala rin sa isip niya ang makaramdam ng takot sa naturang lugar. Ang tanging naghahari sa kanya ay ang kuryosidad at pagkasabik na malaman kung ano ang nais ipakita ng mahiwagang ahas.

Nang marating nila ang pinakadulo ng gubat, nasilayan niya sa kanyang harapan ang isang malaking kuweba. Hindi niya alam kung gaano katagal ang inabot niya sa paglalakad doon, pero malalim na ang gabi nang makarating siya roon kasama ang ahas.

Muling gumapang ang ahas papasok sa loob. Awtomatiko namang sumunod si Lucas. Hindi niya namalayan ang pagbabago ng kulay ng kanyang mga mata nang makapasok na sila sa madilim na kuweba. Naging kulay berde ang mga ito at nagkaroon siya ng kakayahang makakita sa dilim.

Kitang-kita niya ang mabatong mga paligid. Pati na rin ang mga paniki na lumilipad-lipad sa ere na animoy sumasalubong at bumabati sa kanyang pagdating.

Dinala siya ng ahas sa matubig na parte ng kuweba. Mula sa tubig, biglang umahon at lumitaw ang ulo ng isang nilalang. Kulay pula ang mga mata nito at berde ang balat. Wala itong buhok at bukol-bukol ang hugis ng ulo. Nagkatitigan sila ng nilalang na iyon. Walang emosyong makikita sa anyo ni Lucas, pero ang isip niya'y punong-puno ng pagtataka.

Umahon ang nilalang sa tubig at lumapit sa kanya. Nasilayan niya ang malaki nitong pangangatawan na kulay berde. May mahahaba itong mga daliri at pulang mga ugat sa braso hanggang sa mukha.

"Maligayang pagdating sa aking kaharian," bati sa kanya ng nilalang. Nilingon nito ang katabi niyang ahas at kinausap din. "Siya na ba ang sinasabi mong natitira sa ating lahi?" Lumilitaw ang matutulis nitong mga ngipin sa tuwing magsasalita.

Gaya ng dati, sumagot ang ahas sa pamamagitan ng isip. Dinig niya iyon at alam niyang nauunawaan din iyon ng nilalang.

Muling tumitig ang nilalang sa kanya. "Makinig kang mabuti. Ikaw na lang ang natitira sa aming angkan na naging tao, pero hindi mo matatakasan ang lahi na iyong pinagmulan. Sa nalalapit mong kaarawan, lalabas na ang tunay mong kaanyuan. Matututo ka nang kumain ng tao at hayop. Mauuhaw ka na sa dugo. Matatakam ka na sa lamang-loob. Kakailanganin mo ang mga iyon para manatili kang malakas at humaba ang iyong buhay."

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Lucas sa narinig. Hindi niya lubos maisip kung ano kaya ang pakiramdam kapag nakatikim ng tao. Nakaramdam siya ng kaba. Base sa mga napapanood niya sa pelikula, ang mga nilalang na kumakain ng tao ay tinatawag daw na cannibal. Ang iba naman ay mga halimaw o aswang.

"Ibig sabihin po ba nito, isa rin akong halimaw?" hindi niya napigilang magtanong sa nilalang.

Iba ang isinagot ng nilalang. "Ang ahas na ito ang inatasan ko bilang iyong gabay. Siya ang magsasabi sa iyo sa mga bagay na dapat mong malaman tungkol sa mga katulad natin. Ngunit hindi pa ito ang panahon para malaman mo ang mga iyon. Kailangan mo munang makita ang totoo mong anyo bago mo matuklasan ang tunay mong pagkatao."

Pagkatapos magsalaysay ng nilalang, tumalikod na ito sa kanya at bumalik sa tubig. "Sandali lang!" sigaw niya rito at bahagyang lumapit sa tubig. "Puwede ko bang malaman kung sino ka? Kung may pangalan ka ba?"

Matagal bago tumugon ang nilalang. "Gaya ng sabi ko, hindi pa ito ang tamang panahon para malaman mo ang lahat." Tuluyan nang lumubog ang ulo nito at lumangoy papunta sa kailaliman ng tubig.

Hindi na nakapagsalita si Lucas. Napaluhod na lamang siya sa lupa at napatingin sa ahas. Balak niyang magtanong dito tungkol sa isinaad ng nilalang, ngunit naalala rin niya ang sinabi nito na hindi pa oras para malaman niya ang lahat.

"Ayaw ko na rito. Gusto ko nang umuwi. Baka hinahanap na 'ko sa amin." Halata sa tinig ni Lucas ang pag-aalala.

Nagsimula nang gumapang palabas ang ahas. Mabilis siyang sumunod dito hanggang sa makabalik siya sa lugar kung saan siya nito sinundo. Mula roon, mag-isa na siyang naglakad pauwi dahil kusa na itong lumayo sa kanya.

To Be Continued...

TUKLAWWhere stories live. Discover now