Agua de Mayo

56 1 0
                                    

Song: Ikaw at ako by Johnoy Danao

Team: Sweetest S.I.N



Nang may pumara sa Pangarap, agad niyang sinilip ang selpon na nasa dashboard ng kaniyang dyip. Wallpaper niya ang kaniyang mag-ina. Si Carmen, nakangiti, kalong-kalong ang siyam na taon nilang anak, si Carl, na nakangiti rin pero wala ang dalawang ngipin sa harapan. 8:06 PM, sabi ng orasan. Binasa niya ang text message mula sa asawa. San na u? Nagpunas siya ng pawis sa noo at sa dibdib gamit ang kaniyang Good Morning towel bago kumambyo at tumapak sa pedal. Pauwi na ako, nakangiti niyang reply. Pagka-abante niya, napansin niya ang pagkatok ng ulan sa bubungan ng kaniyang dyip at sa salamin. Sa wakas! At ibinagsak na nga ng langit ang tila kinimkim niyang ulan ng ilang linggo. Napababa ng mga tarapal ang mga pasahero. Matagal na nila itong inantay. Matagal na itong inaantay ng lungsod na nag-aapoy na sa lagnat. Ito ang unang ulan ngayong Mayo.

Kagabi, di niya mapigilan ang pagtubo ng mga butil ng pawis sa kaniyang noo at dibdib. Ngawit na rin ang kaniyang braso kakapaypay sa kaniyang mag-ina gamit ang karton ng biskwit mula sa kanilang tindahan. Sa tantiya niya, magtatatlong oras nang brown out sa kanilang lugar. Lintik, ngayon pa nawalan ng kuryente, usal niya. Ala man lang abiso. Sa kama, pinagitnaan nila si Carl. Napagpasiyahan ng mag-asawa na rerelyebo sila sa pagpaypay at pagtaboy sa mga nanghaharanang lamok.

Napunta na sa kung saan-saan ang kuwentuhan nilang pamilya dahil panay ang kuwento ni Carl. Ekasyted na raw siyang sumakay sa malaking Ferris Wheel, maamoy ang tubig-alat ng Manila Bay, mapuntahan ang mga museum, ang mga drowing at painting doon. Alam nila na hilig ng bata ang mag-drowing. Nu'ng bata pa ito, madalas mag-init ang kanilang ulo dahil panay ang drowing nito sa kanilang pader. Ginawang mural ba. Noong una, ayaw pumayag ni Jess. Maghahanap na lang daw siya ng perya. Si Carmen naman ang humindi. Maano ba't pagbigyan ang anak, ipasyal ba. Makatapak man lang sa Maynila. Makita ang Manila Bay. "Nu'ng parang tayo lang dati. Ikaw at ako," sabi nito. Biglang bumalik sa gunita niya nu'ng binata't dalaga pa sila, naglalakad sila noon sa hindi pa gaano kaduming Manila Bay. Doon, kung saan sila nagpapalipas ng oras, doon kung saan nila pinagmamasdang humimbing ang araw bago ito tuluyang kumutan ng dilim. Ilang araw pa'y napapayag na rin siya. Nakatakda na sana ang alis nila nitong nakaraang linggo pero dumating ang balita sa pinagtatarabahuhan niyang pabrika na napasama siya sa mga tinanggal na trabahador. Basta sinabi lang ng boss nilang intsik na kailangan magtanggal ng tao dahil palugi na raw sila. Mabuti't may natanggap pang bayad si Jess. Ang iba ala.

Ngayon na lang uli siya pumasada ng dyip matapos ang ilang taon. Nang lumapit siya sa pinsan niya at makuwento kung puwede bang ibiyahe ang dyip nito dahil ala na nga itong trabaho, pumayag naman siya. Rutang Garay-SM Fairview. Ang usapan: limandaan ang boundary (na di niya na tinutulan kaysa naman ala silang pang-laman tiyan), sa bahay nila sa Minuyan igagarahe ang dyip, ipapanhik lang sa Garay kapag Sabado, at pag nagkasira, siya ang magpapagawa. Tumango na lang siya at agad na ibiniyahe ang dyip sa sumunod na araw. Maghapon na siyang bumiyahe ngayon. Sinugarado niyang may sapat na silang pera para bukas. Bukas, makakapunta na sila ng Maynila. Makakapasyal na silang mag-iina. At ngayon, habang binabagtas ng kaniyang kasintandang dyip ang highway, habang nilalabanan nila ang buhos ng ulan, ang hindi niya alam, ang hindi alam ng kaniyang pamilyang nag-iintay sa bahay, ito na ang huling biyahe niya.

Dilim. Di na mapigilan ni Jess ang pagsara ng kaniyang mata. Ganoon din si Carmen na naunahan na siya sa pagtulog. At si Carl, nako, mukhang malayo na ang nabiyahe. Pagkuwa'y dumilat na ang ilaw mula sa poste sa labas. Naghiyawan ang ilang kapitbahay nilang gising pa. Umikot na muli ang elisi ng electric fan. Dumaloy ang lamig sa katawan nila. Marahan niyang tinapik ang asawa, sinabing bumalik na ang kuryente. Bumangon ito. Kukuha raw siya ng maiinom nilang tubig. Tumayo na rin si Jess. Ginising ang anak. Ayaw magpatinag. Isa pang tapik. Ayaw talaga. Umungol lang. Nagpakawala siya ng buntong hininga bago binuhat ang anak. Napausal siya ng mura. Di niya akalain na ambigat na ng bata na dati lang ay karga-karga niya, hinahagis-hagis sa ere sabay bubungingis na nagpapa nerbiyos sa kaniyang asawa pag nakikita. Ba't ambilis mong lumaki? bulong niya rito nang maihiga ito sa kama. Nang masiguro niyang ala ng umaaligid na lamok, nagbalik na siya sa kuwarto at humiga. Pumikit. Sinuyo ang paudlot-udlot na tulog. Napabukas siya ng mata nang marinig ang yabag ni Carmen na may dalang isang basong tubig. Nagtama ang kanilang mata. Ganito yata talaga pag matagal nang magkasama, na kahit di na magsalita, alam na nila ang ibig ipahawit ng kilos ng bawat isa. Parang nagiging iisa na sila. Iisang katawan, isip. Langitngit lang ng electric fan ang maririnig. Tahimik na nag-usap ang kanilang puso at isip. Nang matapos niyang ubusin ang laman ng baso, pinatay na ni Carmen ang ilaw.

Round 3: Sweetes S.I.N. vs SynecdocheWhere stories live. Discover now