Si S (O Maikling Kasaysayan ng Katapusan)

81 1 0
                                    

Song: Halik sa Hangin by KZ Tandingan

Team: Sweetest S.I.N



7 OKTUBRE 2010, TAGAYTAY CITY

Mabilis kang dumating sa buhay ko, kagaya ng pagdaan ng malamig na hangin sa aking balát habang nakatitig ako ibaba ng bangin. Tumingala ako. Sa malayo, tanaw-tanaw ang mga ilaw na nanggagaling sa Kamaynilaan. Naisip ko, isa ka ba sa mga nagdudulot ng mga ilaw na iyon? Marahil, naroon ka sa isang gusali o tahanan. Maaaring nagkakape habang nagbabasá ng nobela ni Murakami o nanonood ng Casablanca, ang pinakapaborito mong pelikula. O maaari rin namang nakahiga ka sa kama kalapit ang táong kasalukuyan mong minamahal.

Mabilis kang dumating sa buhay ko, parang isang bisita na kakatok sa pinto ng aking bahay. Papapasukin kita at aalukin ng inumin, ngunit sasabihin mong hindi ka magtatagal dahil mayroon ka lang sasabihing balita. Hindi ko alam kung masama o mabuti ang balitang iyon, basta't pagkatapos mo iyong sabihin, mamamaalam ka na at iiwan muli akong mag-isa sa aking tahanan.

Habang dinarama ko ang malamig na hanging humahaplos sa aking balát, naalaala ko ang mga halik na ibinigay mo sa akin. Binigyan mo ako ng isang halik sa labì pagkatapos kitang bigyan ng regalo noong first monthsary natin, sa isang bar sa Session Road sa Baguio. Tatlong halik sa pisngi nang nagtatampo ako sa iyo dahil hindi mo ako masasamahan sa kasal ng aking kapatid. Dalawang halik sa leeg nang unang beses táyong magtalik. Isang halik sa ulo ng aking ari noong unang beses mo itong isinubo. Anim sa noo noong nanonood táyo ng Before Sunset. Tatlo sa hita noong kaarawan ko. Naaalala mo rin ba ang mga halik na ibigay ko sa iyo, S?

29 HULYO 2010, ISANG RESORT SA PANSOL

Ang totoo, hindi naman talaga ikaw ang tipo ko, S. Ang gusto ko, moreno. Maputi ang iyong balát. Ang gusto ko, malakas ang personalidad. Ikaw yata ang pinakatahimik sa opisina natin. Ang gusto ko, unang nanununggab. Wala kang ibinibigay na senyales na gusto mo ako, maliban sa paulit-ulit mong pagtingin sa akin noong nag-iinuman táyo. Ngunit, nang nagpaalam kang magbabanyo habang nagkakasiyahan ang mga kasamahan natin sa trabaho, hindi ko alam kung bakit sumunod ako sa iyo. Marahil, ayaw kong maiwan doon kasama ang mga táong hindi ko naman kasundo. Si Jacob na bidang-bida sa inuman dahil pinaaalon niya ang malaki niyang tiyan, si Mitch na umiiyak na dahil naghiwalay na naman daw sila ng boyfriend niya, si Karla na akala mo'y kung sinong anghel sa opisina pero ngayon, parang linta kung makakapit kay Carlo, at ang iba pa nating katrabaho na walang naidudulot sa aking búhay. Pumunta ka sa banyo ng mga lalaki. Binuksan mo nang dahan-dahan ang pinto ng isang cubicle, ngunit hindi ka pa rin pumapasok dito. Lumingon ka sa akin. Walang reaksyon ang iyong mukha. Hindi ko alam kung espiritu ng alak o mga espiritu na naninirahan sa resort na ito sa Laguna ang nagtulak sa akin upang hilahin ka papasok sa cubicle. Ako ang bisitang hindi kumatok sa iyong pinto at dire-diretsong pinasok ang iyong kabahayan, ngunit tinanggap mo pa rin ako nang buong-buo. Hinalikan ko ang iyong labì. Mabilis. Parang hinahabol ng mga anino at gunitang gusto ko nang kalimutan. Ilang sandali pa'y nanlaban na rin ang iyong labì. Hinubad ko ang suot mong t-shirt na mayroong nakatatak na usa. Nalaman kong paborito mo pala ang hayop na ito noong kumakain táyo ng tanghalian, isang beses, sa opisina. Dinilaan ko ang iyong leeg, kinagat-kagat. At mayamaya, sinipsip. Pakiramdam ko, isa akong bampira ngunit hindi dugo ang kukuhanin ko sa iyo, kung hindi ang iyong lakas. Narinig ko ang iyong pag-ungol. Gustong-gusto ko ang tunog na iyon, S. Hahawakan ko na sana ang iyong ari ngunit narinig natin na mayroong pumasok sa banyo.

"'Tang-ina," sabi mo. Noon lang kita unang beses na narinig magmura.

"'Tang-ina talaga," sagot ko. Muli kong hinalikan ang iyong labì. "Ituloy natin sa susunod." Lumabas na ako ng cubicle.

Round 3: Sweetes S.I.N. vs Synecdocheजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें