Erste

2.3K 272 17
                                    

FIRST

Isang normal na araw para sa dalagang si Liv. Nandito siya ngayon at nakaupo, taimtim na nanonood sa debate ng mga tumatakbong mambabatas para sa nalalapit na eleksyon. Nandito siya ngayon hindi dahil interesado siya sa debateng ito kundi dahil kasama ang kaniyang kuya sa mga tumatakbo sa nasabing puwesto. Bilang isang news broadcaster, sawang-sawa na siya sa mga isyu na tila ba'y wala nang katapusan na siyang pinag-uusapan ngayon.


Nabalik siya sa huwisyo mula sa pagkakatulala sa kawalan nang may kumalabit sa kaniya. Lumingon siya rito at nakita si Caden, ang kaniyang kaibigan. Tinignan niya ito at inabutan siya nito ng kapirasong papel.


“Ano 'to?” mahinang tanong ni Liv sa binata. Nangunot pa ang noong pinagmasdan ang kapirasong papel.

“Number ni Mel. Pinapahanap mo, 'di ba?” sagot ni Caden kaya't napatangu-tango si Liv.

“Salamat.”


Maingat na tumayo si Liv mula sa kinauupuan at naglakad palayo sa debate habang hawak-hawak ang kapirasong papel. Nang makarating sa lugar na hindi na masiyadong maingay ay kinuha niya ang kaniyang telepono at saka dinial ang mga numerong nakasulat sa papel. Napapadyak-padyak pa ang kaniyang paa sa lapag habang hinihintay sagutin ang tawag niya. Pagkatapos ng apat na ring ay may sumagot na rin kaya naman umayos na siya ng tayo.


“Hello?” sagot ng boses ng lalaki sa kabilang linya.


Napakunot ang noo niya nang marinig na lalaki ang sumagot at isa pa'y ang ingay ng background nito. Nasa labas ba ito? Nasa rally? Bakit ang ingay?


Napasinghap si Liv nang may pumasok sa isip niya.


Ito ba ang batugang nobyo ni Melanie? Bakit nasa kaniya ang telepono ni Mel? Kinuha ba niya ito nang sapilitan kay Mel upang may ipangtustos na naman sa mga bisyo niya? At mas malala, nakikipag-inuman na naman ba siya ngayon kaya maingay ang paligid niya?


Napakaraming wild na ideya ang pumasok sa utak ni Liv kaya naman hindi na niya napigilan ang sarili.


“Hoy! Ikaw, tigil-tigilan mo 'yang mga bisyo mo at tumigil ka na sa paggamit kay Mel, ha! Magtrabaho ka! Ang laki-laki mong tao, hindi ka man lang naghahanap ng trabaho? Maawa ka naman sa kaibigan ko! Nagkandabaun-baon na sa utang dahil sa sabong mo! Asan na si Mel? Bakit nasa'yo 'tong cellphone niya?” sunud-sunod na sabi ni Liv sa kabilang linya.


Hindi sumagot ang nasa kabilang linya. Ilang segundong narinig ni Liv ang ingay sa paligid nito ngunit hindi nagtagal at binaba na rin nito ang tawag kaya napasinghap na lang si Liv sa inis at pagkagulat.


Ang kapal ng mukha ng lalaking 'yon babaan siya ng tawag. Tama naman ang mga sinabi niya; batugan ito, tamad, at lulong sa bisyo na hindi naman nito kayang sustentuhan kaya si Melanie ang nagbabayad sa mga ito.


Huminga na lang nang malalim si Liv at saka napasuklay sa sariling buhok. Pilit niyang pinakalma ang sarili ngunit hindi talaga niya mapigilang mainis. Ang kapal talaga ng mukha ng lalaking iyon, babaan ba naman siya ng telepono?


Naglakad na pabalik si Liv sa kinauupuan katabi ng kaniyang mga magulang at isa pang kuya. Katabi na rin niya ngayon si Caden. Saktong pagkaupo niya ay mas umingay na muli ang paligid maski na ang mga nasa likod nilang taga-suporta dahil ang kuya na niya at ang independent candidate na mahigpit na kalaban nito ang nasa harap.


“Magandang umaga po sa inyong lahat.”


Napaangat ang tingin ni Liv sa nagsalita sa harap. Pamilyar ang boses na 'yon. Kailan at saan nga ba niya narinig ang boses na 'yon?


A Sky Full Of StarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon