kabanata xvii

236 8 8
                                    

Magandang Balita


Maria Isabel


Hindi ko mailarawan ang aking nararamdaman. Katapat ko sina Ama at Ina sa kalesa na aming sinasakyan pabalik sa Santo Rosario. Kahit na gusto kong kausapin ang aking mga magulang ay nauunahan naman ako ng kaba. Narinig ko at nasaksihan kanina sa bahay ng pamilya Montecarlo ang magaan na awra ng aking Ama. Nginitian niya ako ng makita niya akong nakatingin sa kanila ni Don Simeon. Ngayon ko lang nakitang muli ang mga ngiting 'yon mula sa kanya.

Pagkababa ko ng kalesa ay agad akong tumakbo papasok ng aming tahanan. Nakasalubong ko pa si Nanay Belen na muntikan ng mabitawan ang dala nitong timba. Tinawag niya ako ngunit kumaway lang ako sakanya. Dali-dali akong umakyat ng hagdan at nagtungo sa silid ng aking kapatid.

Tumambad sa akin ang maputlang itsura ng aking kapatid. Kanina lang ay malungkot itong nakadungaw sa bintana ngunit ng kami ay magkita ay nabahiran din ng konting kulay at saya ang kanyang mukha. Lumapit siya sa akin at niyakap ako ng mahigpit.

"Ate.." sambit ko habang yakap-yakap ang aking kapatid. Saglit lang at kumawala siya sa akin at ako'y tiningnan ng puno ng kasiyahan.

"Masaya ako na nakita kitang muli, Isabel. Hindi ko inasahan ang pagkikita natin ngayon. Marami akong gustong i-cuento sa iyo aking kapatid." nakangiting sabi sa akin ni ate Esmeralda. Niyakap niya akong muli bago namin narinig ang muling pagbukas ng pinto.

Paglingon namin ay nakita namin ang aming mga magulang. Nakangiti ang aking Ina habang ang aking Ama naman ay tila tinatanaw lang kami ni ate. Hanggang sa dahan-dahan na itong naglakad papalapit sa amin. Akala ko ay pagsasabihan niya kami at papagalitan. Ngunit ako'y mali dahil kanya kaming niyakap pareho at wala siyang isang salita na sinabi. Hindi ko napigilan ang aking sarili at napayakap nalang din sakanya. Kaytagal ko rin na hinintay ang pagkakataon na ito. Ang mayakap ang aking ama ay isa sa pinapangarap ko.

Dahil sa ilang taon na pamamalagi ko sa bahay na ito ay ni minsan hindi ko naramdaman ang hawak ng aking Ama. Palagi itong nasa kanyang silid at nagtatrabaho. Palagi nitong kasama ang mga kawal at mga panauhin na kasama niya sa pulitika't negosyo. Hindi ko siya nakasama bilang aking Ama.

"Masaya ako na nandirito kayo ulit sa ating tahanan. Ipagpaumanhin niyo ang aking nagawang kasalanan," sabi sa amin ni Ama ng kanya kaming harapin ni ate Esmeralda. "Esmeralda, hija, patawad."

Hindi nagsalita ang aking kapatid at sa halip ay muling niyakap ang aming Ama. Wala ng sasaya pa sa gabing ito. Hindi ko inakala na hihingi ng tawad ang aking Ama sa kanyang nagawa. Lumapit na rin sa amin si Ina at niyakap kami pareho ng aking kapatid.

Natapos ang gabi na puno ng kapatawaran at pag-ibig. Bagay na inaasam-asam kong maramdaman sa loob ng aming tahanan. Malalim na ang gabi at kami'y gising pa ng aking kapatid. Hindi makatulog ang si ate Esmeralda dahil sa rami ng kanyang gustong sabihin sa akin.

"Ang pagtakas namin ni Manuel ay ang pinakanatagal na oras ng buhay ko, Isabel. Iyon ang oras na hindi kita nakasama at nayayakap ng ganito. Ngunit iyon din ang oras na kay bilis." huminga ng malalim si ate Esmeralda at inalis ang yakap sa akin. Nakatingin lang ito sa kisame na parang may malalim na inaalala.

"Bakit kay bilis matapos ng mga alaalang masaya? Bakit sa tuwing tayo'y maligaya ay may kalakip na lungkot sa huli? Hindi ba maaaring maging masaya na lamang? Masaya nalang parati," napaisip ako sa mga katanungan na nasambit niya.

"Nais ko ng makitang muli si Manuel, Isabel. Ilang araw ng nasa isip ko ang aking mahal. Nahihirapan akong isipin na habang nandirito ako sa malambot kong hinihigaan ay nasa labas siya't nilalabanan ang mapait na kinakahinatnan ng aming pag-iibigan. Isabel, sana ay gabayan siya ng ating Diyos." hinarap ko ang aking kapatid ng marinig ko ang kanyang paghikbi. Ako rin ay nalulungkot sa pagsubok niya na ito.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 08, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Pag-ibig ni Maria IsabelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon