Mundo ng Bangungot

1.2K 54 61
                                    

HINDI na siya makahinga sa higpit ng pagkakasakal sa kanya. Pakiramdam niya'y may nakataling lubid sa kanyang leeg na habang tumatagal ay lalong humihigpit.

Patuloy na lumulutang pataas ang katawan niya habang binabasag ng nakapangingilabot na bulong ang kanyang pandinig. May naramdaman pa siyang tila kamay na tumutusok sa kanyang baywang na nagdudulot ng magkahalong sakit at kiliti.

Kung anu-anong mga nakasusuklam na mukha ang nakikita niyang lumulutang sa madilim na paligid. Ginamit niya ang buong lakas para puwersahing igalaw ang paralisadong katawan. Hanggang sa...

Nagbalik sa normal ang pakiramdam ni Isabel. Napahawak siya sa dibdib at huminga nang malalim. Inunat niya ang katawan at nilingon ang narinig na ingay sa kanyang tabi. Nakita niya ang asawang si Wilbert na nag-iimpake ng kanilang mga damit. Nang mapansin nitong gising na siya ay agad itong lumingon sa kanya.

"Good morning, Hon. Hinanda ko na pala itong mga damit natin para kaunti na lang ang aayusin mamaya."

May ilang minuto siyang natahimik habang iniisip ang naranasang bangungot. Bahagya siyang nabahala. Napapadalas kasi ang pagdalaw ng bangungot sa kanya nitong mga nakaraang linggo.

Tuluyan namang nawala sa isip ni Isabel ang nangyaring bangungot nang masilayan ang bago nilang bahay na natapos din sa loob ng ilang taon. Sakto lang ang laki nito para sa pagbuo nila ng sariling pamilya.

"Parang hindi ko na maisip kung paano natin ito dedekurasyunan ng mga gamit." Sabay tawa.

Sobrang linis kasi ng paligid gawa ng puting pintura. Parang hindi niya kayang makita kapag natakpan ng mga gamit ang kulay at kalinisan nito.

Gabi. Naiwan mag-isa si Isabel sa bahay. Night shift ang asawa niya sa trabaho kaya mag-isa lang siyang matutulog.

Nang makaramdam ng antok, pinatay na niya ang TV at ipinatong ang remote sa katabing lamesa. Pumagilid siya ng higa at nagtakip ng kumot sa katawan. Nang tuluyang makatulog, hindi na niya napansin ang pag-init ng temperatura sa paligid.

Biglang nagising si Isabel na paralisado ang katawan. Sinundan iyon ng pagtusok ng mga daliri sa magkabila niyang baywang na parang gusto itong butasin. Pagkatapos ay unti-unti niyang naramdaman ang tila paglutang ng kanyang katawan. Sumunod ang mga bumubulong na tinig na habang tumatagal ay lalong lumalakas.

May ilang minuto siyang nanatili sa ganoong kalagayan. Naka-ilang ulit niyang binigla ang pagpapagalaw sa sariling katawan bago tuluyang nakawala sa masaklap na bangungot.

Sa sobrang takot ay sinindihan niya ang ilaw ng kuwarto pati ng buong bahay. Nagtungo siya sa banyo at naghilamos ng mukha.

Babalik na sana siya sa kuwarto nang magulat sa nakita. Mula sa pintuan ay may nakasilip na isang nilalang na itim ang buong katawan at puting-puti ang mga mata.

Halos malaglag ang puso niya sa gulat at kumaripas nang takbo pabalik sa loob ng banyo. Napasandal siya sa tiles na dingding at nanginginig ang buong katawan. Sa labis na panlalambot ng mga binti ay napaupo siya sa sahig at niyakap ang sarili.

Halos maiyak siya sa takot. Naiwan sa kuwarto ang cellphone niya kaya walang paraan para matawagan ang asawa. Wala siyang nagawa kundi ang manatili sa loob at makiramdam sa paligid.

Takot na takot si Isabel nang ibalita sa asawa ang nangyari kagabi. Humiling pa siya rito ng katulong para may makasama sa bahay kapag nag-iisa.

Pansamantalang pinatira ni Wilbert ang pinsang si Gerald sa kanilang bahay para samahan ang kanyang asawa. Ngunit sa paglipas ng mga araw ay hindi pa rin natahimik si Isabel. Kahit may kasama na siya sa kuwarto ay dinadalaw pa rin siya ng paulit-ulit na bangungot. Kapag naman naiwan siyang mag-isa sa isang sulok ng bahay kahit umaga ay biglang nagpapakita sa kung saan ang itim na nilalang. Palagi lang itong nagtatago sa mga pader o pintuan at nakasilip sa kanya.

BANGUNGOT (Book 1)Where stories live. Discover now