Chapter 4

6K 91 0
                                    

"ELAINE?" tawag ni Cider sa nobya. Puro tubig-dagat ang nakikita niya. Kahit saan siya lumingon ay wala siyang ibang makita. Nakatapak siya sa isang islet sa gitna ng karagatan at sa di-kalayuan ay may babaeng naglalakad palapit sa kanya. "Elaine, ikaw nga!" masayang bulalas niya nang makilala ang babae.

"Hinahanap mo pa rin ba ako?" nakangiting tanong nito sa kanya.

"Oo naman. Hindi ako magsasawang hanapin ka."

"Hindi ka pa ba napapagod?" Bigla ay lumungkot ang itsura nito.

"Alam mong hindi ako mapapagod na hanapin ka," seryoso niyang sagot. Naninikip ang dibdib niya dahil pakiramdam niya ay unti-unti itong lumalayo.

"Pakawalan mo na ako d'yan sa isip mo. Hindi ka magiging masaya hangga't hindi ka nakakawala mula sa'kin. Masaya na ako, Cider. At gusto ko ang maging masaya ka rin..." Habang sinasabi iyon ni Elaine ay mabilis itong lumalayo sa kanya hanggang sa hindi na niya ito mahabol.

"Elaine!"

"Cider, anak, gumising ka." Nagising si Cider sa pagyugyog sa kanya ng kanyang ina.

"N-nay..." nahihingal na sabi niya nang makita ang kanyang ina na nakadukwang sa kanya.

"Masamang panag-inip na naman," anito saka nagbuntong-hininga.

"Pasensya na, Nay, kung naabala kita."

"Gusto mo ng Milo?"

Napangiti siya. Batang paslit pa rin ang tingin sa kanya ng nanay niya. "Hindi na ako grade schooler, Nay," nakangiting sabi niya rito.

"Pero mahilig ka pa rin naman sa Milo, eh," giit nito.

Nang iwan siya ng nanay niya ay natulala na siya. Limang taon na... Limang taon na mula noong lumubog ang barkong sinasakyan ni Elaine pabalik ng Maynila. Hanggang ngayon ay hindi pa ito natatagpuan kaya hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Hangga't wala siyang bangkay na nakikita ay hindi siya mauubusan ng pag-asang buhay pa ito. Hindi siya magsasawang maghintay kahit na gaano katagal.

Si Elaine ang unang babaeng minahal niya. He was eighteen when he first met her, sa isang canteen sa labas ng university. Third year college siya noon sa kursong Computer Science at si Elaine naman ay third year din sa kursong HRM. Sa unang beses na nakita niya ito ay tila may anghel ng nagbulong sa kanya na ito ng babaeng nais niyang makasama sa habambuhay kung totoo man ang salitang iyon.

Isang taon niya itong niligawan at hindi naman siya nabigo. Siya na ang pinakamasayang lalaki sa buong mundo nang sagutin siya nito at sinigurado niyang araw-araw na mararamdaman ni Elaine na espesyal ito sa kanya. Hanggang isang araw ay nagpaalam itong uuwi sa Cebu para sa kaarawan ng lola nito. Hindi siya nakatanggi kahit pa sinabi nitong barko ang sasakyan nito at hindi eroplano. Kasama nito ang dalawang kapatid at tatlong pinsan sa biyaheng iyon.

Naging maayos ang pagpunta nito sa Cebu ngunit kinailangan nitong bumalik sa Maynila ng mag-isa dahil bigla itong tinawagan ng employer nito. Muntik siyang himatayin nang mabalitaang lumubog ang barkong sinasakyan nito.

Ilang linggo siyang hindi makatulog at hindi makakain. Pero kailanman ay hindi siya nawalan ng pag-asa. Naniniwala pa rin siyang balang-araw ay babalik ito. "O, anak, Milo mo." Napatingin siya sa basong iniumang ng nanay niya sa harap niya.

"Salamat, 'nay," aniya pagkatanggap ng baso.

"Kapag naubos na iyan, magpahinga ka na," bilin pa nito bago lumabas mula sa kwarto niya.

"Opo."

MAAGANG nagising si Chrissa kaya maaga siyang pumasok sa computer shop. Naglinis siyang mabuti at agad na binuksan ang shop kahit hindi pa oras ng opening. Nae-excite siyang magsulat ng nobela. She has never been that excited writing a manuscript in her entire life. Ewan niya ba?

Pagbukas niya ng server unit ay iki-click na dapat niya ang MS Word ngunit may isang folder na pumukaw sa atensyon niya, ELAINE, iyon ang title ng folder. Tumingin muna siya sa paligid bago iyon binuksan. Puro petsa ang nakita niyang title ng mga files sa loob ng folder. Pinili niyang buksan ang unang petsa.

April 06, 2009

Limang araw na ang nakalilipas pero wala pa rin akong balita kung nasaan ka na. Ang sabi mo sa'kin, hintayin kita. Hanggang kailan pa ako maghihintay sa'yo, Elaine? Limang araw na akong hindi mapakali. Humihinga ako pero pakiramdam ko ay patay na ako. Hanggang kailan ako magiging ganito? Parang awa mo na, Elaine, bumalik ka na. Mababaliw na ako sa kahihintay sa'yo.

Hindi maintindihan ni Chrissa kung ano ang mararamdaman niya. Walang ibang gagawa nang file na iyon kundi si Cider lang dahil ito ang may-ari ng computer na iyon. Pero sino si Elaine? At nasaan ito?

"Hey! Ang aga mo, ha?"

Agad na isinara ni Chrissa ang folder nang marinig ang boses ni Cider. "Maaga akong nagising kaya nagpunta ako rito agad," pilit ang ngiting sabi niya. Nangangati ang dila niyang tanungin ito tungkol sa nabasa niya ngunit ano ba ang karapatan niya? Wala siyang karapatang mag-usisa. In the first place, she shouldn't have opened that folder.

"Kumain ka na ba?" imbes ay tanong nito sa kanya.

"Hindi pa pero nagkape naman ako."

"Hindi pa rin ako kumakain. Sandali, kukuha ako ng almusal sa bahay. Sabay na tayong kumain."

Pag-alis ni Cider ay muli niyang binuksan ang folder. Pinili naman niya ang may petsang April 06, 2014. Ilang linggo pa lang makalipas ang araw na iyon. Iyon ang huling file sa folder.

April 01, 2014

Limang taon na, Elaine. Limang taon na pero hinihintay pa rin kita. Hindi ko alam kung bakit hindi ako nagsasawa samantalang ang pamilya mo ay tinanggap ng wala ka na. Hindi ko alam kung bakit hindi ko kayang isuko ka. Ilang taon pa ba, Elaine? Sampu? Dalawampu? Gaano pa katagal? Umaasa pa rin akong isang araw ay gigising akong narito ka na. Sasabihin mo sa'king masamang panag-inip lang ang lahat. Hangga't humihinga ako, hindi pa rin ako titigil sa pag-asam na babalik ka pa. Hihintayin kita, Elaine. Hihintayin kita... kahit gaano katagal.

Parang dinudurog ang puso ni Chrissa habang binabasa ang file. Hindi niya alam kung para kanino ba ang sakit na nararamdaman niya. Para ba kay Cider? Nakikisampatiya ba siya rito? Pinunasan niya ang luhang nagbabadyang mahulog mula sa mga mata niya.

She sighed. What's happening to her? Ni hindi niya kilala si Elaine at hindi siya sigurado kung si Cider ba talaga ang nagsulat niyon pero heto siya at parang sinasaksak sa dibdib. May ganoon ba talaga?

May tao ba talagang handang maghintay kahit gaano katagal, kahit walang kasiguraduhan, para sa taong mahal niya? Saludo siya sa kung sinumang sumulat ng mga files na nabasa niya. Si Cider man iyon o hindi. Hindi lahat ng tao ay ganoong kadalisay magmahal. Hindi nga niya alam kung magagawa niya iyon sa oras na siya naman ang magmamahal.

Isinara niya ang file. Nakakahiya kay Cider kapag nalaman nitong pakialamera siya. Eksakto namang pagkasara niya niyon ay dumating si Cider. May bitbit itong puting plastic bag. Lumapit ito sa kanya at inilapag ang dala nito sa mesa. "Pandesal lang ang almusal sa bahay. Okay lang ba 'to sa'yo?" tanong nito sa kanya.

Tumango lang siya at saka kumuha ng isang pirasong tinapay. Naiisip pa rin niya ang binasa. Hindi. Hindi siya magtatanong. Baka mamaya ay magalit pa si Cider sa kanya. Kinagatan na lang niya ang tinapay saka pilit na nginitian si Cider.

Kapansin-pansin ang pangingitim sa ilalim ng mga mata nito. Mukhang hindi ito nakatulog ng maayos nang nagdaang gabi. "Puyat ka?" curious na tanong niya rito.

Bahagyang ngumiti si Cider bago sumagot. "Medyo. Binangungot kasi ako kagabi."

"Baka naman kumain ka ng madami kagabi tapos natulog ka agad."

"Siguro nga. Pero okay na naman ako, Milo lang ang katapat ko," anito na kinindatan pa siya. Napapitlag siya dahil parang may pumitik sa dibdib niya. Agad na lamang siyang nag-iwas ng tingin dahil hindi niya gusto ang naramdaman.

"Hi! Nagpi-print kayo?"

Mabuti na lang at may dumating ng customer, maibabaling niya sa ibang bagay ang atensyon.

In Other Words, I Love YouWhere stories live. Discover now