Chapter 5

1.1K 30 0
                                    

HINDI mapakali si Yumi sa kanyang silid,  tatayo't maglalakad, uupong muli. Laman pa rin ng isipan niya ang mag-inang Victoria at Yvonne, maging ang angkan ng ginang na kung susumahin ay halos isang barangay.

"Hayst! Relax ka lang, Yumi. Huwag mo na silang paka-isipin pa. Hindi mo sila ka-level." Tumayo siya't inayos ang sarili. "Teka, mali pala! Ako pala ang hindi nila ka-level." Nalaglag ang balikat niya sa sinabing iyon. "Bakit kasi..."

"Yumi--"

"Ahh! Multo..."

"Aray! Ano ba?"

"S-sorry, Vincent. Bakit kasi bigla ka na lamang sumusulpot? Multo ka ba?" Kinuha niya ang ibinatong unan sa binata at nang umangat ang kanyang paningi'y sinalubong siya ng masamang tingin nito. "Oh, bakit ganiyan ka kung makatingin?"

"Kapag ako namatay, mumultohin talaga kita!"

Napalabi siya, "Ikaw naman kasi ang may kasalanan, pumasok ka na lang nang hindi man lang kumakatok. Paano kaya kung naabutan mong nakahubad ako? O kaya'y..." Napahinto si Yumi sa pagsasalita, nakita kasi niya ang pagkislap ng mata ni Vincent nang banggitin niya ang salitang nakahubad. Nakita rin niya ang bahagyang paglapit nito sa kanya. Nahintatakutan bigla siya. Hindi pa siya ready na maangkin ng iba ang pinakaingat-ingatang pagkababae. Niyakap na lamang niya ang sarili habang unti-unting uma-atras.

"Anong ginagawa mo?" tanong ng binata kasabay ang pag-upo sa gilid ng kama.

Umawang ang bibig ni Yumi. Nakadama siya bigla ng hiya sa sarili at lalo na sa iniisip. "Wala kang balak sa akin?" Minabuti na lamang niyang sarilinin ang katanungang iyon. Wari niya'y pulang-pula na ang kanyang mukha sa labis na kahihiyan.

"Maupo ka nga! May pag-uusapan lang tayo, kung anu-ano na 'yang pumasok sa kokote mo." Lihim namang natawa si Vincent. Alam nito ang ipinapahiwatig ng dalaga.

"P-pag-uusapan? A-ano 'yon?"

Ini-abot ng binata ang hawak na envelope, "Mamili ka kung ano ang gusto mong gown diyan, para masimulan nang ipagawa."

"Gown? Ang bilis naman!"

"Next week na ang kasal natin, hindi ba?"

Umasim ang anyo ni Yumi. Pinasadahan na rin niya ng tingin ang papel na kinuha sa envelope at lahat ng iyo'y maganda sa paningin niya. Nang makapili na'y muli niyang ini-abot ang hawak sa binata.

"Hindi ba sila nakakahalata?" naitanong bigla ni Yumi.

"Sino?"

"Sina Auntie mo."

"Ahm, hindi naman. Bakit mo naitanong?"

"Wala lang."

"Hindi sila makakahalata kung paghuhusayan pa natin ang pag-arte."

Umarko ang dalawang kilay ni Yumi ngunit hindi siya nagtanong.

"Dapat ay ginagawa rin natin ang gawain ng tunay na magkasintahan. Halimbawa ay nagyayakapan, kissing..."

"Ano? Aba'y sumu-sobra ka na ah!"

"Hindi ah! Tama lang iyon."

Muling umarko ang kilay ni Yumi na nagpahagikgik naman sa binata.

"Ang cute mong lokohin."

Umingos siya, "Ewan ko sa 'yo!" At nang muling humarap sa binata'y nakangiti na ito sa kanya. Kakaiba ang kislap ng ngiting iyon. Iyon bang ngiti pa lang ay ulam na. Nabato-balani si Yumi sa ngiting iyon. Pakiwari niya'y idinuduyan siya sa ulap. Ikinurap-kurap na lang niya ang mata at nag-isip ng ibang sasabihin. Ayaw niyang ipahalata rito na naapektuhan siya sa iginawad nitong ngiti.

YUMI and the GOLDEN MANSION(Complete)Where stories live. Discover now