Chapter 2

1.4K 34 0
                                    

NAKATIKIM ng sermon, mura at may kasama pang sampal si Yumi mula sa tiyahin dahil sa nagawa niya. Hindi naman siya makapagdahilan dito dahil tiyak niyang siya pa rin ang talo. Pikit-mata na lamang niyang tinanggap lahat ng masasakit na sinabi nito.

"Ganiyan pa ba ang igaganti mo sa amin, lalo na sa anak ko! Pinatira ka na nga namin dito ng libre. Dapat pala'y pinalayas na kita noon pa dito sa pamamahay ko!" malakas na bulyaw ni Lourdes.

Ang huling salitang iyon ang hindi na niya napalampas pa. Hindi na niya napigil ang sarili, "Pamamahay? Pamamahay n'yo po ba ito? At libre n'yo ba akong pinatira sa pamamahay ko? Hindi, 'di ba? Mahigit sampung taon niyo na akong ina-alila sa pamamahay ng namayapa kong magulang, Tiyang Lourdes. Hindi nga man lamang akong makabili kahit isang bagong panty, puro pinaglumaan na lamang ni Althea ang mga gamit ko. Tapos ngayo'y sinasabi n'yo na libre ang pagpapatira ninyo sa bahay ng magulang ko."

"Aba! Lumalaban ka na talaga ah!" Humakbang palapit si Althea sa kanya at saka'y tinuktukan siya nito. "Kulang pa nga iyon kung tutuosin eh! Sa dami ng utang ng ama mo sa ami'y kulang pang ipambayad itong bahay ninyo."

"Talaga? Kaya ba parang hindi kami nakakabayad sa inyo? Magkano ba ang inutang ni Papa sa inyo? Sampung milyon ba?"

Malakas na sampal ang itinugon ni Lourdes sa dalaga, "Hindi ka man lang marunong magpasalamat dahil pinatira ka pa namin dito. Kung umaangal ka na sa trabaho mo'y makakaalis ka na ngayon din!" malakas nitong utos.

Bahagyang natigilan si Yumi sa narinig. Nais sana niyang magmakaawa sa tiyahin dahil wala siyang ibang mapupuntahan. Wala siyang ibang kamag-anak pero mas nanaig sa kanya ang pride. Marahil ay iyon na rin ang tamang panahon upang iwan niya ang kinalakihang tahanan. Walang imik na tinungo niya ang itaas upang ibalot ang mga gamit. At habang inaayos niya ang mga gamit ay nag-uusap naman ang mag-ina sa ibaba.

"Ma, seryoso ka ba? Papaalisin mo si Yumi?"

"Wala akong ibang choice, anak. Hindi ko rin naman gusto ang sinabi ko dahil wala nang gagawa ng mabibigat na gawain dito, pero nasabi ko na iyon. Akala ko nga'y magmamakaawa siya pero mali pala ako."

Nagmartsa si Althea na para bang bata, "Ma naman, wala nang maglalaba at mamalantsa ng damit ko. Kung sana'y pinahirapan mo na lamang siya."

"Hintayin na lang natin ang pagbaba niya, baka'y magbago pa ang isip at magmakaawa sa atin."

Tumahimik ang dalawa nang maramdaman ang mga yabag ni Yumi. Bitbit ng dalaga ang may kalakihang supot at isang sirang bag. Hindi na siya nagsalita pa, dumiretso siya sa unang palapag ng bahay. Papalabas na sana siya ng pinto nang sumigaw si Althea.

"Wait..." kasunod ang yabag nito pababa ng hagdan. Babawiin sana nito ang ginawang pagpapalayas ng ina subalit iba ang lumabas sa bibig nito. "Patingin nga ng bag mo, baka'y may mga gamit ako riyan."

Matalim ang mata habang ibinababa ni Yumi ang mga gamit. At nang walang makita si Althea ay muli niyang binuhat iyon.

"Masaya ka na?"

Walang tugon si Althea. Muling tumalikod si Yumi. Kasabay ng paghakbang niya sa paa'y unti-unting pumatak ang luha sa mata niya. Nagsisimula na ring dumilim at nagbadya ang ulan, subalit hindi niya iyon pansin. Hindi rin niya alintana ang mga taong nakakasalubong at nagtatanong sa nangyari. Hindi na rin niya napansin ang ina ni Tikboy na balak sana siyang kausapin hinggil sa pagkakabasted sa anak nito. Dire-diretso ang kanyang lakad hanggang sa hindi na niya namalayan na malayo na ang nararating ng kanyang mga paa.

Nasa limang oras na siyang naglalakad, maya-maya pa ay napahinto bigla siya nang mapagtantong hindi siya pamilyar sa tinatahak na daan. May matataas na puno at mga talahib na rin sa gilid ng kalsada. Hanggang palengke lamang ang nararating niya at kahit nang maliit pa siya'y hindi sila dumaraan sa gawing iyon. "Saan ako pupunta?" Gamit ang kanang palad ay pinahid niya ang luha sa magkabilang pisngi niya.

YUMI and the GOLDEN MANSION(Complete)Where stories live. Discover now