Chapter 21

3.1K 117 5
                                    

"NAKIKITA KO ANG POTENSYAL NG LUGAR NA ITO, HIJA. Maganda ang nabili mong lupa. At kung sakaling maisipan mong i-convert sa resort ang beach front, sabihan mo ako. Gusto kong sumosyo," ani Lolo Tony.

"Pag-iisipan ko po muna, Lolo." Parang hindi niya gustong maging bukas sa publiko ang lugar. Masyadong maraming alaala sa kanya ang lupang ito.

"Sayang naman ang lugar na ito. At sayang din ang pinag-aralan mo, hija. Matalino ka. Kung ako nga lamang ang masusunod ay gusto kitang bigyan ng posisyon sa kompanya. Pwede ka roon. Business Management naman ang natapos mo. Dangan nga lang at lagi mong tinatanggihan ang alok ko."

"Lolo Tony, hindi naman po nasayang ang pinag-aralan ko. Nagamit ko naman po iyon sa pagpapalago ng mga food stalls ko sa mall. Kita n'yo po, dahil doon, nakaipon ako ang pera at nakapagpundar na ako ng sarili kong bahay at lupa. Salamat po sa pagtitiwala, pero hindi ko po matatanggap ang alok ninyo. Baka lalo akong masabihan ng ibang anak at apo n'yo na mapagsamantala."

Ikinumpas nito ang kamay, "Alam ko kung mapagsamantala ang isang tao, o kung manloloko. At sa tagal nang pagsasama natin, hija, nakilala ko na ang totoo mong pagkatao. At alam kong hindi ka ganoon, apo."

Nakagat ni Maty ang labi. Naguilty siya. Nagkatinginan sila ni Micky.

"Kung ayaw mo munang i-convert sa resort ito, o magtrabaho sa kompaya ko, siguro ang unang tutukan n'yo muna ay ang pagbuo ng pamilya. Gusto ko nang ipasa kay Micky ng pamamahalan sa mga negosyo ng pamilya. Pero gagawin ko lang iyon kapag nagpakasal na kayo."

Kanina pa hinahalukay ang tiyan ni Matilda, at pakiramdam niya ay lalo iyong sumama dahil sa sinabi ng matanda.

"Pinapangarap kong maging pormal ka ng miyembro ng pamilya namin, Maty. Wala pa ba kayong planong lumagay sa tahimik? Malaki na si Forth. Bigyan n'yo na s'ya ng kapatid. At aasahan kong gagawin n’yo iyon sa lalong madaling panahon," mula sa kanya ay nilingon ng matanda si Micky, "Kung gusto mo nang makuha ang pamamahala sa mga negosyo ng pamilya natin, pakasalan mo na kaagad si Maty."

Dahil sa tensyon ay lalong lumala ang paghalukay sa tiyan ni Matilda. Humihinga na siya sa bibig para kalmahin ang sarili. Naramdaman naman si Micky ang tensyon niya. Hinawakan nito ang kamay niya at ngumiti, bago lumingon sa lolo nito.

"Lolo Tony, pasensya na po, pero hindi ko masusunod ang gusto n'yo. May kailangan po kaming sabihin ni Maty. Alam ko pong pwede kayong magalit sa aming dalawa. At baka imbes na ipamahala n'yo sa akin ang negosyo ng pamilya, baka itakwil n'yo pa ako. Pero hindi po kami pwedeng magpakasal ni Maty."

Hindi na kinaya ni Maty ang nararamdaman. Tumayo siya sa hapag kainan, tumakbo sa kanugnog na banyo at nagsuka. Si Micky naman ay sumunod sa kanya, hinagod ang likod niya. Inalalayan siya nito hanggang sa makabalik sila sa lamesa.

"Kanina ko pa napapansing tamilmil kang kumain, Maty. At ngayon, nagsuka ka naman. Buntis ka ba, hija?"

Hindi siya makasagot, nagkatinginan lang sila ni Micky.

"Kung buntis ka na nga, mas mabuti. Sabik na ako sa panibagong apo. At kasasabi ko lang na gusto kitang maging pormal na miyembro ng pamilya Libreo."

"Lolo, pasensya na po, pero hindi po namin talaga kayo masusunod sa ngayon," ani Micky, muli nitong hinawakan ang kamay niya.

Hindi niya alam ang dapat sabihin. Alam niya kung gaano kahalaga kay Micky ang pagmamahala sa negosyo ng pamilya nito. Isa pa, birth right iyon ni Micky, at nakokonsensiya siyang mukhang siya pa ang hahadlang sa karapatang iyon ni Micky. Wala silang napag-usapan kung paano haharapin ang problemang ito. Sa sobrang tensyon niya ay hindi na nila napag-usapan ni Micky ang isasagot sa matanda. At nagpapasalamat si Matilda na si Micky na ang sumagot para sa kanilang dalawa.

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon