Chapter 23

1.3K 46 2
                                    

Familiar



Gustong magdiwang ng kalooban ko matapos ang una kong exam sa Precalculus. Sabado ngayon pero required akong pumasok dahil wala na naman kaming mga klase nitong mga nakakaraang araw sa subject na 'to. Mabuti na lang din at pinayagan kaming gumamit ng calculator. Pag quizzes kasi namin ay bawal ang calculator, kaya lubos talaga ang pasasalamat ko dahil baka kung ano ang naging score ko kung nagkataon na ganoon ang nangyari. Worse, baka di ako makagraduate kasabay nila Al.

"Hindi ko ulit kayo mami-meet sa mga susunod na linggo kaya magbibigay na lang ulit ako ng mga exercises sa inyo."

Pumila kami para makakuha ng mga exercises na sinasabi niya at nang i-check ko ang laman ng mga papel, akala mo na naman ako nakikipagtitigan sa mga alien.

"Wala pang connection ang mga 'yan sa previous topics natin kaya naman kung gusto niyong maintindihan kaagad 'yan, aralin niyo muna sa sarili niyo or you can seek help from my students before."

Kaagad naman akong namula dahil naalala ko si Grant. Grant na naman? Pero sobrang laking tulong niya nitong mga nakakaraang araw, mula noong Lunes. Bukod kasi sa tinutulungan niya akong maglinis at mag-ayos doon sa bodega, tinuturuan niya rin ako sa precalculus kaya naiintindihan ko kahit na madalas ay wala si Ma'am.

"Sige, ididismiss ko na kayo. Bye, class." Nagpaalam na rin ang mga kaklase ko sa isa't isa. Ako, wala pa rin akong ka-close sa kanila. Paalis na sana ako nang nilapitan ako ng isa kong kaklase.

"Uhm, Samantha?" tawag nito sa akin. Napatingin naman ako sa kanya pero para siyang nahihiya na hindi ko maintindihan. Ngayon ko lang napansin, matangkad pala talaga ang mga lalaki dito sa NEU. O baka dahil halos lahat lang ng kakilala ko ay matangkad. Medyo mahaba ang buhok, gwapo siya pero hindi ganoon kalakas ang dating niya. Siguro dahil mahiyain siya.

"Hello, ano 'yon?" mabait kong tanong sa kanya. Para kasing natatakot siyang lumapit sa akin na parang may nakapaskil sa ulo ko na bawal akong lapitan. Saka ang laki-laki niyang tao pero natatakot siyang i-approach ako.

"Katabi lang kasi ng locker mo ang sa akin, no'ng minsan nalaglag 'to sa locker mo. Hindi lang kita nalapitan kasi kasama mo si Grant." Iniabot niya sa akin ang isang envelope tapos ay mas mabilis pa sa isang segundo siyang umalis sa harap ko. Anong nangyari doon? Naiwan na naman ako sa loob ng classroom.

Balak ko sanang buksan ang envelope pero anong oras na rin at kailangan kong pumunta sa Verdad ngayon. Maaga pa naman ang pasok ko dahil wala dapat pasok. Mabuti nga at naayos ni Tita Rhea. Siguro mamaya na lang. Panigurado at wala doon si Grant dahil Saturday ngayon. Sinampal ko ang sarili ko dahil puro kalokohan na naman ang naiisip ko.

Nag-abang lang ako ng tricycle dahil ayaw ko nang sumakay sa pila. Nakakapagtaka nga dito, ang dami-dami ng tricycle pero pataasan ng presyo ang mga driver. Pamaya-maya lang ay nakarating na ako sa Verdad at hindi ako nakipag-away sa driver dahil hindi mahal ang singil niya.

Nang nasa gate ay nakita ko ang sasakyan ni Ma'am Sav. Wednesday, ilang linggo pa nga lang mula noong manganak siya ay nandito siya kaya ngayon ay hindi na ako nagulat. Sobrang workaholic ni Ma'am Sav pero kasa-kasama naman niya si Isaiah noong minsan. Parang ayaw nga niyang nawawala sa paningin niya si Isaiah. Nakakainggit. Ganoon kaya lahat ng nanay? Si Mama kaya?

Sakto at nadadaanan ko ang office ni Ma'am Sav. Ewan ko ba kung bakit gustong-gusto kong nakikita ang mag-ina na 'yon. May something e. Ang bait sa akin ni Ma'am Sav at siguro natutuwa ako sa bata dahil sa akin nanggaling ang isa niyang pangalan, saka kay Grant. 'Yan, d'yan ka magaling. Napasampal na lang ako sa aking noo dahil nandoon na naman si Grant sa isip ko. Sana nandoon siya. Hindi naman masamang umasa, masakit lang.

Hindi nakasarado ang office ni Ma'am Sav kaya matapos ang tatlong katok sa medyo nakakabig lang na pinto ay pumasok ako. Bilin kasi 'yon sa akin ni Tita Rhea. Pag nakasara, huwag na huwag kang papasok. Pero laking gulat ko nang may kausap pala si Ma'am Sav doon. Siguro ay mas matanda sa kanya ng ilang taon o baka nasa mid or late 30s na ang babae.

"Hala! Sorry po, Ma'am!"

Todo yuko ako sa kanila sa sobrang gulat ko. "Hindi po kasi nakasara ang pinto saka nandoon po ang sasakyan niyo. Sorry po talaga!" paghingi ko ng paumanhin.

Nakakahiya! Bakit hindi ko napansin na naguusap pala sa loob? Sa sobrang tagal kong nakayuko ay nangangawit na ako, pero wala pa ring nagsasalita sa dalawa na kasama ko sa loob. Wala rin si Isaiah kaya naman nakakahiya talaga.

"I-It's okay, hija... What's your name?" mahinhin at naginginig na tanong ng babaeng kausap ni Ma'am Sav. Napahawak naman ako sa dibdib dahil akala ko ay papagalitan ako, sinugurado ko rin na ako ang kinakausap. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanila na para bang humihingi ng permiso kay Ma'am Sav na sumagot sa kausap niya.

"A-Ah ako po si Sam. Samantha Gabrielle Torres po."

Dahil medyo malayo ako sa kanila, hindi ko masyadong maaninag ng buo ang itsura nila, idagdag pa na medyo pumapasok ang liwanag sa siwang ng pinto.

"Can you come closer, S-Sam?" nanginginig ang boses nitong tanong sa akin. Bakit nanginginig? Vibrato? Ha-ha. Gusto kong sakalin ang sarili ko, unti-unti ko na talagang nakukuha ang ugali ni Alvah!

"Ako po? Lalapit po?" ulit ko sa tanong. Napangiti naman nang bahagya si Ma'am Sav dahil nakita kong lumabas ang maputi at pantay-pantay niyang ngipin. Tumango naman ang babae at mabagal akong lumapit. Habang papalapit ako nang papalapit sa kanila, bigla na lang akong kinabahan. Anong mayro'n? Bakit ka na naman kinakabahan? Nandyan ba si Grant?

"Upo ka." Doon ko nakumpirma na nanginginig talaga ang boses niya. Iyon ang napansin ko nang makaupo ako sa tapat na upuan. Bakit naman ako pinaupo dito?

"Pasensya na po talaga, Miss—ano po palang itatawag ko sa inyo?"

"I am Gr—I'm Marinel. You have a beautiful name, hija. Sam... Samantha and Gabriel."

Nalito naman ako. Gusto ko sana siyang i-correct sa pagkakabanggit ng Gabrielle pero hinayaan ko na. Napansin ko ang ginawang paghawak ni Ma'am Sav sa mga kamay ni Ma'am Marinel kaya napatingin ako sa kanya.

"Aunt Sav—"

Titingin sana ako sa nagsalita sa labas dahil narinig ko ang boses ni Grant pero nagulat na lang ako dahil naramdaman kong may humawak sa kamay ko.

This warmth... it's so familiar.

Pag-angat ko ng tingin kay Ma'am Marinel, para akong nakatingin sa sarili kong mga mata.

Write Me a HeartacheWhere stories live. Discover now