Chapter Two

7.8K 122 6
                                    

"BUKOD sa may kaibigan kang dinaanan malapit dito, may meeting ka diyan lang sa coffee shop sa tapat ng building namin, at may ipinadadaan si Aubrey, ano na naman ang excuse mo ngayon, ha, Trey?" Bungad ni Ria sa kanya hindi pa man siya nakakapagsalita.

Nakangiting hinaplos ni Trey ang batok. "Wala. Sinusundo lang talaga kita."

Tumaas ang kilay ng dalaga. "Marunong akong umuwi."

"Alam ko. Gusto ko lang malaman ang daan pauwi sa bahay mo."

Hindi pa rin bumababa ang kilay nito. Nanatili itong nakatayo sa kanyang harapan. "Ilang beses mo na akong naihahatid sa bahay, alam mo na ang daan. Huwag kang pa-cute."

Kung sa iba ay mapapahiya sa ginagawa nitong panonopla, pero siya ay hindi. He found it cute. Una pa naman kasi ay naging malinaw na itong ayaw daw nitong magpaligaw. Pero dahil hindi naman siya nakikinig tuloy-tuloy lang siya sa pagsuyo sa dalaga.

"Gusto kong i-master para kahit nakapikit makakarating ako sa bahay n'yo." Hirit niya sabay kindat. Ria just rolled her eyes.

Ang totoo una pa lang naman talaga niyang kita kay Ria ay nakadama na siyang physical attraction. Kasama ito ni Aubrey nang kausapin siya tungkol sa pagbili ng dating kotseng pangarera ni Joachim. Ria was so bubbly, parang punong-puno ito ng energy. And that started it all. Hindi lang naman kasi ito bubbly kundi may sense ring kausap, bukod pa sa kitang-kita niya ang concern at pagmamahal nito kay Aubrey. Kung ganoon na lang ito magmahal sa kaibigan paano pa sa opposite sex nito.

Kaya mula physical attraction ay nag-level up siya. Hiningi niya ang number ni Ria at nagsimula ang kanyang pagtawag sa dalaga. Pero mukhang nahimigan na ni Ria ang mga susunod niyang hakbang, parang automatic itong nagtatayo ng harang sa pagitan nila. In short, takot itong magpaligaw, bagay na ipinagtataka niya.

"Ihahatid na kita." Deklara ni Trey.

"Sa tumanggi ba ako para namang matitigil ka sa pangungulit mo. Kung ano-ano na namang emotional blackmail ang gagawin mo. May kotse ka bang dala?"

"Oo naman, alam mo namang ayaw kitang nahihirapan."

Kita ni Trey ang pagtaas ng sulok ng labi nito. "Talaga lang, ha, kaya pala noong huling beses na inihatid mo ako sa bahay naka-jeep tayo. Hindi ka man lang nag-effort na mag-taxi tayo."

Ibinalik niya ang pagngisi rito. "Kita mo namang inabot na tayo ng isang oras kakahintay sa taxi wala pa ring nangyayari. Nagpapa-impress ako pero praktikal din naman ako, kesa naman tubuan tayo ng ugat sa kakahintay ng taxi edi mag-jeep na lang tayo. At isa pa, mahirap ng masyado kang ma-impress sa akin baka sobra-sobrang pogi points na ang matanggap ko."

Bago pa niya naiwasan ay nahampas na siya ng dalaga. Sa pagkakataong iyon ay hindi na nakataas ang kilay nito. May munting ngiti na sa mga labi nito. "Abay hindi ka rin makapal, ano?"

Binale-wala niya ang paghampas nito. Hindi naman iyon masakit. Again, he just found it cute. Feeling tuloy niya iyon ang paglalambing ng dalaga sa kanya. Carinyo brutal. "Nah, nagsasabi lang ng totoo. 'Lika na."

Tumango ito at naunang humakbang papuntang parking lot. Akmang kukunin niya ang bag ni Ria nang bigyan siya nito ng warning look. Nakuha naman niya ang gusto nitong sabihin. Hindi gaya ng ibang babae, ayaw na ayaw ni Ria na nagpapadala ng gamit. Ang katwiran nito walang pinagkaiba ang kamay ng lalaki sa kamay ng babae. At hindi naman daw ito magdadala ng bag na hindi kayang dalhin. Sa halip na ma-offend ay humanga na naman siya sa dalaga. May point naman kasi ang sinabi nito at may logic din.

Pero hindi naman ito tumatanggi kapag ipinagbubukas niya ng pinto ng kotse o kaya ay ipinaghihila ng upuan sa mga panahong napipilit niya itong sumama sa kanyang kumain.

Kapag Minahal KitaWhere stories live. Discover now