Ikatlong Kabanata

39 1 0
                                    

IKATLONG KABANATA

Akala ko na magkwekwento na siya. Akala ko malalaman ko na kung ano ang dahilan ng mga pangyayaring ito. Napag-isipan ko na huwag ko na siya muna guluhin sapagkat alam kong gulo-gulo na ang isip niya at ayoko nang dumagdag pa. Siguro ang kailangan lang niya ngayon ay kasama, at hindi ako magdadalawang-isip na samahan siya.

Nakatingin lang ako sa kanya habang nagsusulat siya. Hindi ko man alam kung ano ang sinusulat niya, ngunit alam kong ito ay galing sa kaniyang puso at tatangkilikin ito ng mga estudyante kung ilalagay niya ito sa pamahayagang pampaaralan. Hindi pa siya pumapalpak sa pagpapadama at pagpapamulat ng mga mata ng mga estudyante sa tuwing ibinabahagi niya ang kanyang sinusulat.

"Para ba sa pamahayagang pampaaralan ang isinusulat mo?" hindi ko maiwasang mapatanong.

Huminto siya sa pagsusulat at mukhang tapos na siya. Tiningnan niya ito at umiling. "Ito'y para sa akin lang."

Dahan-dahan akong tumango. "aaah." Hindi ko alam kung ano pa ang sasabihin ko. Hindi ko alam kung bakit ba talaga ako narito pero bahala na basta kasama ko siya.

"Gusto mo bang mapakinggan?" tanong niya sa akin na ikinagulat ko. Tiningnan ko siya at inobserbahan kung seryoso nga siya.

"A-akala ko ba na ang isinulat mong iyan ay para sa'yo lang?" naguguluhan kong tanong.

"Pwede naman akong gumawa ng eksepsyon." Sa palagay ko ay namumula na ang aking mga pisngi sa sinabi niya. Eksepsyon? Ako? Ang swerte ko naman kung ganoon.

"Paikot-ikot at nagdurusa

Saan patungo, ako'y mag-isa

Naririto at walang kasama

Hindi ko maiwasang lumuha

Nalulunod at 'di maka-ahon

Nagpapaanod na parang dahon

Tuluyan nang lumubog ang kahon

'Di na takot sa kidlat at ambon

Nag-aabang lang at sumisigaw

Gustong makita muli ang araw

Kadiliman lang ang natatanaw

Si kalungkutan ang sinasayaw

Lalaban pa ba o susuko na

Ako'y totoong nasasaktan na

O mundo wala na bang iba pa

Palagi nalang ba akong luluha"

Hindi ko namamalayang tumutulo na ang luha ko. Naramdaman ko ang sakit. Naramdaman ko ang pagdurusa. Naramdaman ko ang pighating nararamdaman niya. Nararamdaman ko na sinusubukan niyang lumaban. Hindi ako makapaniwala na yun ang dinadanas niya ngayon, hindi ako makapaniwala na hirap na hirap na siya.

Pagtitingnan mo si Miguel, parang ang lakas. Parang masayahin palagi. Parang walang problema. Parang alam niya ang kanyang ginagawa at alam niyang hinding-hindi siya papalpak.

"M-miguel." Wala akong masabi kundi ang pangalan lang niya. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Hindi ko inaakalang papasukin at hahayaan niya akong marinig ang laman ng puso at isipan niya.

Tiningnan ko siya at siya'y nakangiti lang. Hindi ko maiwasan mapahanga dahil sa tapang at lakas niya. Hinawakan ko ang kanyang mga kamay na nanginginig nang kakaunti sa ibabaw ng mesa. Kumalma siya ng kaonti na nagpapanatag sa akin nang kaonti.

Ano ba ang nangyayari?

"Miguel, hindi ko alam kung ano ang eksaktong nangyayari pero hindi ako magdadalawang-isip na samahan kang maka-ahon at makita ang liwanag muli." sabi ko sa kanya, umaasang mararamdaman niya ang aking sinseridad at pagpapakatotoo.

Hindi ko binitawan ang kanyang kamay at hindi na ako nagsalita pa. Nagpadala muna ako sa agos katahimikan at hinayaang makapagisip-isip si Miguel. Sa ngayon, alam ko na ang kailangan ni Miguel ay isang kasamang hindi siya iiwan at handang makinig.

"Iniwan ako ni Stella." sabi ni Miguel na bumasag sa katahimikan naming dalawa.

Napakunot ang aking noo sapagkat hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin. "Ano? Sino? Stella? Bakit? Iniwan?" Hindi ko mapigilan ang sunod-sunod na pagtanong sa kanya.

"Stella Gealogo." Halos nahihirapan siyang bigkasin ang pangalan ni Stella na parang mayroon sumasaksak sa kanyang puso.

Nagulat ako sa kanyang sinabi. Si Stella Gealogo? Siya ang lider ng mga Majorette sa Unibersidad. Magaling siya sa sumayaw, kumanta, at umaangat din siya kung academics ang pinag-uusapan. Kung iisiping mabuti ay bagay na bagay sila ni Miguel.

Hindi ko alam na may relasyon sila ni Miguel. Hindi ko silang nakitang magka-usap o magkasama at walang kumakalat na mga isyu patungkol sa kanila. Pero ang pinagtataka ko'y bakit iniwan ni Stella si Miguel?

"Alam naming dalawa na hindi pa pwedeng pumasok kami sa isang relasyon kung kaya't tinago namin ito sa lahat ng halos isang taon na. Gumagala kami paminsan minsan ngunit doon lang sa subdibisyon nila at sa mall malapit doon. Madalas kaming magvideo call at gustong-gusto namin ang isa't isa o iyon ang aking akala.

Iniwan niya ako dahil nahihirapan na daw siya sa aming pagtatago. Pinilit niya daw gawin ang lahat ng kanyang makakaya para hindi siya bumitaw at itapon ang lahat ng aming pinagsamahan. Gustong gusto ko siya at masaya ako kung siya ang aking kasama. Lahat ng paghihirap ay kinaya kong tiisin para sa kaniya.

Siya ang naging sandalan ko sa mga pagkakataong magulo ang isipan ko dahil sa mga ipinapagawa dito sa paaralan at dahil sa pagiging kulang ng aking pamilya. Siya ang palaging pumupuno ng kulang at nagpapaliwanag ng aking kapaligiran. Gustong gusto niya rin ako, o yun ang inakala ko."

Hindi ako makapaniwala sa aking mga naririnig. Bakit hindi ko man lang napansin na may tinatago silang relasyon? Bakit hindi ko napansin na nahihirapan at nasasaktan na pala si Miguel? Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ngayon ang hirap at sakit na kanyang dinadanas.

"Lahat ng mga nangyayari ay may kaukulang dahilan, Miguel. Hindi mo man alam ngayon ang totoong dahilan kung bakit nangyayari ito, ngunit sa tamang panahon ay magiging malinaw ang lahat. At kung kayo talaga ni Stella para sa isa't isa ay kahit hindi kayo ngayon, magiging kayo sa angkop na panahon." mahinahon kong sabi sa kanya at ngumiti. Umaasa akong sa mga ngiti ko ay mapapangiti at mapapagaan ko ang nararamdaman niya.

"Salamat, Belle. Hindi ako nagkamali na sa'yo lumapit at magpakatotoo." sabi niya at ngumiti nang kaunti.

Sa PagbalikWhere stories live. Discover now