Chapter 19

17.8K 302 9
                                    

MAY HITSURA sana, ang kaso ay amoy-damit na hindi natuyong maigi. Masarap kausap, kahawig naman ni Bomber Moran at pandak. Guwapo naman, ang kaso ay walang laman ang utak. Guwapo at matalino, ang kaso ay may suicidal tendencies.

Mga ganoong lalaki ang ipinapa-date kay Charito ni Ade sa sumunod na dalawang buwan. Madalas, palpak ang mga iyon.

Hindi niya alam kung saan nahahagilap ni Ade ang mga lalaking iyon. Para bang wala itong kakilalang normal na tao. Hindi naman siya naghahanap ng guwapo. Okay lang sa kanya ang hindi guwapo basta masarap kausap. Masyado bang mahirap maghanap ng ganoong lalaki?

Hindi naman niya inoobliga si Ade na ihanap siya ng makaka-date. Ito naman ang prisinta nang prisinta. Tuloy, ngayon ay hindi na siya nasasabik man lang sa tuwing iaanunsiyo nitong may bago na namang ipakikilala sa kanya.

Lalo na siyang na-depress sa mga nangyayari. Lalo lamang kasi niyang nakikita ang lamang ni Ade sa iba.

Si Dennis naman ay hindi na talaga uli nag-text sa kanya. Ang sabi ni Carol, nagkabalikan daw si Dennis at ang dating nobya nito. Sa mga ipina-date naman ni Ade sa kanya, ang ilan ay nagte-text pero siya ang hindi nagre-reply. Si Romeo lang ang tanging tumagal na ka-text niya.

Nang araw na iyon ay nasa bahay lamang siya. Ang kuya niya ay halos hindi pa rin nagbabago. Tahimik pa rin ito kadalasan at kapag naman pilit niyang kinakausap ay nagiging bugnutin naman. Daig pa nito ang may PMS.

Ang kanilang mga magulang ay nagsabi na sa kanila na magpapatayo ng bahay-bakasyunan sa Bicol. Mukhang labis na nag-enjoy ang mga ito sa probinsiya at ayaw nang lumisan doon.

Hapon na at wala siyang ganang magtungo sa restaurant. Day off naman niya. Isa pa, ang sabi ng isa sa mga naka-date niya ay dadalaw ito nang araw na iyon. Ayaw niyang magkita sila.

Tinawagan na lamang niya si Carol at pinapunta ito sa kanila. Noong una ay ayaw nito. Ngunit hinamon niya ito na kung hindi na ito apektado ng kuya niya ay paparoon ito. Mabilis pa sa kidlat na nagsabi itong pupunta.

Ang kapatid niya ay nasa sala rin lang, kanina pa nakasalpak ang headphones sa mga tainga. Dinig niya ang pinakikinggan nito. Marahil ay bingi na ito mamaya pag-alis ng headphones. Day off din nito. Walang kaide-ideya ito na pupunta sa kanila ang ex nito.

Nang dumating si Carol ay pinaupo agad niya ito. hindi pa rin alam ng kapatid niya na naroon ito. Nakapikit ito sa La-Z boy, nasa likod ng ulo ang magkabilang kamay habang may headphones, maraming CDs sa kandungan.

"Ano'ng problema ng unggoy na 'yan?" tanong ni Carol. halos hindi na mawalay ang tingin nito sa kapatid niya.

Nagkibit siya ng mga balikat. "Ewan."

Mukha namang abala ang kuya niya kaya nagkuwentuhan na lamang sila ni Carol. Mayamaya ay nakarinig sila ng lagabog. Sabay pa silang napalingon sa kuya niya. Mukhang noon lamang nito napansing naroon si Carol. Kulang na lang ay gumulong ito sa pagdampot sa nalaglag na CDs. Tawa siya nang tawa.

"Ano ba, Kuya? Umayos ka nga, nakakahiya sa bisita."

"C-Carol," tanging sambit nito na bahagyang tinanguan ang babae.

"Rogelio," pormal namang sabi ng kaibigan niya, saka siya muling binalingan.

Mayamaya ay nagpasya silang magkaibigan na magluto ng merienda. Pagakatapos ay naligo na siya at nagbihis. Pagbaba niya ay nagtaka siya nang walang narinig na ano mang ingay. Wala na rin ang kapatid niya sa sala.

Kinabahan siya na hindi niya maunawaan. Patingkayad na naglakad siya patungo sa kusina. At ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata sa nakita. Nakahiga sa counter si Carol at ang kapatid niya ay nakasubsob sa leeg nito!

Para siyang naestatwa. Kitang-kita niya nang hagkan ng Kuya Roge niya sa mga labi si Carol. Bumaba ang mga labi nito sa leeg, habang binuksan nito ang blusa ng kanyang kaibigan.

Agad siyang tumalikod. Kung magtatagal pa siya roon, makakasaksi siya ng live show!

Naisip niyang maghintay na lamang sa sala. Ang kaso, mula roon ay dinig niya ang dalawa sa kusina.

"No, Roge, hindi tama—"

"Oh, baby, just let me love you, please?"

Pagkatapos niyon ay mga anas na ang narinig niya. Parang sinisilabang nagtatakbo na siya palabas ng bahay. Hindi niya alam kung matutuwa siya para sa dalawa o maiinis sa kapatid niya. Naglakad siya hanggang sa may makita siyang taxi. Nang tanungin siya ng driver kung saan siya magpapahatid, sinabi na lamang niya ang pangalan ng restaurant.

Ang Aking Happy Ending  by VanessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon