"Sa loob ng kwarto mo tayo mag-usap apo ko. Malayo sa pandinig ng ibang tao" saad ni Feliciano sabay tingin kay Siyam na hanggang ngayon ay tuwid pa ring nakatayo sa gilid ng pintuan. Napalingon naman si Audrey sa pinto ng kwarto niya, nasa loob si Nightmare pero sigurado namang magtataka at maghihinala si Feliciano kapag hindi niya ito pinapasok sa loob ng kwarto niya.

Napatingin si Audrey kay Siyam at sumenyas ito gamit ang hinliliit sa kamay na papasukin nga si Feliciano sa loob ng kwarto dahil siguradong narinig naman ni Nightmare ang usapan nila kung kaya't makakapagtago ito.

Napahinga na lang ng malalim si Audrey saka naglakad papasok sa kwarto niya. Si Siyam na ang nagbukas ng pinto at nang makapasok sa loob ang mag-lolo ay dahan-dahan niya itong isinara.

Binuksan ni Feliciano ang ilaw, tumingala ito sa kisame at ngumiti saka pinatay muli ang ilaw kung kaya't kitang-kita ang mga glow in the dark stars na nakadikit sa kisame ng kwarto. "Naalala kong paborito mo ang mga bituin apo ko" panimula ni Feliciano, sabay bukas muli ng ilaw.

Inilibot naman ni Audrey ang mga mata niya sa paligid sa pag-asang masusumpungan niya kung saan nagtatago ngayon si Nightmare. "Hindi ko pinabago ang disenyo ng kwartong 'to sa loob ng mahabang panahon. Maging ang mga gamit mo dito, hindi ko pinamigay o pinagalaw sa iba" patuloy pa ng matanda, napalingon ito sa kaliwa kung saan naroon ang bukas na bintana.

Napatigil si Audrey nang makita ang nakauwang na damit sa loob ng malaking aparador. Napatitig siya doon ng matagal. Nararamdaman niyang doon nagtago si Nightmare.

Naglakad si Feliciano papunta sa bukas na bintana at isinarado iyon. "Gumagana ang aircon dito sa loob ng kwarto mo apo ko. Hindi mo na kailangan pa buksan ang binta---"

"Hindi ako sanay sa aircon. Nabuhay ako ng ilang taon na walang aircon sa kwarto" saad ni Audrey, napatigil naman si Feliciano. Ilang minutong naghari ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Hanggang sa magsalita muli ang matanda at naglakad papunta sa cabinet na puno ng mga stuff toys na unicorn.

"Naalala kong paborito mo ang unico---"

"Hindi ko na maalala" derechong saad ni Audrey. Ibinalik na ni Feliciano ang stuff toy sa kinalalagyan nito.

"Ano po bang gusto mong pag-usapan?" inis na tanong ni Audrey, hindi man lang napansin ng lolo niya ang pamamaga ng mata niya dahil sa pag-iyak. Ni hindi nito napapansin kahit mga maliliit na bagay tungkol sa kaniya.

"Gusto kong malaman mo na kaya kita itinago ng ilang taon sa ibang pangalan ay para iyon sa kaligtasan mo" saad ni Feliciano, nakatayo lang sila sa magkabilang dulo at napapagitnaan ng kama.

"Matagal mo nang sinabi sa'kin 'yan. Pero ngayon ko lang po narinig mismo sa sarili niyong bibig. Iyan din ang palaging sinasabi sa'kin ni Chelsea, ng mama niya, ng mga taong hindi ko kilala na bigla-bigla na lang kumakatok sa tinutuluyan ko para ipaalala na 'Hindi ka pinabayaan ng lolo mo' o kaya naman 'Intindihin mo na lang siya dahil ginagawa niya ang lahat para sa kapakanan mo'" saad ni Audrey at muling dumaloy ang mga luha sa kaniyang mga mata, agad niya iton pinunasan dahil ayaw niyang umiyak. Ayaw niyang ipakita sa harapan ng lolo niya na ilang taon niyang dinadala ang mga pasakit na iyon.

"Pero kahit kailan hindi nila sinabi sa'kin kung bakit kailangan ko mabuhay mag-isa? Hindi mo ba sinabi sa kanila kung bakit? O baka hindi lang niya kaya sabihin sa'kin dahil alam nilang masasaktan ako" dagdag pa ni Audrey, sa pagkakataong iyon ay napalakas na ang boses niya.

Napatigil si Dos sa labas ng pintuan habang hawak sa kaliwang kamay ang isang baso ng tubig nang marinig ang mga katanunang iyon ni Audrey. Umiling naman si Siyam kay Dos na para bang sinasabi nito na huwag ka na muna pumasok sa loob.

A Kidnapper's Mistake (Watty's 2020 Winner)Where stories live. Discover now