"Cole.. stop it. Ano 'to spoken poetry? Facebook status? Tama na ha-"

"I am not kidding!"

"Yes you are! Yang mga quotable quotes mo nakakabasa ng pechay, asang-asa na naman ako tapos ibabagsak mo lang. Tama na, nadala na ako. Naisip ko na din na imposible pala talaga na ikaw ang maging tatay ng anak ko, malaking kalokohan, mapupunta ang pangalan ko sa spotlight at kakalkalin nila lahat ng baho ng pagkatao ko. Baka maungkat na naman na pokpok ang nanay ko at gold digger ako. Sarili kong Lola pinag-isipan ko ng masama noon! Muntik ko nang ipakulam."

"Mas mahalaga pa talaga sayo ang iisipin ng ibang tao?"

"Oo naman. Kilala mo naman ako di ba? Gusto ko kapag nasa spotlight ako, ako talaga ang bida. Kaya mahalaga sa akin ang sasabihin nila. Hindi mo kilala kung anong klaseng babae ako. Mas masahol pa ako kay Naomi, anuman ang ginawa niya na sumira ng relasyon niyo mas malala pa doon ang kaya kong gawin para sa ambisyon at sa pera. You got me wrong when I said I felt like you're hiding me from the public. Hindi ako nagseselos kay Naomi. Wala lang, feeling ko lang nadedehado ako, but it was purely my bitch side talking, wala talaga akong pakialam."

Isang malaking kasinungalingan. Bakit kailangan kong magsinungaling? Dahil hindi ko inaasahan na marinig kay Cole ang lahat ng iyon. Hindi ko deserve. Ayoko siyang traydurin. Hangga't hindi ko naayos ang mga gusot at kabalbalang pinaggagagawa mo, hindi ko pwedeng sagutin ang tanong niya kung ano ba talaga siya sa buhay ko. Kamumuhian niya ako kapag nagkataon. At hindi ko kakayanin iyon.

Pero nang makita ko ang literal na pagbagsak ng balikat ni Cole, kaagad akong nagsisi. Hindi ko maipaliwanag ang sakit na gumuhit sa mukha niya. Gusto kong sapakin ang sarili ko hanggang sa dumugo ang leche kong dila. Pinilit kong ngumiti sa harap niya at pakalmahin ang sitwasyon. Pakalmahin ang namuong unos at dilim sa aura ni Cole. Galit siya. Galit na galit, halos hindi ako makahinga. Literal na nanginig ang ibaba ng labi ko. "Galit ka na niyan?"

Bumuntong-hininga siya at tinitigan ako, binasa ang mga mata ko. "Do you even know what that woman did to me for you to start referencing her to your actions?"

Galit siya dahil dinamay ko si Naomi. "Ok fine. Sorry na." nilapitan ko siya.

"Get out of my office."

"Out talaga?" pinilit kong panormalin ang boses ko.

"Now!" may diin niyang asik kaakibat ang namumuong mga ugat sa noo.

"Ok fine!" ganti ko. "Manigas ka sa lamig dito!"

Hindi ko alam kung paano ako nakalabas ng opisina niya sa estado ng dalawa kong tuhod na parehong nanginginig. Suklay ko ang mahabang buhok habang pilit na sinasalo ang mga luhang nagsimula nang dumaloy. Napaiktad ako ng ilang beses nang marinig ko mula sa loob ang marahas na pagbagsak ng mamahalin niyang mga glass display at paintings. Lintik, ayokong umiyak. OA na naman. Ayoko ding matakot sa kambing, mas lalong OA. Pero heto ako umiiyak at nanginginig ang tuhod!

Napasinghap ako nang sumunod kong marinig ang kalabog ng likod ng pinto niya dahil sa matigas at malaking bagay na hinagis niya doon. Literal na napahawak ako sa sariling balikat.

Bwesit. Kailangan nang matapos nito. Kailangan ko nang maamin sa kanya sa lalong madaling panahon. Pero paano ako magsisimula? Minsan na niya akong tinanong, nagsinungaling ako. Kaya ano pang kredibilidad ang ihaharap ko sa kanya? Wala na.

Nang makarating ako ng sariling opisina kaagad kong dinukot mula sa bulsa ko ang cellphone. Tinawagan ko si Atty. Lacuesta.

"Hello, Atty.. about the contract.. can we review the terms? I want to terminate the agreement, please. Help me."

Pagkatapos ng tawag na iyon, nagring ang cellphone ko. Si Rushell.

"Tuloy na ang booking mo mamaya. Kunin mo sa bahay ang evening gown mo ha?"

"Ayoko na.."

"Gaga ka! Hindi na pwede, naipadala na ang picture mo doon at nagustuhan ka ng kliyente! Pang-malakasan ang kliyenteng 'to Isabel kaya nga nirekomenda kita, wag mo naman akong isabotahe dito-"

"Anong gagawin ko eh galit na nga si Cole, dadagdagan ko pa!"

"Cole na naman? Akala ko ba cool off na kayo? Siraulo ka din eh, alam mong hindi maganda ang magiging epekto sa'yo niyan lapit ka pa rin ng lapit! Para kang kumakain ng pagkaing alam mong may lason!""

"Shut up. Hindi ko hinihingin ang pang-matalino mong opinyon. Ayoko ngang magalit 'yon! Aayusin ko na nga lahat ng gusot ko eh!"

"Siya siya. Support kita. Tsk. Anong sasabihin ko sa Boss ko nito?"

"Eh sabihin mo nagkabulutong ako."

"Oo na. Ako na bahala."

Sayang ng 50k. Konting landi lang ni Cole bumibigay ka na eh. Ang hina mo talaga Isabel. Kapag hindi mo napa-amo ulit 'yon ewan ko nalang sayo.

"Dahil serious ka d'yan sa Engr na 'yan may payo ako sa 'yo ha?"

"Ano 'yon?" curious na tanong ko kay Rushell.

"Kapag naayos mo na lahat ng dark baggage mo, try mong magpahabol at magpakipot man lang. Atat na atat kang higad ka eh."

"Higad ka rin."

Ibaba ko na sana ang cellphone nang biglang magmura ng malakas si Rushell. "Bakit?" tanong ko.

"Yung peste kong Boss."

"Ano?"

"Pinost ang picture mo sa website ng agency!"

Nanlaki ang mga mata ko. Natuyo ang labi at lalamunan ko. Ano 'to, when it rain, it pours ang drama mo Mareng Karma? Pwede bang umayaw na? Suko na ako nagpapakabait na nga ako eh. Saksakin mo nalang kaya ako? Ang lupit mo.. Basagin mo ang glass ng opisina ko tatalon ako, ano game?? Nakakapikon ka na eh!

Bargain with the Rebel Heartbreaker (Published under ABSCBN Books)Where stories live. Discover now