Chapter 27: PASLIT

Magsimula sa umpisa
                                    

Napangiti ang nakababatang ina.

"Nakalimutan ko rin yata'ng may mabagsik na Mamamana-u ring umaaruga sa kanya?"

"Ah, oo nga pala," napangiti na rin si Amila. "Anyayahan mo kami'ng pumasyal sa Iwata, Su-ama. Nais kong makita ang inyong nasasakupan... at makilala ang tusong matsing na nagbabalak ng masama sa inyong mag-ina."

Kumabog ang dibdib ng babayeng Gamu-gamo. Nakita niya ang mapanganib na kislap sa mga mata ni Amila.

Sumilay ang ngiti sa labi ni Sumiklab nang mapasok na nila ang sentro ng Iwata. Puno ng pananabik ang anyo ng binatilyo lalo pa't naghihintay na sa kanilang pagdating ang ina at mga kapatid ni Sumiklab. Patakbo nitong binati ang mga naroon.

"Malipayong pagdating, Ka Ulan. Babaylan..." Salubong ni Su-ama sa mag-asawa, kasunod nito'y mga dating asawa ni Sumandig. Sumalubong sa dalawa si Sumiklab at yumakap sa mga ginang. Sumilay ang ngiti sa labi ng mga babaye, halatang nagulat sa pagmamagandang-loob ng tagapagmana ni Sumandig.

"Pinag-alala mo kami, Sumiklab," ani Biguen, ang pangatlong asawa ni Sumandig.

"Maayos po ang kalagayan ko, Nana Biguen."

"Pumanhik na tayo sa balay at maraming pagkain ang naghihintay sa inyo," paanyaya naman ng dating pangalawang asawa ni Sumandig.

Matapos ang masayang salo-salo ay nilibot ng mag-asawa ang Iwata kasama ni Su-ama. Maraming Gamu-gamo ang naglabasan sa kanilang balay at nakiusyoso sa mga bagong dating. Gaya ng inaasahan nila, malamig ang tinging ipinukol ng mga taga-Iwata, na sinuklian naman ni Amila ng nakapapasong tingin. Para namang walang nakita si Ulan at mas piniling pagmasdan ang kapaligiran ng nasasakupang bayan ng Makiyas.

"Balang araw, magiging kay Sumiklab ang lahat ng ito," may pagmamalaking wika ni Ulan sa kanila. "Nawa'y mapalaki natin siya'ng isang magiting na mamumuno."

"Sa tingog mo'y nararamdaman ko ang pagmamahal mo sa aking panganay, Ka Ulan?" May halong pagkagulat at tuwa ang anyo ni Su-ama. Bahagyang natawa si Amila, lalo't pilit itinago ng kabiyak ang namumulang pisngi.

"Daig pa niya ang inahin," tukso ng babaylan. "Isa siyang maayong amahan sa anak mo, Bae."

"Kung gayo'y mapayapa na ang aking kasingkasing. Daghang salamat sa inyong dalawa," naluluhang ngiti ng ina. "Nais niyo ba'ng makita ang aming taniman?"

"Natatandaan mo pa ba ako, pamangkin?" Anang boses sa likuran ni Sumiklab habang nakikipaglaro siya sa kanyang mga kapatid. Dahan-dahang pumihit ang binatilyo at hinarap ang lalaki.

"Opo, Kaka. Isa kayo sa mga piling kawal ni Ama noong nabubuhay pa siya...." Sa hindi malamang dahila'y sumama ang pakiramdam ni Sumiklab, tila may kung ano'ng nais kumawala sa kanyang katawan nang mga sandaling iyon. Sapo ang dibdib, pilit pinakalma ng batang Gamu-gamo ang sarili. "Ma...ayong adlaw, Ka Kasag..." Napansin niya'ng nanahimik rin ang mga kapatid at tila nakapila sa kanyang likuran.

"Kay putla mo'ng bigla, bata. Hindi na ba hiyang sa iyo ang hangin dito sa Iwata?"

"Marami lang akong nakain kanina kaya marahil sumama ang aking sikmura," sagot. Nagtapunan sila ng tingin. "May sadya po ba kayo?" Paangil ang boses ni Sumiklab. Sa narinig ay napangiti si Kasag.

"Masama ba'ng alamin ko ang kalagayan mo ngayon, Sumiklab? Nagbago na ba ang tingin mo sa amin ngayong nasa pangangalaga ka na ng mga Alamid?"

"Maayos po ang kalagayan ko, Kaka. Salamat sa pag-aalala."

"Ipatingin mo kay Supila ang iyong kalagyan, upang malunasan kaagad."

"Ngayon din po," mahinang wika ng binatilyo. Pinagpawisan ang kanyang noo at muling nagsirko ang sikmura. Sumenyas siya sa mga kapatid at pinilit ang sariling tahakin ang daan pauwi.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon