9: JULIUS

29 1 0
                                    


Mula sa gumuhong k'weba ng Sereburum ay inagos sa ilog ang maliit na alakdang may asul at pulang panusok. Sa kasamaang palad, ang mga kayamanan sanang makukuha nina Regor ay hindi na naisalba pa.

Ang ilog na pinag-agusan ng mga alakdang may asul at pulang panusok ay dumadaloy patungo sa Bayan ng Aiy kung saan nakatira ang tribo ng Reinva-iy na maskilala sa bansag na tribo ng mga taong may bahagharing mata.

Ilang saglit pa, mula sa malakas na daloy ng tubig ay biglang lumutang ang isang dambuhalang alakdan na sugatan. Gamit ang panipit ay kumapit ito sa nakatumbang puno na nakahamba sa dinaraan ng tubig-ilog. Nang makaahon ang higanteng alakdan ay mabilis itong nagtago sa kagubatan.

Dalawang araw ang nakalipas. Matapos mangyari ang insidente sa k'webang nasa ilalim ng Sereburum ay wala ng naitalang pagkamatay ng mga tao sa nasabing baryo.

Nakumpirma ni Regoria at Antelmo na alakdan ang dahilan ng pagkamatay ng ilang tao sa Sereburum at nang masira ang k'weba ay nawala na rin ang mga alakdan. Subalit magkagayunman ay patuloy pa rin ang mga maestro sa medisina sa pananaliksik ng gamot laban sa lason ng mga alakdan.

"Hindi ka na ba talaga sasama sa bayan ng Aiy?" ani Regoria sa kaniyang anak. Kasalukuyan silang nakain sa bahay na tinuluyan ni Regoria at Antelmo.

"Hindi na, Ina," tugon ni Regor matapos humigop ng mainit na sabaw. "Kailangan na naming bumalik sa Toss upang ipagpatuloy ang aming kalakalan."

"Mag-iingat ka, anak. Kung kailangan mo ng tulong ay 'wag kang mag-alinlangan na sumulat sa akin," maligayang sambit ni Regoria.

"Sige po, Ina. Mag-iingat din kayo palagi," eksakto pagkasabing iyon ni Regor ay saka dumating si Antelmo.

"Punong Maestro, nakahanda na ang ating karwahe. Nakasalansan na rin ang ating mga gamit-anumang oras ay maari na tayong bumalik sa bayan ng Aiy," ika ni Antelmo.

Matapos makapagpaalaman ng mag-ina ay saka tinungo ng mga maestro ng medisina ang lider ng Sereburum na si Semalya para na rin magpaalam.

Nagpasalamat naman ang huli sa mabilis na aksyon ng mga manggagamot. Nagpasalamat din si Semalya sa mga tulong na ipinabot ng palasyo ng Hruween sa pamamagitan ni Protektor Julius na tumungo rin sa Sereburum at umalalay sa mga manggagamot.

Si Regor naman, kasama ng mga mangangalakal at minero ay naglakbay na rin pabalik sa Toss upang ipagpatuloy ang naiwan nilang trabaho sa nasabing probinsya.

Nang nakumpirma na ligtas na ang Sereburum sa anumang panganib ay bumalik na si Protektor Julius sa Brein kung nasaan ang palasyo ng hari ng Hruween.

Agad siyang nagtungo sa liwasang nasa gitna ng palasyo at nang makita siya ng magandang batang babae ay mabilis iyong tumakbo patungo sa kaniya at dumamba ng yakap.

"Kuya Julius!" magiliw na bigkas ng babaeng nasa edad-pito habang nakayakap sa Protektor. "Mabuti na lang at bumisita ka ulit dito. Nababagot na kasi ako dahil ayaw akong palabasin ng palasyo ni Ama."

Hinimas ni Protektor Julius ang ulo ng batang babae bago tumanggal sa pagkakayakap. "Mamaya mamasyal tayo—kung gusto mo ay isasama pa kita sa aking palasyo sa lalawigan ng Hart." Nakangiting tugon ni Julius sa kapatid. "Bakit nga pala mag-isa ka lang dito sa liwasan-tinakasan mo na naman ang iyong bantay?" hindi pa halos natatapos ni Protektor Julius ang sinasabi ay dumating na ang isang ginang na tinatawag ang batang babae.

"Prinsesa Juliana, nariyan ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap," reklamo ng matandang tagapagsilbi na si Memora.

Nang makita ni prinsesa Juliana si Memora ay agad siyang nagtago sa likod ng kapatid na Protektor.

THE REALMS 2Where stories live. Discover now