PANIMULA:

78 2 0
                                    


"Nasaan ako?"

Sambit ni Ram matapos magising sa gitna ng walang hanggang kadiliman.

ilang minuto ang lumipas ay tila nahulog ang binatang protektor patungo sa kung saan. Napapikit siya dahil doon.

Nang maramdaman ang sarili na nakaapak na sa lupa ay muli siyang napadilat. Doon ay nasilayan niya na nasa isang maliit na isla siya na nakalutang sa gitna ng kung anong dimensyon.

Naglipana ang mga nakalutang na maliliit na isla habang ang paligid ay napalilibutan naman ng maniningning na mga bituin. Iba't-ibang kulay at nakabibighani sa paningin.

Labis na namangha si Ram kaya napahakbang siya upang mas tanawin pa ang kalawakan. Napahinto lamang ang binatang protektor ng mapansin na nasa hangganan na siya ng maliit na isla.

Kasabay ng pagkahulog ng iilang maliit na bato't buhangin ay napalingon sa ibaba ang protektor. Kagaya ng kapaligiran sa ibabaw ng kalawakan ay walang hangganan ang nasa kaniyang ilalim.

"Nasaan ba ako't anong lugar ito?" anas niya sa sarili na inalala ang mga nakalipas na kaganapan.

Saka pumasok sa isipan niya ang pakikipagsagupaan sa Reptus sa isla ng Jolif. Dahil doon ay namumbalik ang ala-ala ni Ram sa mga pangyayari.

Matapos niya nga pala na magpakawala ng napakalakas na kulay gintong p'wersa habang nakikipagsagupa sa mga Reptus ay nawalan na siya ng malay.

"Nasaan ang isla ng Jolif? Nasaan si Aliyanah?" Napaatras siya ng bahagya. "Aliyanah!" bulalas niya pagkadaka.

Nang mabanggit ang pangalang iyon, mula sa mga maliliit at nakalutang na islang nagkalat sa paligid ay magkakasunod na naglitawan ang mga portal na parisukat ang hugis na kasya ang isang tao. Mula naman sa portal ay lumitaw ang imahe ni protektor Aliyanah na nakikipagsagupa sa isang Reptus.

Habang pinanonood ng binata ang mga nangyayari ay may biglang nagsalita mula sa kaniyang likuran.

"Maligayang pagdating." Napalingon si Ram sa pinanggalingan ng garalgal na tinig.

Nakasuot iyon ng mahabang damit at nakabelo kaya hindi maaninag ang istura niya. Subalit base sa tinig ay isang matandang babae ang kaniyang kaharap.

"Sino ka?" gulat na tanong ni Ram. "Anong lugar ito?"

"Ito ang Kwantem. Ang dimensyon sa pagitan ng oras at buhay." Humakbang paabante ang matandang babae. "Mapalad ka sapagkat narating mo ang lugar na ito—pagkakataon na para malaman mo ang mga bagay na dapat malaman."

Napakunot ng noo si Ram. "Kwantem?"

"Nababasa ko sa iyong mga mata na puno ka ng katanungan—ang mga katanungang iyan ay may kinalaman sa iyong kapalaran.

Nagkaroon ng saglit na katahimikan sa pagitan ng dalawa at ilang saglit din ay muling nagwika ang matandang babae.

"Matagal ko ng hinihintay ang iyong pagdating. Magmula ng makatapak ka sa Hruween ay minamatyagan na kita. Ito na ang tamang oras."

"Naalala ko na—ikaw ang nilalang na nakita ko, isang gabi sa bayan ng mata habang nagkakampo kami—"

Tumango ang matanda kaya hindi na halos natapos ni Ram ang sinasabi pero pagkalaon ay bumawi rin agad iyon ng salita.

"Anong kailangan mo sa 'kin?"

Sarkastikong ngumiti ang ginang. "Ikaw ang naghahanap ng kasagutan, ikaw ang nangangailangan sa 'kin—kaya nandito ka ngayon sa Kwantem."

"Anong ibig mong sabihin?"

Tinanggal ng misteryosang matanda ang belong tumatakip sa kaniyang mukha kaya tumambad ang kaliwang mata niyang nakapikit dahil sa mistulang tinusok. Animo'y lumuluha iyon ng dugo dahil sa pagtagas ng nasabing likido.

"Naisakripisyo ko na ang kaliwa kong mata upang maihatid si baronprotektor Cazmir sa Inferniz at makuha ang isa sa mga importanteng bagay na magsasagip sa mundo. Ngayon ay isasakripisyo ko ang natitira kong mata upang maitawid ka sa nakaraan."

"Teka?" tanong-sabi ni Ram na bakas ang pagkagulat. "Bakit mo gagawin iyon—"

"Ito lang ang paraan at nag-iisang tyansa upang malaban ang propesiya ni Oldnick—"

"Propesiya? Anong kinalaman ko sa propesiyang sinasabi mo?" naguguluminahanang saad ng binatang protektor.

"Hindi ito ang oras para sa bagay na iyan. Malalaman mo rin ang lahat. Magmadali ka na sapagkat limitado lamang ang oras."

Pagkasabing iyon ng matandang babae ay bigla na lamang lumiwanag ang mga portal na nasa maliliit na islang nakalutang.

Sa lakas ng liwanag ay wala ng masipat ang binata. Tanging ang tinig ng ginang na nagbibigkas ng mga sinaunang salita ang tanging gabay ni Ram.

Nang humawak sa kamay ni Ram ang ginang, ang puting liwanag na bumalot sa buong paligid ay naging asul, pagkalaon ay naging kulay ginto na biglang sumabog sa kawalan. Pagkatapos noon ay nawala na lang ng parang bula ang binatang protektoe maging ang misteryosang matanda.

THE REALMS 2Where stories live. Discover now