4: MIYEN

48 1 0
                                    


Pagkarating ng lupon ni heneral Amdim sa Tendernez ay agad itong nagsagawa ng malawakang operasyon sa buong probinsiya.

Naghigpit ang pagbabantay sa mga papasok at lalabas sa lugar at nagkaroon din ng kurpyo.

Ginawa ito ng heneral upang mapabilis ang pagtukoy sa lalaking nagtungo sa guhong mansyon. Kung sakaling mahuhuli nila ang lalaki ay maaari silang makakalap ng impormasyon na magpapadali sa hinahanap nilang bagay na iniwan ng yumaong si Oldnick.

Habang naghihintay sa himpilan at bumubuo ng iba pang hakbangin ay nakatanggap si Amdim ng mensahe mula sa tauhan ni Miyen. Kaya naman, kasama rin ng ilang kawal ay madaliang nagtungo ang binatang heneral pabalik sa guhong mansyon kung nasaan naman ang punong tagapagsiyasat.

Doon ay natuklasan nilang malapit lamang sa lugar ang lihim na kwebang hindi nila nakita noon sapagkat hindi naman talaga ito kapansin-pansin.

"Heneral Amdim, nagpauna na kami ng mga kawal sa loob ng yungib upang magsiyat," bungad ng punong tagapasiyasat na si Miyen matapos sumaludo.

Nakasuot ang ginoo ng makapal na kapa na lagpas sa tuhod. Naka-gwantes at may kalahating antepara na nasa kaliwang mata lamang nakasukbit. Nakabahig paitaas ang buhok na naghahalong itim at puti, kayumanggi ang balat, matipuno subalit hindi katangkaran.

Sa magkabilang tagiliran ng ginoo ay nakasukbit ang maninipis na tabak na may habang dalawampung pulgada.

"Mabuti kung ganoon," malugod na balik-saad ni Amdim.

"Maghintay na lamang po tayo sa kanilang pagbabalik—" hindi na halos natapos ni Miyen ang sasabihin dahil agad tumugon ang unang heneral.

"Susunod kami sa loob, maiwan na lamang kayo rito upang magmatyag." Palakad na sabi nito na sinenyasan ang apat sa mga tauhan.

Hindi naman na tumutol pa si Miyen, nagpaabot na lamang ito ng bilin na mag-ingat.

Tangan ang mga sulo't sandata ay naging alerto ang lima habang tinatahak ang loob ng kweba.

Hindi kagaya sa bungad ay malawak ang loob ng yungib. Mahahalata na sinadyang gawin ang lugar upang maging lagusan patungo sa kung saan.

"Hindi ito natural na kweba, sinadya ang paggawa rito," ani Amdim habang patuloy sa paglakad.

"Tama ka heneral. Marahil ay konektado ito sa guhong mansyon ni Oldnick," sabad naman ni Foer, kawal na nasa kanan ni Amdim.

"Kung ganoon ay malaki ang posibilidad na matagpuan natin dito ang hinahanap ng mahal na hari," anas naman ni Baseq na nasa kaliwa ni Amdim. "Sana lamang ay makita na natin kung ano man iyon."

"Magdilang anghel kayo," tugon ng heneral na iniisip kung bakit sa tinagal-tagal nang pagsisiyasat nila sa probinsiya ng Tendernez ay ngayon lamang nila natagpuan ang lagusang iyon.

Sa pagkakatanda ni Amdim ay matapos mahatulan ng kamatayan si Oldnick ay nagsimula na ang pagsisiyasat ukol sa bagay na sinabi nito sa hari ng Serihch.

Lahat halos ng posibilidad na maaari nilang gawin ay nagawa na nila. Mga bagay na may kinalaman at kaugnayan kay Oldnick at iba pa. Subalit magpasahanggang ngayon ay wala pa rin silang natutuklasan.

Dumating na nga sa punto na nakwestiyon na ng unang heneral ang hari kung may katotohanan nga ba ang mga sinabi ni Oldnick o nananakot lamang ito. Sa katunayan ay naisipan ng sumuko ng binata subalit hindi iniaalis ni haring Hammirr sa isip nito ang mga posibilidad na may katotohanan ang banta ng yumaong kalaban.

THE REALMS 2Where stories live. Discover now