Book2 ~ Paglimot ~ 31

201 5 0
                                    

Sa isang iglap napunta ako sa Atmos kasama si Gabriella. Inaamin kong iilang beses pa lang akong napunta sa lugar pero ang kinaroroonan ko ngayon ay tila kaiba sa Atmos na alam ko. May kadiliman ang paligid na may nakasusulasok na amoy. Mabigat din sa pakiramdam sa tuwing hihinga ako.

"A-anong ginawa mo sa Atmos? Nasaan ang mga nilalang na nakatira rito?" wika ko habang takip-takip ang ilong at bibig ko.

Umismid si Gabriella. "Masyado silang nakikialam sa'kin kaya ayon itinapon ko sila sa disyerto."

"Pati mga bata?"

"Alam mo na ang sagot sa tanong mong iyan, Esmé."Hindi ako makapaniwala sa ginawa niya. Pati mga bata at walang kamalay-malay sa nangyayari ay idinamay niya dahil lang sa kasakiman niya sa kapangyarihan.

"Hindi ko maintindihan kung bakit at paano ka naging kaibigan ng ninuno ko. Nakapasakim mo!" Bumaling ito ng tingin sa akin at bigla siyang nagalit sa sinabi ko. Sa pag-angat niya sa kanyang kanang kamay paturo sa kinaroroonan ko ay siya ring pag-angat ng katawan ko sa ere. Hawak niya ang leeg ko kahit pa malayo siya sa akin.

"Kayo ang dahilan nang lahat ng ito!" Galit na galit si Gabriella na halos malagutan na ako ng hininga. Mabuti nalang at tila nahimasmasan siya matapos ang ilang segundo at bitiwan ako.

"Ang ninuno mo ang dahilan kung bakit ko piniling makulong sa pamilya ninyo sa loob ng mahabang panahon."

"K-kami pa ngayon ang sinisisi mo?" Halos hindi ko matapos ang tanong ko dahil sa paghabol ko sa paghinga.

"Malaking parte ng buhay ko ang nawala nang dahil da pagtataksil ng ninuno mo. Natuto akong magmahal ng mortal ngunit nasaktan lang din sa huli." Muli akong inilipad ni Gabriella sa ere at dahan-dahan niyang hinila patungo sa kanya.

"Sa pamamagitan ng buong lakas ng cosmos ay maibabalik ko ang nakaraan. Maibabalik ko ang lalaking aking minamahal."Binitiwan niya ako sa harapan ng isang malaking puno. Wala na iyong dahon at halos palanta na maging ang mismong kahoy.

"Ilipat mo ang natitirang lakas mo sa punong iyan." utos niya.

"Hindi ka pa ba kuntento na nasa iyo na ang lahat? Makapangyarihan ka na. Ikaw na ang namumuno sa Atmos. Tinitingala ka pa rin ng mga nilalang na magpahanggang ngayon inaakalang mabuti ka."

Bahagyang tumawa si Gabriella na tila ba may alas siya laban sa akin. Tumingin siya at para akong tinusok ng matalim niyang mga mata.

"Ikaw ba, Esmé. Kuntento ka ba desisyong ginawa mo? Magpahanggang ngayon si Orion pa rin ba ang laman ng puso mo?"

Hindi ko alam bakit hindi ako nakasagot agad. Natulala ako at hindi ako nakapagisip ng isasagot. Kung tutuusin dapat sigurado ako sa isasagot kong oo pero natigilan ako. Ano ba tong nangyayari sa akin. Hindi ko maintindihan ang sarili ko.

"O-oo naman." Napalunok ako na para bang may bara pa rin sa lalamunan ko.

"Kahit pa nalaman mo na lahat ng sakripisyo ni Leo para sa ikaliligaya mo? Magkapareho lang tayo, Esmé. Nagmahal at nagkamali at umaasang maibabalik pa ang dati."

"Huwag mo akong itulad sa'yo!"

"Tanggapin mo man ang katotoohanan o hindi, walang makakapigil sa akin sa pagkuha sa natitirang cosmos sa katawan mo!" Mabilis na lumapit si Gabriella sa akin at pilit niya inilapat ang mga kamay ko sa tuyong puno.

Unti-unti, kahit hindi ko man gustuhin ay umilaw ang katawan ko at naramdaman kong dumadaloy ang lakas na nasa loob ng katawan ko patungo sa puno.

Dumikit ang mga kamay ko sa puno at kahit anong tanggal ko ayaw itong maalis. Hindi nagtagal ay lumipat ang buhay ko sa puno. Ang kaninang namamatay ng puno ay nagkakaroon na ng buhay habang ako naman ay namutla at nanghina.

"A-ano bang balak mong gawin sa cosmos?" Nanghihina kong tanong.

"Liban sa pagharian ang lahat ay bubuhayin ko ang lalaking pinakamamahal ko. Si Silas."

"Imposible ang balak mo."

"Walang imposible sa nagmamahal, Esmé."Nang tuluyan akong malanta ay tumigil din ang pagdaloy ng lakas mula sa akin at naialis ko na rin ang mga kamay kong bumakat na sa katawan ng puno.

Kitang-kita ko kung paano muling nabuhay ang puno at kung paano bumalik ang berdeng kulay nito. Mangiyak-iyak si Gabriella nang makalapit siya sa puno. Bahagya siyang sumandal rito na animo'y ang puno ang taong tinawag niyang Silas.

Nangulubot ang balat ko na para bang tumanda ako ng maraming bilang. Ramdam ko ang panghihina ng katawan ko dahil sa pilit pagpikit ng mga mata ko. Hindi nagtagal nakita kong sinugat ni Gabriella ang kanyang palad at hinayaan niya iyong tumulo sa puno. Batid ko ang malakas niyang damdamin sa kagustuhang makitang muli si Silas.

Si Gabriella. Si Silas at ang aking ninuno.

Kung iisipin kong mabuti tulad iyon ng sitwasyon ko sa kalasukuyan.

Ako. Si Orion at si Leo.

Pareho man ay may pinagkaiba pa rin kami sa kanila. Wala kina Orion at Leo ang may masamang hangarin upang magtagumpay lamang sa larangan ng pag-ibig. Silang dawala ay pawang handang magsakripisyo para sa ikaliligaya ko.

Pero ako, ako yata ang may problema sa aming tatlo. Mali man ay tama si Gabriella, may kirot sa puso ko sa tuwing maaalala ko lahat ng sakripisyo ni Leo simula umpisa palang.

Totoong kasalanan niya kung bakit hindi kami nagtagpo noong una ngunit isa lang ang dahilan niya kung bakit niya iyon nagawa. Nagmahal lamang siya. At ako ang maswerteng babaeng iyon. Ngunit hindi ko rin kayang balewalain ang mga sakripisyo ni Orion.

Simula't sapul palang ay pinatunayan na niya sa akin na siya ang karapatdapat kong mahalin. Kaya nga ako nahulog sa kanya't nagpakasal dahil tunay ko siyang minahal. Ipinagtanggol niya ako't hindi siya kailanman umalis sa tabi ko kahit pa alam kong madalas ay nasasaktan ko siya. Kung tutuusin ay hindi ako karapatdapat sa pagmamahal ng isang Henki. Tao lamang ako na nadamay sa isang sumpa gawa ng aking mga pinagmulan.

Siguro nga ay mas makakabuti kung tuluyan na akong mawala. Gusto ko na rin kasing makawala sa hawlang kumukulong sa puso ko. Ang sumpa ng cosmos na nagdikta sa kung ano at alin dapat kong piliin. Gusto kong makabalik sa dating ako na kayang magdesisyon para sa sarili ko. Gusto ko nang bumalik sa umpisa hindi para piliin ang nais ko kung'di para subukang pigilan ang dapat mangyari. Gusto kong bumalik para takasan ang problema. Hindi dahil makasarili ako kung'di dahil ayokong may masaktan sa kanila nang dahil lamang sa akin.

Hirap man ay pinilit kong itingala ang mukha ko upang makuha ang atensyon ni Gabriella."Gabriella, may usapan tayong dapat mong tuparin."

•••

She's the LegendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon