Before The Worst {1}

2K 20 2
                                    

Before The Worst

{1}

“Inay, may pera pa po ba kayo? Maari ho bang makahingi? Bukas na po kasi ang deadline of payment ng graduation fee,” nahihiya kong itinanong.

Alam ko namang walang sapat na pera si nanay pero nagawa ko pa ring magtanong. Sa dinami-rami ba naman nang gastusin sa bahay. Kung ba’t kasi kinapos ang kita ko kagabi. Sana hindi ako namomroblema ngayon.

Tumigil siya saglit sa paglalaba, napabuntong-hininga at sinabing, “magkano ba ang kailangan, anak?”

“Isang daan lang naman po,” pabulong kong isinagot.

Sa totoo lang, two hundred pesos talaga ang bayarin pero dahil may naipon na naman ako, kasya na siguro ang karagdagang isandaang piso. Kung may sosobra man, ipambibili ko ng Kiwi para may pang-shine ako ng sapatos. Para kahit na luma ang sapatos na gagamitin ko, at least malinis naman saka maayos tingnan.

“Gano’n ba?” aniya at saka may dinukot sa bulsa. “Pasensya na anak. Ayan na lang ang mayro’n tayo. Kunin mo na lahat. Magtitinda nalang akong balot mamayang gabi para may maipanghapunan tayo,” saka iniabot sa ‘kin ang isang lukot-lukot na fifty pesos bill, kasama ang mga limampisong barya at pipisuhin. Ayaw ko na sanang tanggapin kaya lang napilitan akong kunin kinalaunan kasi pinagpilitan ni nanay na ibigay sa ‘kin.

Binilang ko ang halaga ng mga baryang hawak ko. Twenty-three pesos plus fifty pesos equals seventy pesos. Kulang-kulang one hundred-fifty pesos naman ang mayro’n ako. Ayos na siguro ‘to.

Ibinulsa ko ang pera, humarap kay inay na muling nagpatuloy sa paglalaba at saka nagpasalamat.

Bago ako umalis…

“Dahan-dahan lang po sa pagta-trabaho, ‘nay. Alam niyo namang mahina ang puso niyo. Baka atakihin kayo n’yan,” nag-aalala kong sinabi. Mahirap na’t baka maulit na naman ang nangyari nang iwan kami ni itay.

“Ano ka ba anak. Ayos lang ako. H’wag kang mag-alala,” isinagot niya na sinamahan nang ngiti.

“Alam niyo namang bawal ho kayong mapagod. Ako na hong bahala para sa pambili ng hapunan. Magpahinga nalang po kayo mamayang gabi,” sinabi ko, saka ako nagpaalam at umalis.

Bata pa lang ako nang iwan kami ng bastardo kong ama. Mula nang malugi ang kompanyang pinapasukan niya rati, nagsunod-sunod na ang pagpasok ng mga kamalasan sa buhay namin. Nag-umpisa nang mawalan siya ng trabaho. Sinundan nang pagka-lulong niya sa sugal, sigarilyo, alak at kung anu-ano pang mga bisyo. Dinagdagan pa nang madalas na pag-aaway nila ni inay dahil sa problema sa pera.

Nang tumagal, napansin ko…ang laki nang pinagbago niya.

Hindi na siya ang tatay na kinamulatan at minahal ko.

Ang dating masaya naming pamilya? Unti-unting nasira. Nang tumagal, lalong lumala. Hanggang sa tuluyan nang nawasak.

Isang araw, tuluyan na kaming iniwan ng tatay kong walang hiya dahil hindi niya na raw kami kayang tagalan pa.

EverLUSTing LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon