Biochip Implant

27.1K 403 36
                                    

Hindi lahat ng nangyayari sa paligid mo ay binabalita sa telebisyon at dyaryo. Maraming pangyayari ang hindi pinahihintulutan ng gobyerno na mailathala, para daw sa kapakanan ng nakararami. Parang hayaan mamatay ang 5 para mabuhay ang 10. Natandaan mo ba ang nangyaring pag-atake sa Pearl Harbor? Usap-usapan noon na alam ng mga opisyal na aatakehin ang Pearl Harbor pero hinayaan nila para ma-justify ang gagawing pambobomba nila sa Japan. Kung totoo man yon o hindi ay wala na ring pakialam ang nakararami, nagawang pigilan noon ang paglakas ng pwersa ng Hapon at ang patuloy na pananakop nila sa mga bansa sa Asya. Mas marami nga naman ang nasagip, pero marami din ang namatay.

Noong taong 1980, may isang medical officer sa bansang Finland na napansin ang kakaibang bagay na nasa loob ng ilang tao sa tuwing sila ay magpapa-x-ray. Si Rauni-Leena Luukanen-Kilde, ang nakasaksi ay sinabing kasing laki iyon noon ng butil ng bigas, hanggang sa lumiit iyon ng lumiit at kamakailan nga lamang ay sinabi niyang hindi na niya iyon makita. Sabay din noong inanunsiyo ng Pamahalaan Amerika ang hangarin nila na maglagay ng microchip implant sa pamamagitan ng pag-iineksyon. Natakot naman ang ilan at baka gamitin daw iyon sa ibang paraan. Gaya ng mind-control.

Mind-control? Alam niyo bang isa ito sa proyekto ng MK-ULTRA? Ang MK-ULTRA ang nakapansin sa kapasidad ng Mind Control at sinabing ito ang kinabukasan ng mga giyera sa mundo. Aanhin mo nga naman ang mga armas gayung kaya mo namang kontrolin ang isip ng mga tao? Isakripisyo ang kamalayan ng ilan upang mabuhay sa katahimikan ang nakararami.

Pero hindi lahat ng eksperimento sa Project Monarch ay tagumpay. Marami ding pumalya, katulad na lamang noong panahon ng giyera sa Vietnam kung saan pinageksperimentuhan daw ang dalawang vietcong at nang hindi mag-response ay sinunog ng buhay.

Ang kwentong ito ay tungkol sa failed experiment na naging sanhi ng pagkamatay ng ilang dosenang katao. Ako si Police Inspector Wilcon at ito ang istorya ng isang serial killer na galit sa teknolohiya.

Alas 9:00 ng gabi nang makatanggap kami ng isang kakaibang tawag sa opisina. Matagal-tagal na rin akong nakatoka sa lugar na iyon pero hindi kami madalas makatanggap ng tawag. Kadalasan ang mga problema doon ay nareresolba na sa tulong pa lamang ng baranggay.

"Talumpong segundo magmula ngayon, may sasabog." Buo ang boses ng kung sino man ang nasa kabilang linya. Parang may ginagamit siyang kakaibang instrumento para mag-iba ang boses niya. Agad niya ring binaba ang telepono matapos niyang sabihin iyon. Hindi naman namin alam kung saan magsisimula dahil wala naman siyang iniwan na lugar kundi iyon. Makalipas ang 1 minuto ay biglang may tumawag muli.

"Sir, may sumabog ho dito sa may bahay sa may San Luis. May mga namatay ho yata. Pakibilisan lang ho." Kinuha namin ang lahat ng impormasyon na maaring makuha at pagkatapos ay nagbuo kami ng team na pupunta sa lugar na iyon at magsisiyasat.

Makalipas ang 20 minuto ay narating namin ang lugar. Halatang malakas ang pagsabog na naganap at nabasag ang salamin ng kotseng nakaparada. Dalawa ang naitala naming namatay sa lugar na iyon. Hindi namin malaman kung anong motibo ng pagpatay. Ang maliwanag ay isang home-made bomb ang ginamit ng salarin.

Dalawang araw ang lumipas at muling nagkaroon ng kaparehas na pangyayari. Sa pagkakataong iyon, sa isang bus na puno ng estudyante sa Elementarya. Labintatlong bata kasama pa ang driver ang namatay sa naganap na pagsabog. Sa pagkakataong ito, nag-iwan ng mensahe ang salarin sa ilalim ng upuan ng driver ng bus.

Narito ang eksaktong nakasulat sa papel:

"Ang mga tao ay naging komportable na sa teknolohiya ngayon. Nakakalimutan na nila ang mga importanteng bagay. Hindi niyo alam pero kinokondisyon ang mga utak niyo ng mga bagay na nakikita niyo, sa telebisyon, sa internet, at sa social media. Ang mga bagay na iyan ay parang droga na inimbento para tanggalin ang emosyon at krtitkal na pag-iisip sa utak niyo. Kailangan niyong turuan ng leksyon."

Dalawang beses pa naulit ang pambobombang iyon na kinamatay ng ilang tao, hanggang may nagreport na isang concerned citizen sa amin, tungkol sa kapitbahay nila na nawawala. Sinabi niyang may dalawang buwan na raw nawawawala ang kapitbahay nilang iyon. Inampon na nga raw nila ang aso nito na hindi na napapakain. Nag-aalala siya na baka kung anu nang nangyari sa kanilang kapitbahay, mabait naman daw iyon at walang kaaway.

Sa paghahanap ng mga awtoridad ay nadala kami sa isang maliit na kubo na nasa parteng bulubundukin. May nagturo sa amin na magkakainingin na nakita raw nila ang lalaking iyon na doon nakatira. Tinungo namin ang kubo ngunit sarado iyon. Pinuwersa na lang namin buksan ang pintuan. Doon ay tumambad sa amin ang mga gamit sa paggawa ng pampasabog. Naroon din ang mapa ng lugar kung saan naganap ang pagsabog.

Ang mga bagay na naroon sa maliit na espasyong iyon ay sapat na patunay na siya ang gumawa ng serye ng pagsabog. Pero sa anong dahilan? Kung pagbabasehan ang sinabi ng kapitbahay na nag-report sa kanyang pagkawala, mabait ito at walang kaaway. Anong maaring mangyari sa loob ng dalawang buwan para iwanan niya ang kanyang bahay at magsilbing salarin sa serye ng pagsabog na ikinamatay ng marami?

Binalik namin sa pagkakakandado ang pinto, pinatago na rin ang patrol ng pulis. Halos magdamag kaming naghintay bago bumalik ang salarin. Sa puntong iyon ay agad siyang nahuli. Umamin naman siya sa krimen na ginawa niya.

"Pinasabog ko silang lahat, para magising kayo. Ikaw ikaw ikaw, kailangan mong maintindihan na malayo ang mga bagay-bagay sa nakikita mo. Sige, ang iniisip mo ngayon ay isa akong baliw na mamamatay tao. Sa tingin mo talagang iniisip mo yan o may nag-uutos sa iyo na isipin yan. Kailangan nilang i-monitor ang lahat ng iisipin ng mga tao para umayon ang lahat sa gusto nila. Hindi ako ang kriminal dito." giit ng lalaking iyon.

Sa totoo lamang ay hindi na siya nakarating sa korte. Natagpuan na lang siyang patay sa loob ng kanyang selda, nakabigti. Wala namang kaming nakitang ebidesya ng foul play o anupaman. Mukhang isa nga iyong kaso ng suicide.

Kasama sa natagpuan sa kubo ay ang kanyang journal. May ilang bagay doon na nakakuha ng aking atensyon.

Una, nakasulat doon na ang libreng bakunang laban sa tikdas na naggagaling sa ibang bansa ay may nakalagay na microchip. Ang pagbakuna sa mga bata na nagsimula pa noong 1990s ay paraan din ng bansa na ito para manipulahin ang pag-iisip ng isang tao. Kung hawak daw kasi nila ang pag-iisip ng mga tao ay mas madaling resolbahin ang mga bagay-bagay.

May note pa siya sa huli ng journal niya na parang habilin sa kung sakali na siya ay mahuli ng pulisya. Nakalagay doon:

"Sa oras na ako ay mahuli ay ituturing akong kriminal. Tama nga naman, kaisa-isang kumakalaban sa sistema na kinasanayan na. Alam ko rin na papatayin ako sa oras na ako ay mahuli. Sisiguraduhin nila na walang makaka-alam, wala ring makikialam. Ang daling utusan ng isang pulis na pumasok sa selda ko at palabasing suicide ang pagkamatay. Pero kailangan nilang malaman na ang lahat ng ito ay kasinungalingan. Ikaw na nagbabasa nito, alam kong wala kang pakialam, kinondisyon na kasi nila ang isipan mo na wag na itong pakialaman at isiping nasisiraan na lamang ako ng ulo. Kinokontrol nila ang isipan. Gumising ka!"

Sinunog ko ang diary na iyon matapos. Sarado na rin naman ang kaso at wala nang may pakialam. Kung pakikialaman pa natin ang bagay na iyon ay magugulo lamang ang sistema. Sa kasalukuyan ay nabubuhay tayo sa panahong tahimik at tanging isyu sa social media lamang ang pinakikialaman. Tama na ngang mamatay ang isa para sa ikabubuti ng nakararami.

Pinoy Horror Stories (Completed)Where stories live. Discover now