Wendigo Psychosis

30.9K 455 74
                                    

Ang kaso ng wendigo psychosis ay sinasabing ang biglaang pagkatakam ng isang tao sa karne ng isang tao. Ang pangyayaring ito ay biglaan at walang senyales na maaring mangyari. Kadalasan ang mga nakaranas ng ganitong pangyayari ay hindi matandaan ang kanilang ginawa.

Ako si Arran, labing siyam na taong gulang at ito ang kwento ng wendigo psychosis ng aking ama.

Nagsimula ang kwento ko noong ako ay walong taong gulang lamang. Nasa isang bus kami na papunta sa probinsya ng Mama ko. Katapat namin ang apat na lalaking nasa dalawampu hanggang dalawamput tatlong taong gulang na. Mukhang papunta sila sa probinsya para magbakasyon dahil na rin sa dala nilang mga bag. Ang isa sa kanila na nakaupo sa malapit sa bintana ay natutulog at nakikinig sa kaniyang mini disc player gamit ang kanyang earphone. Ang nasa harapan niya naman ay mahimbing rin ang tulog.

Nakajacket siya at may hikaw sa kanyang kaliwang tenga. Ang dalawa naman sa kanila ay gising at nagtatawanan. Sa totoo lamang para silang mga sirang wala naming tinatawanan. Magkakatinginan lamang sila tapos ay tatawa.

Mayamaya ay bigla na lamang sumigaw ang isa sa kanila na nakikinig ng muiska.

"AAAAAAAAAAAAAAAA," nakakapangilabot ang kanyang sigaw.

Matapos yon ay kitang-kita kong sinimulan niyang pagsasaksakin ang kaibigan niyang nakaupo sa harapan niya at natutulog. Sumirit ang dugo na parang fountain sa unang saksak niya. Natilamsikan pa nga ang damit ni Mama at nagsisigaw siya. Hinarang niya kasi ang kanyang katawan para protektahan ako.

Tumakbo ang iba pang lalaking nandoon at inalerto ang driver.

"Manong! Ihinto niyo ang sasakyan nagwawala ang kaibigan namin," pakiusap nito sa driver, habang minamasdan kung paano nito pagsasaksakin ang kanilang kaibigan.

Plano nang ihinto ng driver ang bus matapos niyang marinig ang komosyon na nagaganap sa likod ng bus. Saktong paghinto ng bus ay isa-isa nang nagbabaan ang nagpapanic na mga pasahero. Binitbit na rin ako ni Mama. Para bang may kakaibang lakas noon si Mama at nakaya niya akong buhatin. Agad naming sinundan ang linya ng mga nagmamadaling pasahero na bumaba halos magkabungguan at maipit pa kami.

Habang bitbit ako ni Mama ay kitang-kita ko pa rin ang patuloy na kaguluhan na nagaganap sa isang sulok ng bus. Kitang-kita ko kung paano niya sinubukang putulin ang ulo ng kanyang kaibigan gamit ang isang combat knife. Inabot iyon ng ilang sandali ngunit walang gustong pumigil sa kanya. Kahit ba ang ibang kaibigan nito ay hindi na siya pinansin. Para bang nagkanya-kanya na sila noong oras na iyon.

Sa wakas at tagumpay na ang lahat na makababa sa bus pati na rin ang driver. Ngunit dahil siguro sa natural na pagka-usisa ng ilan kasama na ang Mama ko ay hindi rin siya lumayo. Patuloy nilang pinanood ang malagim na pangyayari Nang makita ng salarin na pinanonood siya ay tila tinubuan siya ng pagkainis. Iniwan niya ang hindi na gumagalaw na biktima at sinubukang bumaba. Noon lamang nag-umpisang magkaripasan palayo ang mga tao. Mabuti na lamang at alerto ang driver at hinawakan niya ang pinto ng bus para hindi ito makalabas. Para bang wala ito sa katinuan para itong hayop na nakakulong sa hawla.

Nang hindi ito makababa ay binalikan nito ang walang buhay na katawan ng kanyang biktima. Tuluyan niyang pinutol ang ulo nito, hinawakan niya ito na parang tropeo at ipinakita sa mga taong nanonood sa kanya. Kinagat niya ang parte ng pisngi nito at nginuya matapos ay kinain, parang ipinagmamalaki pa niya na nilunok niya iyon ng ibuka niya ang kanyang bibig at wala na ang piraso ng pisngi.

Mayamaya pa ay nagdatingan ang mga pulis. Matapos ng sandaling komosyon ay matagumpay siyang napigilan ng mga pulis. P'wersahan siyang pinadapa at matagumpay siyang naaresto. Base sa kwento na narinig ko sa mga kaibigan nito, wala namang history ng violence ang kaibigan nila, tahimik ito at masiyahin. Kung anong nangyari noong oras na iyon ay isang bagay na hindi nila kayang ipaliwanag.

Lingid sa aking kaalaman ay mauulit ang bagay na iyon sa sarili kong pamilya.

Nagsimula ang araw na iyon gaya ng mga normal na araw. Nagising ako sa malakas na tunog ng alarm ko. Lunes na at kailangan kong pumasok. Maliban lamang sa walang pasok si Papa sa kanyang opisina dahil may masaya daw na okasyon noon, wala namang kakaiba sa araw na iyon. Hindi kami perpektong pamilya pero masaya kami. Normal kila Mama at Papa ang mag-away pero hindi iyon umaabot sa sakitan. Minsan nga kapag nagtataas na ng boses si Mama ay umaalis na lamang si Papa para pahupain ang galit ni Mama.

"Ma! Aalis na ako!" magiliw akong nagpaalam kay Mama.

Hindi ko alam na iyon na pala ang huling beses na makikita ko siya. Buong araw ang aking pasok sa eskwela, hindi na ako umuuwi ng tanghalian at doon na lang kumakain sa canteen ng school. Hindi ganoon kasarap ang pagkain doon pero pwede na ring pagtiyagaan ng tulad kong estudyanteng gahol na sa oras.

Natapos ang buong araw at umuwi ako sa aming bahay. Sa labas pa lamang ay kitang kita ko na ang patrol ng pulis at ang dami ng nag-uusyoso sa tapat ng aming bahay. Kinabahan ako, sa unang tingin ko palang ay alam kong may masamang nangyari.

Sinubukan kong pumasok sa may bahay ngunit pinigilan ako ng pulis. Hinawakan ako sa isang gilid ng aming kapitbahay at isa-isa kong nakita ang mga bagay na inilalabas ng mga kapullisan.

Una nilang inilabas ang isang bodybag na nasa stretcher. Hindi na nila binuksan iyon, hindi ko rin alam kung sino iyon. Matapos noon ay nakita kong inilabas ang plastic evidence bag na may lamang kutsilyo na puno ng dugo. Sa isang lalagyan naman ay may chopping board at sa isapa ay may mga karne na parang hiniwa ng malilit na parte. Makaraan ang ilang sandali ay inilabas nila ang isang lalaki na medyo kahawig ni Papa. Hindi ko malaman kung si Papa nga iyon, parang may kakaiba sa kanya, ang mga mata niyang tila nanlilisik pati na rin ang magulo nitong buhok.

Lumapit papunta sa amin ang isang pulis at kinausap ang aming kapitbahay.

"Ma'am bahala na muna po kayo sa bata. Kinontak na po namin ang mga kamag-anak nila para sa kustodiya ng bata. Maya-maya lamang po ay darating na ang mga iyon." Tumango na lamang ang kapitbahay namin. Tiningnan ko siya na parang nagtatanong ngunit iniwas niya ang kanyang mga mata. Sa huli ay nalaman kong wala na si Mama. Sa anong dahilan ay hindi ko alam. Tila ba walang nais na magsabi sa akin.

Noong gabi ng burol ni Mama ay narinig ko na lamang ang pinag-uusapan nila Lolo at mga kaibigan niya.

"Bigla na lamang daw nagwala! Narinig daw ng mga kapitbahay na nagsisisigaw na lamang si Jun (pangalan ni Papa). E di hindi raw mapalagay yung mga kapitbahay, tumawag ng pulis. Nadatnan na lang daw ng pulis patay na yung anak ko. Hiniwa pa ng carving knife yung sa may hita at sa may dibdib. Sa kusina nakita nila yung chopping board na may hiniwang mga karne. Mainit na nga raw yung kawaling paglulutuan at nakahanda na yung mga sangkap. Tapos pagbukas daw ng kwarto nakita nila si Jun ngumunguya pa ng karne. Ang dyaskeng bata. Ano kayang nangyari?" kinilabutan ako sa kwento ni Lolo.

Alam kong hindi kayang gawin ni Papa iyon kay Mama. Mahal na mahal niya si Mama. Noong araw na iyon ay hindi siya pumasok sa opisina dahil anniversary nila bilang magkasintahan noong bata pa sila. Kasal na sila pero pinagdiriwang pa rin nila ang araw na iyon. Sino namang mag-aakala na ang kanilang anibersaryo bilang magkasintahan ay magiging araw din ng kamatayan ni Mama.

Noong araw ng libing ay dumating si Papa. Ayaw pa sana siyang palapitin nila Lolo pero nakiusap siya. Iyak ng iyak si Papa sa harap ng kabaong ni Mama. Sinabi niyang hindi niya alam ang ginagawa niya noong mga oras na yon. Ang huli daw niyang natatandaan ay nanonood sila ng TV ni Mama. Matapos iyon ay nagising na lamang siya na nasa loob ng kulungan.

Niyakap ako ni Papa at humingi ng tawad. Niyakap ko rin siya at sinabing ok lang ang lahat.

Sa darating na Linggo ay magkakaroon na ng desisyon ang korte sa kanyang kaso. Matapos ang mahabang paghihintay sa wakas ay malalaman ko na rin kung makakalaya si Papa o hindi. Sabi kasi sa akin ni Papa ay malaki ang posibilidad na makalaya siya dahil sa defense nilang temporary insanity na ini-excempt siya for criminal liability. Sa oras na makalaya si Papa ay sasama akong muli sa kanya.

Pinoy Horror Stories (Completed)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz