CHAPTER 1

6.8K 120 8
                                    



Two years after
Princess Isabelle Starline

"INOM TAYO, 'PRE!" paanyaya ni Benj kay Lanz habang ibinubuhos ang whiskey sa kanyang liquor glass.

Tinignan ni Lanz ang mga kaibigan at tumango na lamang bilang tugon. Ang totoo ay wala siya sa mood uminom sa araw na iyon at gusto na lamang niya manatili sa kwarto at manood ng mga pelikula sa TV. Naisip niyang wala naman masyadong mahalagang pangyayari sa araw na iyon maliban na lamang sa wedding anniversary party ng kanyang mga magulang mamayang gabi.

Pakiramdam niya'y nawalan na siya ng excitement na magdiwang ng mga naturang okasyon, lalung-lalo na ang patungkol sa mga weddings at wedding anniversaries. Simula nang maganap ang trahedya sa Queen Starline na ikinamatay ng kanyang asawa dalawang taon ang nakalilipas, nawalan na siya ng ganang ipagdiwang ang anumang okasyon sa kanyang buhay, kahit ang mismong kaarawan niya.

Para hindi masabing killjoy ay pinagbigyan na lang niya ang kanyang mga kaibigang sina Benjamin Saavedra, Elijah Monteclaro, at Santi Buenafe nang magkaayahan sa bar na nasa loob ng barko. Pare-pareho silang mga anak ng mga kilalang negosyante at pulitiko. Magkakaklase rin sila simula noong nasa high school pa sila. Kadalasan, kapag may mga parties ang kani-kanilang mga pamilya ay hindi nawawala ang bawat isa sa kanila.

"Santi, kumusta na ang paghahanda mo para sa kasal niyo ni Eunice? Sa December na 'yun di ba?" tanong ni Elijah sa kaibigan.

"Ayon, ang dami masyadong gusto ni Eunice pagdating sa mga wedding details. Hindi ko na nga rin talaga siya maunawaan kung minsan eh," sagot ni Santi saka napakamot ng ulo.
Nagtawanan sina Benj at Elijah. Si Lanz naman ay pilit na ngumiti habang iniinom ang whiskey.

"Dude, ganyan naman talaga ang mga babae. Parang bagyo, pabugso-bugso ang isip," pagdadahilan ni Benj saka kinuha muli ang bote ng whiskey para ibuhos ang nilalaman nito sa baso ng kanyang mga kaibigan.

"Speaking of women pare, pansin ko kanina pa nakatingin sa atin ang mga babaeng 'yon," sambit ni Elijah sabay turo sa mga babaeng nakaupo sa kabilang counter. Nakasuot sila ng mga itim na miniskirts at makikislap na blouses na halos kita na ang dibdib. Saglit na bumaling ang atensiyon ni Lanz sa mga mapanuyong titig ng mga babaeng tinutukoy ni Elijah.

"Benj, parang type ka ng nasa kaliwa," ang banat ni Elijah.

At muling humagalpak sa tawa ang magkakaibigan.

"Pare," sabay hawak ni Benj sa balikat ni Elijah, "alam mo lasing ka na eh. 'Di mo ba nakikita? Kay Santi nakatingin ang babaeng nasa kaliwa na sinasabi mo."

"Hey, huwag niyo nga akong idamay diyan. Engaged na 'to, dude," pagdadahilan ni Santi.
"Yeah, right! Nagsalita ang hindi matinik sa babae. Hoy Santino Buenafe, kung ako sa iyo magpakasawa ka na ngayong hindi pa kayo kasal ni Eunice dahil pagkatapos ng seven months, 'Goodbye to single life ka na, bro!'" bulalas ni Elijah.

Naghalakhakan ang magkakaibigan pero natigilan sila nang mapansing walang imik si Lanz. Nagtinginan ang tatlo na para bang nagtuturuan kung sino ang unang kakausap sa kanya.

"Bro," pasimula ni Benj, "may problema ba?"

Tinignan ni Lanz ang mga kaibigan at saka tumugon, "Wala naman, medyo pagod lang..."

"C'mon, Lanz. Hindi kami sanay na ganyan ka. Kung tutuusin pagdating sa mga ganitong inuman, ikaw talaga ang nangunguna dati 'di ba? So what happened now?" ang tila nag-aalalang tanong ni Elijah.

"Sorry pare, wala lang talaga ako sa mood ngayon..."

"Hmmm... alam mo sa tingin ko Lanz, mag-iiba na ang mood mo. Look who's behind you," sambit ni Santi sabay turo sa likod ni Lanz. Marahan siyang tumalikod at nakita niyang papalapit ang isang babaeng nakapustura at mala-modelo ang tindig.

Sa Agos ng Tadhana (Precious Hearts Romances)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant