Chapter 12: Kasalan

1K 89 21
                                    


Abala ang pamilya ni Manuel nang sumapit ang araw ng kasal nina Jimwell at Barda

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Abala ang pamilya ni Manuel nang sumapit ang araw ng kasal nina Jimwell at Barda. Naka-ilang palit ng suot si Openg bago nagpasiya sa kulay violet na bistida. Kuntodo ang make-up niya at may tangan na abaniko. Kanyang sinisisi Manuel na hindi siya nabibilhan ng bagong damit gayong may nakuha naman siyang pera nang siya'y maaksidente. Ani ni Manuel, kailangan niyang mag-ipon para sa mahalaga niyang misyon. Kung anong misyon ito'y hindi na tinanong ni Openg pagka't alam niyang may kinalaman ito sa pag-aala-Kristo ng anak.

Suot ni Manuel ay lumang barong na naninilaw na sa matagal na pagkakatago sa baol. Maging ang amoy nito'y pawang nakulob ng ilang dekada, at naglagay na lamang siya ng mumurahing baby cologne para matakpan ito.

Sa sala, hinihintay nila si Sebyo na lumabas ng kuwarto. Si Openg ay panay ang paypay pagka't pinagpapawisan hindi lamang sa init, kundi sa sobrang sabik.

"Sebyo! Bilisan mo! Aba'y, anong oras na?!" bulahaw ni Openg.

"Nandyan na!" balik ni Sebyo.

Paglabas ni Sebyo'y naka-barong din ito, nguni't kapansin-pansin na malaki ito ng halos dalawang sukat sa kanya. Ang manggas ay abot hanggang kanyang palad, ang pantalon ay sayad sa sahig. Nagmukha tuloy siyang si Charlie Chaplin.

"Susmaryosep!" bulalas ni Openg nang makita ang asawa.

Pinagtulungan ng mag-ina na ihusto ang kasuotan ng ama sa pamamagitan ng pagtutupi at paglalagay ng pardible, at sa kalaunan ay naging:

"Ayan, pwede na 'yan!" sabi ni Openg. "Halika na't baka 'di natin abutan ang misa!"

Nagmamadali silang lumabas ng bahay.

#

Maayos naman ang naganap na sakramento sa simbahan. Walang matinding drama tulad ng sa pelikula. Walang tumutol o hinimatay sa init. Kundi'y may konting katatawanan pa nga pagka't nang humarap sa altar sina Jimwell at Barda ay kitang-kita ang diperensya nila sa height. Ito'y hindi pa nga nag-heels si Barda at si Jimwell ay may mataas na takong. Makikitang marami ang nagpipigil na matawa, maging ang pari ay napapatakip ng bibig. At dahil naroon ang apat sa mga kapatid ni Jimwell at tumitingin sa mga tao'y, walang nangahas na humalakhak.

Nguni't, may hindi napigilang matawa nang dumating sa parte na lumuhod ang mga ikakasal at si Jimwell ay tila nagmukhang bata. At ang ginawa pa ng mga photographers ay naglagay ng apple box para umangat si Jimwell at makunan ng camera. At sino ang tumawa? Walang iba kundi si Sebyo na siniko kaagad ni Openg. Kundi lang sa aksidente, ay malamang na si Manuel ang namuno sa tawa. Ganun na lamang ang pagbabago niya.

Natapos ang kasal at nang paglabas ng bagong kasal ay sinalubong sila ng confetti ng bigas. Nakapalibot sa labas ang mga masasayang dumalo, at ang entourage at mga ninong at ninang.

"Mabuhay ang bagong kasal!" sigaw ng marami kasabay ng masigabong palakpakan.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon