Chapter 4: Unang Araw sa Trabaho

1K 89 12
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Umaga. Nagising si Manuel at may naramdaman siyang hapdi sa kanyang mukha. Tinignan niya ang sarili sa salamin at nakitang namumula ang pisngi't noo niya. Naalala niya ang batuhan ng isda. Bumangon siya, nag-inat, naghikab.

Ang kanyang kuwarto: Maliit lang ito na kawayan ang sahig. Ang tulugan ay banig. May alambre na bumabaybay sa haba ng kuwarto na hangeran ng kanyang mga damit. Kadalasan sa kuwarto ng mga lalaking binata, may nakapaskil na litrato ng seksing babae na ginupit sa magasin, o kalendaryo ng halos hubong model ng alak. Pero, hindi si Manuel. Ang naka-display sa dingding ng kuwarto ay litrato ng mga isda, beach at bangka. At ito'y galing sa newspaper ads ng sigarilyo o ng energy drink.

Ito ang unang araw sa trabaho ni Manuel at siya'y tinatamad. Hindi siya sanay na gumising na may itinakdang oras. Kadalasan, babangon siya kung pakiramdam ng katawan niya'y ready na siyang bumangon. Maliban na lang kung may usapan sila ni Pitoy na maagang mangangawil. Pero, sa ibang kadahilanan, katawan pa rin niya'ng nasusunod. Tumilaok ang manok ni Sebyo, ang alarm clock ng bahay. Pilit na bumangon si Manuel. Tinatamad siya pero malaki ang sense of responsibility niya.

Matapos maligo, magbihis at mabilis na agahan ay nasa tapat na siya ng kubo at namamaalam kay Openg. Binigay ng kanyang ina ang baon niya na nasa plastic na supot. Sa loob, nakabalot sa dahon ng saging ay kanin at pritong isda.

"O hetong baon mo."

"Salamat po, 'Nay."

"At hetong dessert mo," dagdag si Openg.

Buko. Isang buong buko. Na hindi pa natatalukap. Kumunot noo ni Manuel. Hindi ang laki ng dessert ang concern niya, kundi:

"'Nay naman. Pano ko bibiyakin ito?" nakasimangot niyang tanong.

"Aba'y, construction 'yun. E 'di maghanap ka do'n!" sabi ng ina.

Napalingon sila nang dumating si Sebyo na galing sa kanyang kapatid. Pa-ekis-ekis na pumasok ito ng bakuran. Nang makita siya ni Openg ay nagdikit ang mga kilay nito.

"Tignan mo 'tong magaling mong ama! Aba't lasing pa!"bulyaw niya.

"Hang-over lang 'yan," sabi ni Manuel.

"Sebyo, mag-uumpisa na si Manuel sa trabaho niya sa bayan!"

Nang marinig ang pangalan at makita ang anak ay bigla na lamang nag-emote si Sebyo sa kanilang pagtataka.

"Manuel? Anak ko!"

Niyakap ni Sebyo si Manuel. Mahigpit. Parang koala sa puno. Gulat sina Manuel at Openg.

"Aba't, ano'ng..." pagkamot ng ulo ni Openg.

Habang nakapulupot si Sebyo kay Manuel:

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon