"Dito ka muna tumira ng panandalian pero tumulong ka sa mga gawain dito paminsan minsan nang hindi mahirapan 'yang binibini ko." Natatawang wika ng ina kaya naman nainis ang kanyang anak. "O siya, maglalako na ako ng mga kakanin. Riko, pakikuha nga ang lampara sa kusina natin at nang magkailaw dito." Utos niya at saka lumabas. Umalis na rin si Riko upang sundin ang bilin sa kanya.

Napahinto naman sa pagwawalis si Rizelkei at naiinis na tumingin kay Tapong. Napatawa naman ng bahagya ang binata at naghawi ng mga agiw sa kisame.

"Ikaw talaga! Muntikan na ako doon! Huwag na huwag mong sasabihin sa kanila na nagmula ka sa Taong 1458 dahil malabong mangyari iyon!"

Biglang napahinto sa paghawi si Tapong at tumingin sa kanya ng seryoso. "Nagkakamali ka binibini. Iyon talaga ang taon na aking pinagmulan at napunta ako rito sa hindi inaasahan."

Bumuntong hininga ang lalaki nang masabi iyon, kumunot naman ang noo ng dalaga. "Talaga? Kung doon ka nga nanggaling, paano at bakit ka napadpad dito?"

Sa puntong ito ay napatitig na si Tapong sa kanya, dahilan kung bakit hindi mapakali ang kanyang kalooban. Umihip ang bahagyang haplos ng hangin at natangay nito ang ilan sa mga hibla ng kanyang buhok.

"Napadpad ako dito upang tapusin ang kwentong hindi pa natatapos... at... at nais ng tadhana na matapos iyon sa makulay at napakagandang katapusan."

Sa hindi inaasahan ay kinilabutan ang dalaga. Nakaramdam siya ng isang damdamin na hindi niya maintindihan na konektado sa sinabi sa kanya ni Tapong.

"Ate! Manong! Heto na ang lampara."

Biglang nagliwanag ang paligid nang sumulpot sa kanilang gitna si Rico na may hawak na lamparang nakasindi. Nakangiti siya habang bitbit ito.

Napaiwas na lamang ng tingin si Rizelkei at nagpatuloy sa pagwawalis. Ganoon rin ang ginawa ni Tapong na ngayon ay ginugulo ni Riko.

Makalipas ang ilang sandali ay lumabas na siya upang gawin ang gawain niya tuwing magtatakip-silim. Nag-igib siya ng isang baldeng tubig at kumuha ng mga feeds sa sako upang ipakain sa mga alagang baboy.

Buhat buhat na niya ang isang balde ng tubig nang biglang may umagaw nito sa kanya.

"Ako na dito binibini, saan ko ba ito maaaring dalhin?" Nakangiti nitong turan na ikinagulat ng dalaga. Wala naman siyang nagawa kun'di ang ituro ang kulungan ng baboy.

Ngayon ay timba na lang na naglalaman ng feeds ang kanyang dala. Sabay nilang tinahak ang daan patungo sa kulungan.

"Ang ganda naman ng mga hayop na ito." Manghang wika ni Tapong, binalewala naman ito ni Rizelkei at inabot ang tabo na may lamang tubig.

"Paliguan mo sila, buhos buhosan mo lang ng tubig ang kanilang katawan." Utos nito sa lalaki. Mabilis naman siyang napatango at sinunod ang utos ng dalaga.

Samantala, ibinuhos lang ni Rizelkei ang mga feeds sa lagayan at nag-agawan na agad ang mga baboy. Siya namang buhos ni Tapong ng mga tubig sa mga katawan nito.

Habang pinapanood nilang kumakain ang mga baboy ay tahimik silang nagmamasid sa mga ito. Magsasalita na sana ang dalaga upang mabasag ang katahimikan nang biglang nagwika si Tapong.

"Ano ang maaari kong itawag sa'yo binibini?"

Napakibit balikat na lamang si Rizelkei. "Ikaw ang bahala, pero mas gusto ko ang binibini."

"Masusunod, binibini."

Biglang namula ang mga pisngi niya nang masambit iyon sa kanya. Napangiti pa siya ng bahagya dahil hindi na niya napigilan.

Napatingala sa kalangitan si Tapong at nakita ang mga bituing nagniningning na unting sumasalubong sa paglubog ng liwanag. Nagtataka namang napatingin sa kanya ang dalaga.

That Guy From 1458 (Completed)Where stories live. Discover now