Prologue

398 42 298
                                    

Prologue

"Paano ko babasahin ang aklat na 'to
Kung dito nakapaloob ang ating kwento?
Paano ko ipagpapatuloy hanggang huling kabanata,
Kung sa bawat pahina,
Ramdam ko ang sakit at pangungulila?"

Itinigil ko ang pagsusulat at muling nilamukos ang papel na sinulatan. Asar ko ring itinapon ang ballpen na hawak ko bago bumuntong-hininga.

     "Paano ba ako magsisimula?" Tanong ko sa sarili habang nakatingin sa librong nakapatong sa mesa. "Paano ba ako magsisimula? Hindi sa paggawa ng tula kung 'di sa paglimot sa mga alaala nating dalawa?"

     Kinuha ko ang libro na may kulay puting pabalat. Nakasulat rin sa pulang tinta ang mga pamagat hanggang sa dumako ang mga mata ko sa pangalan niya. "Sikat ka na ngayon. Natupad mo na ang pangarap mo sa pamamagitan ko." Mapaklang sabi ko habang hinahaplos ang pangalan niyang nakasulat bilang may akda.

     Niyakap ko ang manipis na aklat habang pinipigilan ang sarili kong umiyak, pero hindi ko magawa. Para bang may karera ang mga luha ko at nagsi-unahang kumawala. Pumikit ako nang mariin ngunit patuloy pa rin sila sa pagtakas mula sa mga mata ko.

     Kung sana ang mga alaala ay katulad lang ng luha, na kapag pinakawalan ay matutuyo lang at mawawala. Araw-araw kong iluluha ang mga alaalang 'to, pero hindi. Kahit anong iyak ang gawin ko, naroon pa rin ang sakit.

     Bigla akong napamulat nang marinig ko ang katok sa may pinto. "JL?" mahinang pagtawag ng boses ng isang babae. Makalipas ang ilang saglit, marahang bumukas ang pinto.

     Agad kong pinunasan ang mga luha bago tumayo. Humugot muna ako ng isang malalim na paghinga bago hinarap ang taong pumasok sa kwarto ko.

     Yakap-yakap ko pa rin ang libro habang nanginginig ang labi dahil sa pilit na pag-ngiti. "Frappe, ikaw pala."

     "Anong nangyari rito sa loob ng kwarto mo?" Tanong niya habang inaayos ang pagkakaupo ng natumbang human size teddy bear sa paanan niya, "masyadong makalat."

     Matagal din ang ginawa niyang pagtitig sa kama kong kaharap niya lang. Napalingon din ako rito nang makita ang pagngiwi niya. Hindi ko pa nga pala naaayos ang mga kumot at unan ko simula nang bumangon ako kanina.

     "Sinubukan ko kasing magsulat agad nang magising ako. Nakalimutan kong magligpit, kaya ayan," palusot ko. Sa totoo niyan ay tinatamad talaga akong gumalaw. Ang gusto ko lang gawin ay sumalampak sa kama at magmukmok buong maghapon.

     "Sa susunod na linggo na 'yong Poetry Battle, hindi ka pa rin ba nakapagsusulat ng piyesa mo?" Ngayon ay nakatingin na siya sa kulay dilaw na basurahan sa ilalim ng mesa ko, na punung-puno ng nilamukos na papel.

     Magkatabi lang ang mesa at kama ko kaya malabong hindi niya mapansin ang mga nagkalat na papel. At isa pa masyadong maliit ang kwarto ko para sa singkit pero matalas na mga mata ni Frappe.

     Umiling lang ako bilang sagot. Hindi ko na alam kung kaya ko pang magsulat. Hindi ko alam kung paano itutugma ang nararamdaman ko sa piyesang isusulat ko dahil maging ako ay gulong-gulo.

     Paano ako makapagsusulat kung puno ng katanungan ang isip ko? Paano ako makapagsusulat kung hindi ko alam kung ano bang dapat na maramdaman ko?

      Nasasaktan ako pero hindi ko siya kayang sumbatan. Gusto kong magalit pero pakiramdam ko ay wala akong karapatan.

     "Ilang linggo ka ng ganyan, nami-miss ka na ng mga customer natin!" Nakasimangot na sabi niya at bahagyang pinadyak ang kaliwang paa. Yumuko lang ako at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap sa libro. "Ano ba kasing problema? I'm your bestfriend, JL. Pwede mo akong sandalan."

     Mas lalong kumirot ang dibdib ko dahil sa sinabi ni Frappe. Kung alam niya lang kung gaano ko gustong ibuhos sa kanya lahat ng sakit na nararamdaman ko. Pero kasi, baka hindi niya ako maintindihan.

     "Wala. Wala namang problema." Pagak ang boses ko habang hindi makatingin ng diretso sa kanya. Alam kong hindi siya naniniwala dahil hindi naman talaga convincing ang sagot ko.

     "Fine, if you're ready to tell what's really bothering you just call me. I'm always here to listen." Humakbang siya palapit sa'kin. Ipinatong niya ang kanang kamay sa kaliwang balikat ko at bahagyang pinisil ito.

     "I know, thanks for being there. Kailangan ko lang talagang mapag-isa." Tugon ko saka binigyan siya ng pilit na ngiti. Bumuntong hininga lang siya at may kung anong kinalikot sa loob ng bag niya.

     "Here, I hope this will make you happy." Inabot niya sa'kin ang makukulay na sticky notes. Alam na alam niya talaga kung paano pagagaanin ang loob ko.

     "I'm really blessed to have you." Nakalimutan kong yakap ko pala ang libro kaya nalaglag ko ito nang akmang yayakapin ko siya.

     Biglang namilog ang singkit na mga mata niya nang makita ang librong nahulog. "Oh my gosh, JL! Tapos mo na bang basahin 'yan? Pwede ko bang mahiram?"

     "Hindi pa," sabi ko habang pinupulot ang libro. "Hindi ko pa nasisimulan."

     "Sayang, hihiramin ko sana muna. Ilang book stores na ang napupuntahan ko pero palagi akong nauubusan. Alam mo bang trending 'yan ngayon?" Bakas sa boses niya kung gaano niya kagustong mabasa ang librong hawak ko.

     "You can have it." Kinuha ko ang kamay niya at ipinatong ang libro roon. "Binigay lang naman 'to sa'kin, wala naman akong planong basahin."

     At bakit ko naman babasahin ang kwentong alam ko na? Bukod sa nakakasakit na, nakakatanga pa. Nararamdaman ko na naman ang muling pang-iinit ng mga mata ko. Frappe should go now.

     "Seryoso?" Paninigurado niya na tinanguan ko lang bilang tugon. "Okay, ako na lang ang magbabasa! Tapos iku-kuwento ko na lang sayo kapag kabisado ko na!" Halos mapunit na ang labi niya sa sobrang pag-ngiti, hindi na rin maalis ang kanyang tingin sa librong hawak. Good thing, hindi niya mahahalata ang pamumula ng mga mata ko.

     "Hindi na. Sige, alis na, kailangan ka na sa cafe." Inikot ko siya paharap sa pinto at binigyan ang sarili ko ng pagkakataon para punasan ang namumuong luha sa mga mata ko.

     "Basta, iku-kuwento ko pa rin sa'yo. Malay mo, makabuo ka ng piyesa dahil dito!"

     "Hindi na nga!" muling pagtutol ko. Nasa likuran niya ako at nakahawak ang mga kamay ko sa magkabilang balikat niya. Marahan ko siyang tinutulak palabas ng kwarto mabuti na lang at hindi na siya umangal pa.

     Nang makalabas na siya ay agad kong sinarado ang pinto at mahigpit na humawak sa door knob.

     "Hindi na kailangan dahil kwento naming dalawa 'yan."

•••

Behind The Pages
Written by: PinkShadow97
Copyright ⓒ 2018

Credits to cutesasa
For the book cover.

ALL RIGHTS RESERVED. No part of this story may be reproduced or transmitted in any form or by means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by any form of storage or retrieval system without the written permission of the author, except where permitted by law.

Behind The PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon