take nineteen

54.5K 469 61
                                    

Graduation. Wala na atang mas sasarap pa kung ang mga nakasama mo sa apat na taong paghihirap ay siya ring mga taong makakasama mo sa pinaka-importanteng araw ng buhay mo na 'to. Bukod sa sila na nga ang nakasama mo sa walang kamatayang pagpupuyat at pasegway-segway na inuman, sila rin ang nakakaintindi ng mga paghihirap mo.

Andy'an rin ang mga araw na halos gawin mo nang dooms day dahil sa mga page-emote mo. Unang heartbreak, unang halik at kahit nga yung unang 'ano' eh naikwento pa ni Paolo. Siya na, wala na talagang iba.

Barkada. Sila na ata ang pinakamagandang regalo na binigay ng Diyos sa'yo. Hindi dahil gusto mo lang magdrama pero dahil kahit ano mang mangyari sa'yo, sila ang kadamay mo. At no choice ka du'n dahil sila ang pinili mong kasa-kasama sa takbo ng buhay-kolehiyo mo.

At sa espesyal na araw na ito, masaya akong kasama ko ang mga kolokoy na 'to. Akalain niyong sabay-sabay pala kaming gra-graduate? Si Tall Nut, muntikan nang hindi makagraduate dahil binagsak nung gurang na propesor sa PE. Buti sana kung major eh, minor na feeling major lang naman ang subject na 'yun. Eto namang si Jan, bopols na kung bopols, hindi pa pala kinumpleto ang incomplete niyang grado kay Mister Albarado, 'yun tuloy, barado rin ang ideya kung makakagraduate siya o hindi. Buti na lang at nadaan sa isang inuman session si Sir Albarado at binigyan pa siya ng pagkakataong makumpleto ang grado niyang kulang-kulang. At ito namang playboy kong kaibigan na Psychology major, aba't ayaw pang pagraduate-in ng magaling na Dean dahil crush na crush siya nito. Si Paolo talaga, kahit Dean na nga, na halos malapit na sa retiring stage eh naaakit pa. At ako naman, muntikan ko nang hindi maipasa ang fifty pages reflection paper na pinasulat ni Lolo Tasyo dahil pre-occuppied ako sa mga bagay na nangyayari sa'tin, Juniper.

Akalain niyong eto kami ngayon, ngiting-ngiti habang nagmamartsa papuntang stage, suot-suot ang itim na toga, simbolo na magpapaalam na kami sa eskwelahang naging saksi ng mga kabulabugan namin sa buhay. Siyempre, ga-graduate ka rin. Nakakatuwa lang isipin, parang kailan lang, nasa loob pa tayo ng mga classroom, nagkokopyahan ng assignment, gumagawa ng kodigo/guide para may maisagot sa accounting. May mga group study na nauuwi sa inuman session. Pati na rin ang mga kalokohang praktis pero iba naman pala ang agenda. Andu'n rin 'yung hiraman ng papel, agawan ng notes at sino bang makakalimot sa paminsan-minsang pangnanakaw ng testpaper ng mga hacker nating kaibigan para lang makita kung ano ang i-eexam para sa finals.

Nakakatuwa. Madumi. Magulo. Maaaring maraming magsasabing wala tayong karapatang tumuntong sa stage na 'to pero kahit gano'n, wala namang magkakaila na kahit puro kalokohan lang ang alam natin noon, napakarami namang bagay ang natutuhan natin ngayon.

"TOL, ETO NA 'TO, 'DI KO NA KAILANGANG GUMAWA NG RESEARCH AT THESIS!" sigaw ni Tall Nut na tuwang-tuwa nang mahawakan ang diploma kuno na hindi naman talaga diploma, proxy lang kumbaga dahil hindi pa naman talaga napapa-imprinta ang totoong diploma dahil busy daw ang mga printing press kaya next time na lang daw ang diploma. Nginitian ko na lang siya at binatukan.

"Wag kang maingay, ang daming tao oh," sambit ko pero hindi nagpatinag ang mokong, proud na proud na ibinalandra ang papel na inikot.

"Oo nga naman Tall Nut, wag ka maingay," seryosong sagot ni Paolo. Matawa-tawa naman ako sa itsura niya, parang may ayaw makita.

"Problema mo, Paolo? Bakit namumutla ka?" tanong naman ni Jan na ngayon ay hinubad na ang toga, excited masyadong ipakita ang magandang coat at sleeves na binili sa kanya ng bombay niyang Ama.

"A-Ano ba kayo? Sinong namumutla? Ha-ha, hindi ako namumutla ah," katwiran naman ni Paolo. Sabay-sabay kaming nagtinginan ng barkada at umiling.

"Lokohin mo na lahat, wag lang kami," panguna ni Tall Nut na ngayon ay naka-cross arms na.

KuyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon