"Eh, ikaw naman ay mukhang may sinasabi na rin sa buhay. Nakita kita kaninang bumaba sa bagong kotse. Bago pa iyon kasi walang plaka, di ba?"

Lalong napaismid si Matilda. Matalas talaga ang mata ng matanda.

"Baka kayong dalawa talaga, kasi binata pa rin iyon! Naku, kung noon ay alangan kayo, ngayon ay palagay ko'y bagay na bagay na kayong dalawa ni Leandro. Palagay ko'y wala nang masasabi ang mga taong nanghuhusga sa iyo noon na pera lang ng mga Advento ang habol mo."

Kung kanina ay pag-ismid lang ang ginagawa niya, ngayon ay hindi na niya napigilan ang pagsimangot.

"Ano kaya ang gagawin ni Leandro kapag nalamang narito ka? Malamang puntahan ka na naman noon. Dati, madalas siyang tumambay sa tindahan n'yo. Kaya ka nga napagmura ng tiyahin mo kasi inuuna mo pa ang kalandian. Maghapong halos magkasama kayo lagi noong kabataan n'yo, di ba? Nagkikita pa kayo sa kubo ni Imo."

Wala pa ring patumanggang salita ng matanda, waring hindi napapansin ang pag-asim ng kanyang mukha. At kung hindi ito makuha sa simpleng tingin at pagsimangot, didiretsahin na niya ito. Sabihin mang dapat gumalang sa matatanda, pero kapag ganitong klaseng matanda naman ang kaharap mo, nawawalan ka talaga ng respeto.

"Hindi pa ho kami nagkikita. Hayaan n'yo po, Aling Precing, kapag nagkasalubong kami'y sasadyain ko kayo sa tindahan at ipapaalam ko po kaagad sa inyo ang development, para mayroon din po kayong maibalita sa iba. O, para po mas maganda, kapag nagkasalubong kami'y sasabihin ko pong sa tindahan n'yo na kami magkita, hindi na sa kubo, para mas siguradong updated kayo sa balita."

Natigagal ang matanda at wari'y napahiya, "Siya, sige, ako'y may bibilhin pa rin," anito na tumalikod bigla.

Napailing si Matilda, itinuloy ang paglalakad sa palengke. Ang lakas din naman ng loob nitong sabihin na wala ng masasabi ang nanghusga sa kanya noon, samantalang ito ang numero-unong nanghusga at nagbalita sa iba nang nangyari sa kanya at kay Leandro noon. At ito rin ang pasimuno na pera lang ang habol niya sa mga Advento.

Bumuntong-hininga na lang si Matilda. Pero bumagal ang hakbang niya ng mapatapat siya sa hilera ng mga fruit stalls.

"Maty, anong order mo? Nakapaglista ka na ba?" ani Helen, ang tauhan sa katabing fruit stall at naging matalik na kaibigan niya. Tuwing hapon ay naglilista siya ng order ng prutas at nakikisabay sila sa pagbili ng ibang fruit delears sa Divisoria, doon sila naangkat ng mga imported na prutas na siyang itinitinda niya.

Mula nang makagraduate sa high school ay siya na ang pinatao ng Tiya Conching niya sa palengke. Bilang kabayaran daw sa pag-papaaral nito sa kanya ng high school, siya na ang nagtitinda sa fruit stall ng mga ito, na para bang sagot ng mga ito ang buong gastos sa pag-aaral niya. Scholar siya ng munisipyo kaya may nakukuha siyang allowance. Pero dahil nakikitira siya, wala naman siyang magawa.

Hindi na siya pinagkolehiyo ng tiyahin. Ayon dito'y hindi kakayanin dahil nag-aaral din ang dalawang anak nito, si Berna at si Silvia. Sa tatlong anak ng tiyahin, si Kuya Richard lang ang tanging mabait sa kanya. Ang dalawa ay parang kasambahay ang trato sa kanya.

"Oo, nakapagpaktura na ako ng order. Makikisabay na lang pagbibigay at pagbabayad mo. Hindi ako makakaalis dito sa pwesto ko."

Napailing ang kaibigan niya, "Ewan ko ba d'yan sa tiyahin mo. Dati, noong siya ang nakatao d'yan, may assistant siya. Ngayon ikaw na lahat. Mula pagbubukas sa umaga, hanggang sa pagsasara sa gabi."

"Hayaan mo na. Nakikitira ako sa kanila."

"O, eh sa laki ng hirap mo sa tindahan na 'yan, pati sa bahay nila, bayad na bayad ka na sa pagkain at trabaho mo. Ilang taon mo na bang ginagawa 'yan? Mula pagkagraduate mo ng high school, hanggang ngayong nineteen ka na. Dapat nga, may sweldo ka pa d'yan, eh."

My Trending Affair (R-18 / PUBLISHED @ Ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon