Chapter 40

3.2K 63 0
                                    

HINDI pa niya 'ko napapatawad.

Iyon ang napansin ni Odie habang pinagmamasdan si Tazmania na kanina pa siya hindi pinupukol ng masamang tingin mula nang dalhin siya nito sa bahay ni Monique. Apparently, he had been on his way to Moria's birthday party when he almost ran over her.

Pagdating sa bahay ni Monique, nagulat ang lahat nang makitang magkasama sila ni Tazmania, pero duda niya ay mas nagulat ang lahat nang hinawakan siya ni Tazmania sa siko at marahang itulak palapit kay Monique at inutusan ang best friend niyang gamutin siya.

Dahil daw tinangka na namang magpakamatay ni Odie.

Mukhang hinusgahan na siya ni Tazmania bilang suicidal girl pa rin. At dahil sa lintik nitong offhanded comment, kanina pa masama ang tingin kay Odie ni Garfield habang ginagamot ni Monique ang mga gasgas sa mga kamay niya. Kasalukuyan sila noong nasa kusina, habang ang mga bisita naman ay nasa garden sa labas.

Tuloy naman ang birthday party sa labas, habang si Snoopy at ang ibang mga bisita na mga kaibigan din nila gaya nina Stone, Kisa, Oreo at Snap. Ang mga ito ang nagbabantay sa mga bata at nagsisilbing emcee ng party.

"Totoo bang tinangka mo na namang magpakamatay?" tila hindi na nakatiis na tanong ni Garfield habang masama pa rin ang tingin kay Odie.

Bumuga ng hangin si Odie. "Garfield, hindi. Hindi ko sinubukang magpakamatay. Kasama ko si Jerry kaya bakit ko gagawin 'yon?" Inis na binalingan niya si Tazmania na nakasandal lang sa kitchen counter habang nakahalukipkip at malamig ang tinging ibinibigay sa kanya. "Aksidente ang nangyari. Saan mo ba naman kasi nakuha 'yang kongklusyon mong magpapakamatay ako, ha?"

"Pasensiya ka na, ha? Ilang beses mo na kasing tinangkang magpakamatay at tuwing gagawin mo 'yon, ako ang napapahamak. Kaya sorry kung inisip kong iyon ang balak mo nang bigla ka na lang sumulpot sa harap ko kanina," sarkastikong sagot ni Tazmania.

"Taz," saway ni Monique sa binata. "Nasaktan na nga si Odie, ganyan ka pa."

"Bakit? Nasaktan din naman ako, ah," iritadong katwiran ni Tazmania, saka itinuro ang namumulang noo. "Tumama itong noo ko sa manibela sa sobrang lakas ng pagpreno ko."

Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Monique. "Sandali, Odie. Nalinis ko na ang mga gasgas mo kaya hindi na 'yan maiimpeksiyon." Pagkatapos ay tumayo ito at ininspeksiyon ang noo ni Tazmania. Then, she gently touched his forehead. "Oo nga. May bukol ka. Sandali lang, ikukuha kita ng cold compress."

Pinanood lang ni Odie si Monique na maglagay ng ice cubes sa cold compress, pagkatapos ay muling bumalik sa tabi ni Tazmania. Marahang idinampi-dampi ni Monique ang cold compress sa noo ni Tazmania.

"That hurts," parang batang reklamo ni Tazmania.

"Tiisin mo lang," malambing na sabi ni Monique, na marahan pang pinisil ang braso ng binata. "Saka palamigin mo nga 'yang ulo mo. Birthday ni Moria ngayon."

Bumuntong-hininga si Tazmania, pero kumalma na ang mukha nito. "Okay. I'm sorry."

Nakaramdam ng pagkailang si Odie. Pakiramdam niya ay napakapribado at intimate nina Monique at Tazmania sa isa't isa nang mga sandaling iyon. Na para bang wala siya dapat doon dahil nakakaistorbo lang siya sa dalawa. Higit sa lahat, hindi niya alam kung saan nanggagaling ang tila paghila pababa sa puso niya.

Walang nabanggit si Monique na naging ganoon kalapit na pala ito kay Tazmania. Hindi niya kailangang manghula para malamang may namumuo ng magandang pagtitinginan sa pagitan ng best friend niya at ni Tazmania.

Mabuti na lang at lumapit kay Odie si Garfield kaya nawala kina Monique at Tazmania ang atensiyon niya. "What happened, sis?"

Pilit pinagmukhang kalmado ni Odie ang mukha. "Na-snatch 'yong bag ko. Sinubukan kong habulin 'yong snatcher, pero 'ayun nga, muntik na 'kong mabangga ni Tazmania."

Bumuga ng hangin si Garfield, at inispeksiyon ang mga kamay niya. "Sana sinabi mo agad na 'yan ang nangyari."

"Paano ko gagawin 'yon, eh, pinagalitan n'yo na 'kong lahat dahil naniwala kayong lahat na magpapakamatay na naman ako," sumbat ni Odie, hindi mapigilang magdamdam dahil hanggang ngayon, alagain pa rin pala ang tingin sa kanya ng mga tao sa kanyang paligid.

Hindi naman masisisi ni Odie ang mga kaibigan. Dalawang taon na ang nakararaan, wala siyang ibang ginawa kundi subukang magpakamatay sa pinakawalang-kuwentang paraan na magmumukhang aksidente. Aaminin din niyang napakatagal niyang nawala sa sarili dahil sa labis na pagdadalamhati sa pagkawala ni Pluto.

Pero nagbago siya. Natutuhan niyang buuin ang mundo niya. Minahal uli niya ang kanyang buhay. Inayos niya ang sarili.

Dahil sa iisang tao.

"Wala na 'kong balak magpakamatay," halos pabulong na dagdag ni Odie. "I'm living my life well, like I promised someone."

Naramdaman ni Odie na napatingin sa kanya si Tazmania, kaya lakas-loob niyang nilingon ang binata. Pero wala rin iyong saysay dahil walang emosyon sa mukha nito. She couldn't read any clues from his empty eyes. Wala na ang dating init at pagmamahal sa paraan ng pagtingin nito sa kanya. Ang natira na lang ay panlalamig, na para bang napipilitan na lang itong tapunan siya ng tingin bilang pakikisama.

Gusto sana niyang magtampo, pero alam niyang wala siyang karapatang maramdaman iyon. Siya ang tumakas, siya ang tumakbo, siya ang lumayo. Tanga siya para isiping sasalubungin siya ni Tazmania ng mainit na yakap pagkatapos ng ginawa niyang pang-iiwan dito, nang hindi ito binibigyan ng paliwanag.

O paglilinaw kung ano nga ba ang namagitan sa kanila noon.

Dahil hanggang ngayon naman, hindi pa rin siya sigurado.

I'm sorry, Tazmania. Alam kong nasaktan kita noon. Sana mapatawad mo na 'ko.

Kung paano patatawarin si Odie ni Tazmania, iyon ang hindi niya alam. Ang sigurado lang siya, mahihirapan siyang gawin iyon dahil nakikita naman niyang nagtayo ng malaking pader sa pagitan nila ang binata.

"Dada!"

Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Odie nang marinig ang matinis at cute na boses ng batang babaeng tumatakbo papunta kay Tazmania. The little girl looked adorable in her princess gown, which matched her very beautiful face. Mestiza ang bata, at parang maliit na version ni Monique.

"Hi, baby," nakangiting bati ni Tazmania sa bata, saka binuhat at niyakap. "Bakit tumatakbo ang baby?"

"Ang bilis tumakbo ng batang 'yan," natatawang reklamo ni Kisa na siyang humahabol kay Moria kanina. "Nang sabihin kong nandito ka na, tumakbo agad 'yan."

Umaliwalas ang mukha ni Tazmania, saka nakangiting binalingan ang bata. "Is that true, baby?"

Bumungisngis si Moria, saka niyakap si Tazmania sa leeg. "Dada! 'Miss you!"

Natawa si Tazmania—tawang punong-puno ng buhay. "I missed you, too, sweetheart. Happy birthday!"

"Doll! Doll!" ungot ni Moria kay Tazmania.

Napailing naman si Monique habang ngingiti-ngiti. "Tingnan mo 'tong batang 'to. Hiningan agad ng regalo ang Tito Taz niya."

"It's okay, Mon," nakangiting sabi ni Tazmania, saka binalingan si Monique. "Nasa kotse ang regalo ko para kay Moria. Let's get it together."

Biglang nagkaroon ng katahimikan at pagkailang sa buong kusina nang lumingon si Monique kay Odie na parang humihingi ng permiso.

Habang si Odie naman, napatitig na lang kina Tazmania, Monique at Moria. They looked like a perfect, happy family. Noon niya naramdaman ang bigat ng dalawang taong nakapagitan sa kanya at sa mga tao sa paligid niya.

Bakit nga ba umasa siyang walang magbabago sa pagbalik niya?

"It's okay," narinig ni Odie ang sariling nagsasalita. "I'm okay."

gn:midN@H;

Dumb Ways To Love COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon