Chapter 26

3.2K 71 0
                                    

NANG dumating si Tazmania sa unit niya, naabutan niya si Odie sa kusina na naghuhugas ng mga feeding bottle ng kambal. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang balot na balot ito sa suot na pajama na may print ng iba't ibang klase ng tuta. Her hair was done up in a messy bun, but she still looked amazing.

"Hey," bati ni Tazmania kay Odie.

Nilingon siya ni Odie at nginitian. "Hey. Late na, ha? Babae kasama mo, 'no?"

Tumabingi ang ngiti ni Tazmania. "Uhm..."

Natawa si Odie, saka iwinasiwas ang kamay. "Ano ka ba? Hindi mo kailangang magpaliwanag. Nagbibiro lang naman ako."

Nakahinga nang maluwag si Tazmania. Isinusumpa na talaga niya ang reputasyon niya bilang babaero. "Ako na diyan. Magpahinga ka na. Madaling-araw na, naghuhugas ka pa."

"Salamat sa alok, pero hindi na. Tapos naman na 'ko. Naubos na kasi 'yong mga bote ng kambal sa lakas nilang dumede, kaya hinugasan ko na. Sigurado kasing maghahanap 'yan ng gatas mamaya."

"Napansin ko ngang ang lakas nilang dumede," natatawang sang-ayon ni Tazmania. Siya na ang nagbuhat ng basket na naglalaman ng mga hugas na bote, at sinamahan si Odie sa pagbalik sa kuwarto. Inilapag niya ang basket sa night table.

Mahimbing ang tulog nina Tom at Jerry sa kama. Nakapagitna ang kambal sa dalawang malaking unan. Napangiti si Tazmania nang makitang magkayakap ang magkapatid.

"They look cute," komento ni Tazmania, saka umupo sa sofa sa gilid ng bintana. Tinapik niya ang espasyo sa tabi niya. "Sit here."

Tumalima si Odie. Pagkatapos ay humalukipkip ito at ngumiti habang iiling-iling. "Cute lang silang tingnan kasi tulog sila. Pero kapag gising sila at nagkukulitan, naku. Ang sakit sa katawan. Lalo't pareho silang boys."

Nakonsiyensiya naman si Tazmania. Dahil sa pag-iwas niya kay Odie, lumabas siya para magliwaliw. Naiwan tuloy sa dalaga ang lahat ng responsibilidad sa kambal. "Pasensiya ka na, Odie. Hindi kita natulungan sa pag-aalaga sa kambal ngayon."

Pabirong binunggo siya ni Odie sa balikat. "Wala 'yon, 'no. Ang laking tulong mo na kaya sa amin. Kung tutuusin nga, hindi mo naman ako kailangang tulungan sa pag-aalaga sa mga pamangkin ko."

"Pero gusto ko," katwiran ni Tazmania. Binigyan siya ng nagtatakang tingin ni Odie, kaya nagpaliwanag agad siya. "Ang ibig kong sabihin, napalapit na rin naman ang kambal sa 'kin."

Ngumiti nang pilya si Odie. "Aha! Mukhang gusto mo nang magkaroon ng sariling pamilya, ha?"

Dumekuwatro si Tazmania, isinampay ang isang braso sa likod ng sofa. Hindi niya mapigilang mapangiti dahil ang babaeng gusto niyang makasamang bumuo ng pamilya pa ang nagtatanong sa kanya ngayon kung gusto na ba niyang magkapamilya. "Bakit hindi? Nasa tamang edad na 'ko. Financially stable naman ako. Saka pagkatapos kong makilala sina Tom at Jerry, naisip kong hindi naman pala gano'n kasamang magising sa malakas na iyak ng bata."

Bumuntong-hininga si Odie. "Hindi madaling maging magulang. Nakita ko sina Garfield at Snoopy na nahirapan noong kapapanganak lang sa kambal. But they learned along the way. And now, masasabi kong mabuting magulang sila. Ngayong araw nga, nakabeinte mahigit na tawag sa 'kin sina Snoopy para kumustahin ang kambal."

"Hindi naman mahirap mahalin ang kambal. Kahit siguro ako ang magulang nila, hindi ako mapapakali kapag nawala sila sa tabi ko nang matagal."

Naging malayo na naman ang tingin ni Odie. "Halos lahat ng mga kaibigan ko, may mga anak na. Ang mature na nilang mag-isip. Siguro nakuha nila 'yon sa pagiging magulang nila. Gusto ko ring maranasang tawaging 'Mommy.'"

"Handa ka na ba?" maingat na tanong ni Tazmania. Alam naman niya na ang katumbas ng tanong niya ay ang tanong na kung handa na ba si Odie na magmahal uli. Sa totoo lang, parang nasa lalamunan niya ang kanyang puso habang hinihintay ang sagot ng dalaga.

"Hindi pa 'ko handa. Kahit may technology na para magbuntis ang isang babae na walang asawa, hindi ko pa rin siguro kaya ang gano'n kabigat na responsibilidad."

Inaasahan na ni Tazmania na hindi pa handa si Odie na magkaroon ng pamilya, o bigyan ng pangalawang pagkakataon ang sarili na tumanggap ng bagong lalaki sa buhay nito. Pero nalungkot pa rin siya sa sagot nito.

Sa tono kasi ng pananalita ni Odie, para bang isang malayong ideya na lang para dito ang magkaroon ng pamilya. Na para bang suntok sa buwan ang umasa si Tazmania na may hinihintay siyang pagkakataon.

Nilingon si Tazmania ni Odie, puno ng kuryosidad ang mga mata. "Ikaw, Tazmania? Gusto mo na bang magkapamilya?"

Ngumisi si Tazmania, saka umiling. Kahit paano, nagagawa pa rin niyang pagtakpan ang sakit dahil nang sandaling aminin niya sa sarili na mahal niya si Odie, tinanggap na niyang hindi magiging madali ang laban. "Kahit gusto ko na, hindi pa rin puwede."

"Bakit naman?"

"Hindi pa raw kasi handa 'yong babaeng gusto kong maging mommy ng mga magiging anak ko," seryosong sagot niya, na itinago niya sa pagtawa. Pagkatapos ay tumayo siya at nag-inat para iwasan ang tingin ni Odie. Ayaw niyang malaman kung may nahalata ba ito o wala sa sinabi niya. "Matulog ka na, Odie. Goodnight."

yK;U;

Dumb Ways To Love COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon