Part 4

13.2K 417 4
                                    

"AYUSIN mo iyan ha. Kapag may nakapansin niyan ikaw ang ituturo kong may kasalanan."

"Oo na!" iritableng asik ni Darlyn kay Eman na prenteng prenteng nakaupo sa sofa habang nilalagyan niya ng concealer ang mga kamay nito.

Ang aga nitong nagpunta sa bahay at ito pa ang kumatok ng kuwarto niya para gisingin siya. Ang aga-aga tuloy niyang nainis. Hindi lang dahil inistorbo nito ang tulog niya kung hindi dahil habang mukha siyang bruha ay pormang porma na ito at ang bango-bango pa. Samantalang siya ay naka-over sized t-shirt at pajamas. Ni hindi pa siya naghihilamos at nagto-tooth brush. Baka may muta pa siya at mabaho ang hininga.

Nang sabihin niya rito iyon ay tumawa lang ito at sinabing "Sanay naman na akong nakikita kang ganyan mula pa noong bata pa tayo kaya huwag ka ng mahiya."

At dahil nainis siya ay talagang hindi nga siya nagayos. Ni hindi rin siya nagsuklay at nagmumog. Bahala itong masuffocate sa hininga niya.

"Bilisan mo naman ng kaunti Darlyn malelate ako sa shoot kapag hindi mo binilisan," sabi nitong parang hari pa kung umasta.

"Hindi lang ikaw ang malelate pati ako kaya manahimik ka diyan," sagot na lamang niya at kinuha ang kanang kamay nito. Iyon naman ang nilagyan niya ng concealer.

"Bakit saan ka ba pupunta?" tanong nitong bahagya pang yumuko sa kanya. Naramdaman niya ang buhok nito sa pisngi niya. Awtomatikong suminghot ang ilong niya. Ang bango kasi ng buhok nito. "Huy may tinatanong ako sa iyo darling," sabi nitong bahagya pang iniumpog ang katawan sa kanya.

"Saan pa e di sa photoshoot ng Bench," sagot niya at binilisan na lamang ang ginagawa. Inignora niya ang nakakaasar na tawag nito sa kanya. She didn't even dare to look up. Bigla kasi siyang kinabahan na hindi niya alam kung bakit.

"Talaga?" sabi nitong hindi itinago ang excitement. Malamang na may iniisip na naman itong kalokohan na kaiinisan niya.

"Oo! At hindi pa ako naliligo. Dapat pa naman mas mauna ako roon kaysa sa mga modelo. Kasalanan mo talaga ito Pelayo!" asik niya rito.

"Di huwag ka ng maligo. Magbihis ka na lang para mabilis."

Noon niya ito tiningala. Nakangiti ito habang nakatingin sa kanya. "Are you crazy? I would not do that. Ayokong umalis ng bahay ng mabaho," angil niya rito.

"Hindi ka naman mabaho ah," sabi nito. Bago pa siya makasagot ay inilapit na nito ang mukha sa bandang leeg niya at may tunog siyang sininghot-singhot. Hindi siya nakagalaw at bahagyang nanlaki ang mga mata nang maramdaman niya ang hininga nito sa leeg niya. "Ang bango mo pa nga," dugtong pa nito.

"A-ano ka ba?! Lumayo ka nga!" aniyang tinulak ito palayo. Pinagalitan niya ang sarili dahil biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Shit anong nangyari? Windang na tanong niya sa sarili. Bigla siyang nalito.

Pumalatak ito. "Mahiyain ka pa rin hanggang ngayon darling," nakangising sabi nito.

"T-tumigil ka!" Tumayo na siya. "Tapos na iyan. Umalis ka na at maliligo pa ako," sabi niya at lumakad paakyat uli sa hagdan.

"Gusto mo ba tulungan na kita?" pilyong tanong nito.

Pinanlakihan niya ito ng mga mata. Tumawa lang ito.

"Eman, ang aga mong inaasar si Darlyn," sabi ni mama Alicia na lumabas ng kusina.

"Oo nga mama," sabi niya.

Tumawa si Eman. "Sumbungera."

"Eman," saway muli ng mama nito. "Sige na hija mag ayos ka na. At ikaw Emmanuel, mag-almusal ka muna nandito ka na rin lang sa bahay."

"Sure mama." Pagkuwa'y tumingin ito sa kanya. "Bilisan mo na. Sabay na tayong magpunta sa venue para hindi ka na mamamasahe."

"Oo na," sabi na lamang niya at dumeretso sa silid niya. Saglit siyang nanatiling nakasandal sa pinto. Pagkuwa'y hindi siya nakatiis. Inamoy niya ang sarili niya. Napangiwi siya. Hindi naman siya mabango. Ano ba namang klaseng pang amoy mayroon ang lalaking iyon?

NAPANGIWI si Darlyn nang pagdating nila sa venue ay marami ng tao. Tuloy ay maraming pares ng mga mata ang nakatingin sa kanila ni Eman ngayon. Iyon pa naman ang iniiwasan niyang mangyari. Asar na tiningnan niya si Eman na nakangiti na at kumakaway kaway na sa mga tao.

Nang yukuin siya nito ay bahagya itong umatras. "O hindi ko kasalanan kung traffic ha."

Himbis na sumagot ay tumalikod na lamang siya at lumapit kay Tere na isa ring stylist at makakasama niya sa trabahong iyon. Inilapag niya ang medium sized na maleta niyang naglalaman ng mga gamit niya at umupo sa tabi nito.

"Buti na lang hindi pa nagsisimula," aniyang napabuga ng hangin.

"Uy, ang swerte mo naman. Saan mo nakasabay si Eman ha?" tanong sa kanya ni Tere na nakabungisngis.

"Sa... labas lang," sabi na lamang niya. Kaunti lang ang nakakaalam sa relasyong mayroon siya sa pamilya ni Eman. Ang mga taga-Timeless lang, mga nagtatrabaho sa Celebrity Trend at si Coffee, dahil wala naman yata talagang naitatago sa babaeng iyon. Hindi naman sa ikinahihiya niya iyon. Wala lang siyang makitang dahilan para sabihin pa ang bagay na iyon sa kung kani-kanino.

Inignora na lamang niya ang lahat ng papuri nito kay Eman at inayos ang mga gamit niya. Maya-maya pa ay tinawag na sila upang simulang ayusan ang mga modelo. Napangiti siya nang makita ang modelong si Tiffany Del Valle na nakaupo sa isang sulok. Kapansin pansin ang maaliwalas na bukas ng mukha nito. Samantalang noon ay parang laging may pader na nakaharang dito at sa ibang tao. Ngayon ay nagniningning ang mga mata nito.

Nang makalapit siya rito ay ngumiti pa ito. Gumanti siya ng ngiti. "Hi Miss Tiffany," bati niya rito.

"Hello Darlyn. Ikaw na uli ang bahala sa akin," sagot nito.

Inaayos na niya ang buhok nito ng bigla siya nitong tawagin."Darlyn, can I ask a favor?"

Bahagya siyang nagpunta sa harapan nito. Gusto niyang siguruhin kung tama ang narinig niya – na humihingi ito ng pabor. "Basta ba kaya ko bakit hindi," nakangiting sabi niya nang makitang may tila nahihiyang ngiti sa mukha nito.

"You see... I am getting married," umpisa nito.

Napamaang siya rito pagkuwa'y malawak na napangiti. "Wow, congratulations Miss Tiffany!" masayang bati niya rito. kahit na hindi siya makapaniwalang mag-aasawa na ito ay masaya pa rin siya rito. kaya naman pala ang aliwalas ng mukha nito – in love ito.

Ngumiti ito. "Thank you. Gusto ko sana na ikaw ang mag-ayos sa akin sa kasal ko. It's just a simple and very private occasion lang naman."

Na-touch siya sa request nito. Iyon ang unang pagkakataong mag-aayos siya ng bride. "It's an honor Miss Tiffany," sagot niya.

"Thank you."

Pagkatapos nitong sabihin ang request nito ay naging madaldal na ito. Kinuwento nito ang mapapangasawa nito at kung paano nauwi sa kasalan ang mga ito. Natutuwa siya habang nakikinig rito. And at the same time a little envious. Kailan ba nagningning ng tulad ng mga mata nito ang mga mata niya? Kailan pa siya naging kasing saya nito habang nagkukuwento? Wala siyang matandaan. Sa naisip ay bigla siyang nakaramdam ng lungkot.

"Ayan tapos na Miss Tiffany," nakangiting sabi niya rito pagkatapos niyang ayusin ang buhok nito. Tamang tama naman dahil may isa ng staff na tumawag rito.

Tumayo na ito at ngumiti sa kanya. "Thank you Darlyn and you can call me Tiffany na lang ha."

Ngumiti siya at tumango. Pinagmasdan niya ito habang naglalakad palapit sa photographer. Sigurado siya na hindi lang siya ang nakakahalata sa pagbabago sa aura ni Tiffany. Napangiti tuloy siya.

"Hoy, bakit ngumingiti ka diyang mag-isa? Don't tell me nagbago ka na ng gender preference?" pukaw sa kanya ng boses na kahit hindi pa siya tumitingin ay alam niyang si Eman.

Nilingon niya ito upang awayin pero parang bumara sa lalamunan niya ang sasabihin niya ng makita ito. Naka hapit na pantalong maong ito at bukas na tiyalekong checkered na pula na pantaas, baring his mouth watering six pack abs and muscular arms. Para siyang namalikamata. Kailan pa ito nagpaka-daring sa mga shoot? Dati naman ay laging Mr. Nice guy ang image nito. At ang pinakamatinding tanong ay, bakit siya natutulala rito?

MY MISCHIEVOUS STARWhere stories live. Discover now