4

11.2K 187 96
                                    

NAKAKAILANG hakbang pa lang siya nang may isang lalaki na biglang sumabay sa paglalakad niya sabay akbay nang mahigpit sa kanya.

Hindi kaagad siya nakakilos lalo na nang higpitan pa ng lalaki ang pagkakaakbay sa parteng leeg niya. Naramdaman din niya ang isang matulis na bagay na nakatutok sa parteng baywang niya.

"Pasimple ka lang. Kunwari magkakilala tayo," nakangising bulong sa kanya ng lalaking matangkad kaysa sa kanya pero kasingkatawan lang niya. "Diretso lang nang lakad."

"Anong kailangan mo sa akin?" tanong niya rito. Medyo napalakas pa nga ang boses niya dahil sa pagkataranta.

"Ibigay mo sa akin ang wallet at cellphone mo. Bilis!"

"Hindi puwede!" mariin niyang tanggi at sinubukang makawala mula sa mahigpit na pagkakaakbay sa kanya ng lalaki.

Naalarma ang lalaki. Hindi rin nito inaasahang papalag si Aaron. "Huwag kang mag-eskandalo!"

Hindi nagpatalo sa takot si Aaron. "Tulungan n'yo ako! Hinoholdap ako!" Sumigaw siya para makatawag ng atensyon.

"Gago ka, ah!" Hindi inaasahan ni Aaron ang gagawin ng holdaper. Naramdaman niyang bumaon sa kanyang sikmura ang matulis na bagay na hawak nito. Pagkatapos ay hinugot nito ang panaksak at muling ibinaon sa kanyang katawan ng dalawa pang ulit. Nabitiwan niya ang dalang grocery bag at kumalat sa kalye ang mga laman nito.

Mabilis na dinukot ng holdaper ang kanyang bulsa at kinuha ang wallet niya. Pagkatapos ay mabilis na tumakbo papalayo ang holdaper at iniwang nauupos sa kalye ang kanyang biktima.

Naliligo na sa dugo ang katawan ni Aaron. Sinubukan niyang humingi ng tulong sa mga tao sa paligid. "T-tulungan n'yo ako... Dalhin n'yo ako sa ospital..." Walang lumapit sa kanya para tumulong. Sinubukan niyang pumara ng mga dumadaang sasakyan pero walang huminto para damayan siya. Natumba si Aaron at sinubukan niyang bumangon pero muli siyang natumba.

"Tulungan n'yo ako..." sabi niya sa nanghihinang tinig. "Tulong... Tulong..."

ALAS-DIEZ ng gabi nang dumating si Henry sa bahay nina Aaron. Nagtaka pa siya nang makitang umiiyak sa may terasa ang bunsong kapatid ni Aaron na si Yumi. Napabilis ang paglalakad niya para makalapit agad sa umiiyak na batang babae.

"Ba't ka umiiyak? Nasaan ang mga kuya at ang nanay mo?" tanong niya sa rito.

"Nagpunta po sila sa ospital. Nandoon daw po si Kuya Aaron, nasaksak ng holdaper." Mas lalo pang lumakas ang pag-iyak ni Yumi.

Pakiramdam ni Henry ay binuhusan siya ng malamig na tubig. Bigla ay parang nanlaki ang kanyang ulo. Ano raw iyon? Sino ang nasaksak? Ayaw tanggapin ng utak niya ang sinabi ng kapatid ni Aaron.

"Buhay naman ang kuya mo, 'di ba? Ligtas naman siya? Saang ospital daw?"

"Sa Dr. Salvacion Hospital daw po." Halos habulin na ni Yumi ang paghinga dahil sa walang tigil na pag-iyak.

"Sige, pupunta ako roon," nangingilid ang luhang sabi niya.

"Sama mo 'ko, Kuya Henry. Gusto kong makita si Kuya Aaron..." sa pagitan ng mga singhot at paghikbi ay sinabi nito.

HALOS utusan ni Henry ang driver na paliparin ang taksing minamaneho nito para makarating sila kaagad sa ospital. Habang nasa daan ay kabadong-kabado siya at abot-abot ang dasal na sana ay nasa mabuting kalagayan si Aaron.

Pagdating sa ospital ay agad siyang nagtungo sa information area.

"Saang room po si Aaron Mendoza?" tanong niya sa receptionist. Abot-abot pa rin ang kaba niya. Halos hindi na siya humihinga habang hinihintay ang sasabihin ng receptionist.

Saglit na may tinipa sa computer keyboard ang babae bago tumingin kay Henry. "Sir, nasa morgue na po siya."

Muntik na siyang mawalan ng panimbang nang mangalog ang kanyang tuhod pagkarinig sa sinabi ng receptionist. Gusto niya sanang ipaulit ang sinabi nito at sabihing hindi iyon totoo pero hindi na siya nakapagsalita. Naramdaman na lang niyang may mainit na likidong umaagos sa kanyang pisngi.

"Sir okay lang po ba kayo? Namumutla po kayo," nag-aalalang sabi ng receptionist.

"O-okay lang ako... Okay lang ako, miss." At tuluyan na siyang napahagulgol. Wala na siyang pakialam kung umiiyak siya sa harap ng receptionist ng ospital.

"Kuya Henry..." Nanggaling ang boses sa kanyang likuran.

Napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig. Nakita niya ang malungkot na mukha ni Jasper katabi ang umiiyak nitong ina.

Mabilis na nakalapit si Henry sa mag-ina at niyakap niya nang mahigpit si Aling Delia na mas lalo pang lumakas ang pag-iyak sa sobrang pagdadalamhati sa pagkawala ng panganay nitong anak.

ARAW NG PASKO

Ang dapat ay masayang pagdiriwang nila ng kanilang first anniversary ay napalitan ng kalungkutan kasama ang iba pang mga taong nakaalala kay Aaron. Ang first anniversary nila ni Aaron ay naging unang gabi ng burol nito.

Maraming tao ang dumating sa bahay nina Aaron sa unang araw ng kanyang burol. Ang mga kapitbahay niya ay magdamagang nakipaglamay. Ang iba naman ay dumayo para magsugal lamang. Ano man ang totoong dahilan ng pagpunta nila sa burol ni Aaron, hindi pa rin maitatangging marami ang nagbigay ng oras para silipin siya sa kanyang pagkakahimlay. Sa labas ng bahay kung saan nakaburol si Aaron ay makikita ang isang grupo ng mga bata na nangangaroling sa mga bahay-bahay. Dinig na dinig sa loob ng bahay nina Aaron ang maingay na pagkanta ng mga bata ng masasayang Christmas carols.

Hindi iniwan ni Henry si Aaron hanggang sa huli. Nandoon lang siya para samahan ang lalaking minahal niya at alam niyang nagmahal din sa kanya.

Muli niyang sinilip ang nakahimlay na si Aaron sa loob ng kabaong. Napakaguwapo pa rin nito. Para lang itong natutulog at mamaya ay gigising din. Naibulong ni Henry na sana nga ay ganoon na lang ang mangyari. Na sana ay gigising din si Aaron pagkalipas ng ilang oras. Ang sakit namang magbiro ng tadhana. Masaya dapat sila ni Aaron ngayon, eh. Hindi dapat ganito ang eksena.

Sa araw ng libing ni Aaron ay tahimik na lumuha si Henry. Tinanggap na niyang wala na talaga si Aaron at kailan man ay hindi na magbabalik. Pero ipinangako niya sa puntod nito na hinding-hindi niya ito kalilimutan.

Habang nakatingin si Henry sa lapida na inilalagay sa libingan ni Aaron ay hindi niya napigilan ang mas mapaluha pa habang inaalala kung paano sila nagkakilala. Love really comes from the most unexpected places. Wala naman kasing pinipiling lugar ang pag-ibig. Sino ang mag-aakala na ang greatest love of his life ay sa toilet niya makikilala? Sayang nga lamang at ang agang nawala ni Aaron. Nagsisimula pa lang silang bumuo ng mga pangarap. Ang dami pa sana nilang gustong gawin, gustong puntahan, gustong marating. Lahat iyon ay naputol dahil lang sa isang taong walang pagpapahalaga sa buhay ng iba.

Bago umuwi, isang pangako ang binitiwan ni Henry sa puntod ni Aaron, "Hayaan mong mahalin kita kahit wala ka na rito sa mundo. Nasaan ka man ngayon, saan ka man mapadpad hintayin mo ako riyan. Magkakasama tayong muli."

                        THE END

"Booking"Where stories live. Discover now