2

15K 185 17
                                    

AYAW sana ni Henry pero nasilaw siya sa overnight na alok ng lalaki. Hindi na nga siya lugi kahit magbayad siya ng dalawang libong piso. Una, type niya talaga ito. Pangalawa, puwede niyang sulitin ang 2K sa buong magdamag. Pagsasawaan na lang niya ito para sulit ang ibabayad niya. Pangatlo, ngayon lang naman siya magbabayad kung sakali. Iisipin na lang niya na nagkawanggawa siya sa isang estudyanteng nangangailangan ng pangsuporta sa pag-aaral nito.

"Call!" nakangiting sabi niya rito. "Anong pangalan mo?"

Nagliwanag ang mukha ng guwapong lalaki. "Aaron. Ako si Aaron."

Magkasabay silang lumabas ng sinehan. Tamang-tama, hindi na ganoon kalakas ang ulan.

"Saan tayo?" tanong ni Aaron.

"Doon na lang sa apartment ko. Mag-isa lang ako roon. Pagpasensyahan mo lang kasi maliit lang iyon, studio type."

"Okay lang naman sa akin kahit saan."

"Doon na lang din tayo kumain. Maghahanda na lang ako ng makakain natin," sabi ni Henry.

Matipid na ngiti lang ang isinagot ni Aaron.

Nag-taxi na lang sila papunta sa apartment ni Henry sa Malibay, Pasay. Bahagya lang silang natrapik pero sa wakas ay narating din nila ang tinitirhan ni Henry. Studio type apartment nga iyon na may divider para bahagyang nakatago ang kama kung saan natutulog si Henry.

"Tuloy ka," anyaya niya kay Aaron na nakasunod lang sa kanya. "Maupo ka muna riyan. Magpapalit lang ako ng damit."

Umupo si Aaron sa sofa. Nagtungo naman si Henry sa tulugan niya at mabilis na nagpalit ng suot na damit. Pagbalik niya kay Aaron ay shorts at itim na sando na lang ang suot niya.

Binuksan niya ang telebisyon. "Manood ka muna. Maghahanda lang ako saglit ng makakain natin. Mabilis lang 'to."

"Sige," sagot ni Aaron kasabay ang pagtango.

Pumunta si Henry sa parteng kusina at mabilis na nagsalang ng bigas sa rice cooker. Pagkatapos ay kumuha siya ng corned beef sa cabinet. Kumuha rin siya ng patatas at sibuyas sa kanyang personal ref.

Nang matapos magluto ay tinawag niya si Aaron para makakain na sila.

"Saan ka pala nakatira? Bakit hindi ka na lang mag-working student para hindi ka napipilitang magpa-booking kapag kinakapos ka sa pera?" tanong niya kay Aaron habang kumakain sila.

"Sa Quiapo ako umuuwi," sagot ni Aaron. "Working student naman talaga ako. Nagtatrabaho ako sa isang fast food restaurant. Hindi lang talaga magkasya para sa buong pamilya ko ang kinikita ko."

Napanganga si Henry. "Breadwinner ka sa inyo? Ang akala ko, nasa province ang mga magulang mo at pinadadalhan ka lang ng monthly allowance. Hindi ko naisip na nandito sa Maynila ang buong pamilya mo at ikaw ang sumusuporta sa kanilang lahat. Ilan ba kayong magkakapatid?"

"Tatlo. Panganay ako. Iyong sumunod sa akin, hayskul pa lang. Elementary naman 'yong bunso."

"Anong pinagkakaabalahan ng magulang mo?"

"Patay na ang tatay ko. Wala namang trabaho ang nanay. Nasa bahay lang, nag-aalaga sa amin ng mga kapatid ko."

Nakadama ng awa si Henry sa kausap. Kung kanina ay gusto niyang kunin ang serbisyo nito sa kama dahil natipuhan niya ito, ngayon ay parang gusto na lang niya itong tulungan.

"Kumain ka na," untag niya rito. "Para makatulog na tayo. Lumalalim na ang gabi."

Nang matapos kumain ay iniligpit ni Henry ang mga natirang pagkain at hinugasan ang mga plato.

"Puwede ba akong makigamit ng banyo?" tanong ni Aaron. "Maliligo lang ako."

"Ah, sige lang. May malinis na tuwalya sa banyo. Iyong naka-hanger. May toothbrush din diyan na hindi pa nagagamit, gamitin mo na," sagot ni Henry habang binabanlawan ang huling platong hinuhugasan niya.

Naghubad ng suot na t-shirt at pantalon si Aaron at pumasok na sa banyo. Nang lumabas ito ay nakatapis lang ng puting tuwalya at hawak ang hinubad na brief.

Natuyo ang laway ni Henry pagkakita sa preskong itsura ni Aaron. Ilang ulit siyang napalunok sa guwapo at sariwang lalaking nasa kanyang harapan.

"Maliligo ka rin ba?" tanong nito sa kanya.

"Ah, oo. Maliligo rin ako." Mabilis siyang kumuha ng tuwalya at pumasok na rin sa banyo.

Pagkatapos niyang maligo ay naabutan niya si Aaron na nakahiga na sa kama. Ang ibabang bahagi ng katawan nito ay natatakpan ng kumot. Nakita niyang naka-hanger na ang hinubad nitong pantalon at shirt. Iniisip niya kung nasaan kaya iyong brief na hawak nito kanina?

"Inaantok ka na ba?" tanong niya kay Aaron.

"Hindi pa. Hinihintay kita." Bumangon ito pero nananatiling natatakpan ng kumot ang pribadong bahagi nito.

Ngumiti si Henry. "Matulog na tayo. Inaantok na ako, eh."

Nabalot ng pagtataka ang mukha ni Aaron. "Bakit? May gagawin pa tayo, 'di ba?"

Tinanggal niya ang tuwalyang nakatapis sa kanyang baywang at nagsuot ng boxer shorts. Tapos ay umupo siya sa gilid ng kama. "Nag-decide ako na huwag nang ituloy iyong gagawin natin."

Mas lalong nagtaka si Aaron? "Bakit? May nagawa ba akong hindi mo nagustuhan? Na-turn off ka ba sa akin? Anong nangyari?"

"Hindi naman. Huwag kang mag-panic," natatawa niyang sagot.

"Eh, bakit nga ayaw mo na?"

"Umayaw lang ako sa gagawin natin. Pero hindi ako umaayaw sa pinag-usapan nating kabayaran. Ibibigay ko pa rin ang bayad mo. Basta samahan mo lang ako rito ngayong magdamag," paliwanag niya. Nakita niyang tila mas lalong nagtaka ang binatang estudyante.

"Lugi ka naman yata 'pag gano'n. Hindi fair sa'yo," halos bulong na sabi nito. Parang hinaplos ang puso niya sa sinabi nito. Sana ganito lahat ng callboy. Iniisip kahit paano ang kapakanan ng mga kostumer nila.

Sabagay, sabi naman ni Aaron na professional ito kapag ginagawa nito ang ganitong mga bagay.

Pero hindi naman ito professional callboy. Kumakapit lang ito sa patalim dahil wala na itong magawang ibang paraan.

"Huwag mo nang isipin iyon." Tumayo siya at pinatay ang ilaw tapos ay bumalik na at humiga sa kama.

Nanatiling nakaupo pa rin sa kama si Aaron.

"Humiga ka na. Matulog na tayo," yaya niya rito.

Napilitan itong humiga na rin sa tabi niya.

Wala silang imikan. Parang wala nang gustong magsalita.

Pinakiramdaman ni Aaron ang katabi. Tulog na yata si Henry. Kahit madilim ay pilit niyang inaninag kung natutulog na nga ito.

Tumagilid siya nang higa paharap kay Henry at bumulong, "Gising ka pa ba?"

"Gising pa ako," sagot ni Henry. Hindi niya inakalang sasagot ito. Akala niya talaga ay tulog na si Henry.

Mabilis ang kasunod na naging pagkilos ni Aaron. Dinaganan niya si Henry at kaagad na hinalikan nang mariin sa labi.

Hindi nakakilos ang nabiglang si Henry. Hindi niya inaasahan na gagawin iyon ni Aaron. Gusto sana niyang iiwas ang sarili sa halik nito pero mapuwersa ito at hindi niya maigalaw ang kanyang ulo. Isa pa, bakit nararamdaman niyang gusto niya ang ginagawa sa kanya ni Aaron.

Gumapang ang mga labi ni Aaron patungo sa kanyang tainga at muli itong bumulong sa kanya, "Ayokong babayaran mo ako sa isang bagay na hindi ko trinabaho..."

Muling gumapang ang mga labi nito papunta sa pisngi ni Henry. Naglakbay sa leeg tapos ay muling bumalik sa labi nito. Habang lumalalim ang gabi ay napuno ng mga impit na daing at kontroladong halinghing ang maliit na apartment na iyon.

"Booking"Where stories live. Discover now