"Ikaw ang apo ni tita Emily? Siguradong matutuwa si mama kapag nakita ka niya, nabalitaan namin ang pagkamatay ng iyong lola noong nakaraang taon, pasensiya na hindi kami nakapunta hija dahil hindi na rin kayang bumyahe ni mama papuntang San Alfonso" tugon ni Elisa habang nakangiti kay Carmela.

"Ayos lang po, oo nga pala maligayang piyesta dito sa bayan niyo" sagot ni Carmela, nasa edad dalawampu't-tatlong taong gulang na si Carmela at kasalukuyan siyang buntis sa panganay nilang anak ng kaniyang asawa.

"Oo nga pala ma, si Juanito po asawa ni Carms, gusto niya rin sumama dito para ma-check up na rin si lola, nakwento ko kasi sa kanila kahapon na nanghihina na si lola" wika pa ni Raenvien, napatingin naman si Elisa sa lalaking kasama ni Carmela. Matangkad ito at mababakas sa tindig pa lang ang taglay nitong kagwapuhan at sa isang ngiti lang ay mararamdaman mong isa itong maginoong binata.

"Maligayang piyesta po sa inyo" bati ni Juanito at nagmano siya kay Elisa. "Isa kang doktor hijo? Nakakatuwa naman, alam mo bang ang aking mama ay isang nurse... Raenvien anak ipakilala mo sila sa lola mo siguradong matutuwa siya kapag nakita niya kayo" ngiti ni Elisa, nagtungo na siya sa kusina upang kumuha ng mga pagkain at inasikaso na rin niya ang ibang bisita habang ang anak naman niyang si Raenvien ang nagpatuloy kay Carmela at Juanito paakyat sa ikalawang palapag ng bahay nila na kung saan naroroon ang kaniyang lola.

"Medyo mahina na rin ang pangrinig ni lola kaya lakasan niyo na lang din ang boses niyo" nakangiting tugon ni Raenvien saka kumatok ng tatlong beses sa pinto ng silid ng kaniyang lola bago niya binuksan ito.

Pagbukas ng pinto tumambad sa kanilang harapan ang malinis na kwarto ng matanda. Isang old Spanish house ang disenyo ng bahay nila na binili pa ng kaniyang lola at lolo nang makaipon ang kaniyang asawa ng sapat na pera para magkaroon sila ng sariling bahay.

"Mahilig talaga si Lola sa mga lumang bagay kaya si lolo puro mga lumang gamit ang nireregalo sa kaniya. Maging ang bahay na ito ay pinag-ipunan talaga ni lolo kasi ayaw ni lola ng mga modern style na bahay" tugon pa ni Raenvien habang naglalakad sila papasok sa kwarto ng matanda.

Natanaw na nila ang matandang babae na ngayon ay nakatalikod sa kanila habang nakaharap ito sa malaking bintana at tinatanaw ang dahan-dahan na pagbagsak ng ulan. Nakaupo ang matandang babae sa isang malaking upuan na gawa sa kahoy at tahimik lang itong nakatulala sa labas.

"Mahilig din kami sa mga lumang bagay, yung bahay nga namin sa San Alfonso ipapa-renovate namin ulit para maging matibay lalo. Ilang daang taon na rin ang edad ng bahay na 'yon" sagot naman ni Carmela, ilang buwan pa lang sila magkatrabaho ni Raenvien bilang mga guro sa isang pribadong paaralan ngunit malapit na agad ang loob nila sa isa't-isa.

"Ah, sa inyo ba yung hacienda Montecarlos sa San Alfonso? palagi kasi sa'ming kinukwento ni lola na makasaysayan daw ang bahay na 'yon, noong kabataan niya tuwing bakasyon lagi siyang nandoon kasama ni tita Emily" saad ni Raenvien, si Emily Isabella Nuestro ay isang dentista na palaging nakakasama ng lola ni Raenvien sa mga medical mission noon.

"Hacienda Alfonso naman ang sa asawa ko, balak din namin ipa-renovate ulit 'yon kaso nag-iipon muna kami para sa panganganak ko" ngiti pa ni Carmela na medyo namula pa ang pisngi. Napangiti naman si Juanito dahil maging siya ay nasasabik na masilayan na ang kanilang panganay na anak.

"Kailan ka ba manganganak?" tanong ni Raenvien saka hinawakan niya ang tiyan ni Carmela na medyo may kalakihan na. "Sa February pa, tatlong buwan na lang manganganak na ko kaya nga inaasikaso ko na ang leave sa trabaho natin" sagot ni Carmela, bigla naman silang natawa ni Raenvien dahil madalas nilang pag-usapan ni Carmela tuwing break time ang bagal ng proseso ng leave sa trabaho nila.

"Tulog ba ang lola mo?" tanong ni Juanito inilabas na rin niya sa kaniyang bag ang kaniyang stethoscope at ilang gamit sa panggagamot. Samantala, inilibot naman ni Carmela ang kaniyang mga mata sa loob ng kwarto ng matanda. Napatigil siya nang makita ang isang obra na nakasabit sa dingding, "Pa-nga-ko" basa ni Carmela sa tatlong letra ng baybayin na nakasulat sa lumang papel at nakalagay sa malaking frame.

Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)Where stories live. Discover now