Kabanata f(x - 28)

476K 13.5K 17K
                                    

[Kabanata 28]

"So take a look at me now
'Cause there's just an empty space
And there's nothing left here to remind me
Just the memory of your face"

-Westlife (Against All Odds)



"Ano? Sasama ba kayo? Dala ni Aireen ang van, maki-piyesta tayo sa Quezon City" aya ni tita Meg habang sarap na sarap siya sa malutong na turon na may langka na niluto ni mama para sa miryenda. Nasa salas sila ngayon habang naghuhugas ako ng mga kaldero na ginamit kaninang tanghalian at si Alex naman ay nag-iigib ng tubig dahil mahina ang daloy ng tubig sa gripo ngayon baka abutin pa kami ng sampung taon makapuno lang ng isang timba.

"Sa Linggo na ba? Papaubusin ko pa ang isang banyera ng isda sa Linggo" sagot ni mama habang abala naman siya sa pagtutupi ng mga damit namin. Magkaharap sila ni tita Meg sa salas ngayon, Sinadya talaga kami ni Tita Meg para pilitin na sumama sa fiesta ng La Naval sa Quezon City. Sabi ni Tita Meg kanina tuwing ikalawang linggo ng October daw ipinagdiriwang ang Fiesta ng Our Lady of the Most Holy Rosary of La Naval de Manila.

"Baka masobrahan na kayo niyan sa pagtatrabaho, magpahinga naman kayong mag-asawa, sakto piyesta sa pupuntahan natin makikisaya tayo doon at magsisimba na rin, baka kaya minamalas-malas kayo ngayon sa kwarta dahil hindi na ata kayo nagsisimba" sermon ni Tita Meg, napangiti naman si mama, aminado naman siyang totoo ang mga sinabi ni Tita Meg lalong-lalo na ang pagtatrabaho nila ni papa buong araw at inaabot na rin sila ng hatinggabi. Bukod doon halos tatlong linggo na rin kami hindi nakakapagsimba.

"Wag niyo masyadong problemahin ang pera, Tatanda lang lalo ang itsura niyo kakaisip niyan" biro pa ni tita Meg sabay pakita ng finger nails niya na bagong manicure lang. "Ayan inuuna mo na naman ang luho mo, alam ba yan ng asawa mong kano?" biro naman ni mama. Tumawa lang si Tita Meg sabay kain ulit ng turon. Sa totoo lang nagmukhang bata siya dahil sa kakapa-facial, spa, salon, manicure at pedicure.

"Oo naman, kaya yang panganay mo paasawahin mo ng mayaman para gumaan na ang buhay niyo" tawa pa ni Tita Meg. Tumawa lang din si mama mukhang nagbibiro lang naman si Tita Meg pero mukhang may laman ang biro niya.

"Ano na? Sasama na ba kayo sa Fiesta ng La Naval bukas? Dadaanan namin kayo dito" ulit pa ni Tita Meg at hindi niya tinantanan si mama hanggang sa mapa-Oo na lang ito dahil sa kakulitan niya at mukhang walang balak umalis si tita Meg hangga't hindi niya napapapayag si mama.

"Oo na! Oo na! Ipapaubaya ko na lang sa kumare ko sa palengke ang isang banyera na binayaran ko na kanina para sa Linggo" tugon ni mama dahilan para magtatatalon sa tuwa si Tita Meg na akala mo nanalo sa lotto.

"Psst, Panget, San daw tayo pupunta bukas?" biglang bulong sakin ni Alex na nasa gilid ko na pala at mukhang nakikichismis din sa usapan nila Tita Meg at mama. "Sa La Naval daw... Di ko nga alam yun eh" sagot ko, napaisip naman ng malalim si Alex.

"Alam mo yung La Naval?" tanong ko sa kaniya, napatango naman siya sabay buhat ulit ng timba na puno ng tubig. "Oo parang narinig ko na...panget" sagot niya sabay bukas ng pintuan sa likod ng kusina.

"Saan yu----" hindi ko na natapos yung sasabihin ko kasi bigla na niya akong tinalikuran at dire-diretsong lumabas sa likod ng kusina. Aba talaga naman tong batang to oh!

Binalik ko na lang yung atensyon ko sa samo't-saring mga kaldero at kawali na hinhugasan ko. Sa pagkakataong iyon, hindi ko alam kung bakit parang pamilyar sa'kin ang La Naval pero parang ngayon ko lang naman narinig.

"Osige na! Aalis na ako, baka abutan pa ako ng ulan" paalam ni Tita Meg at agad siyang bumeso kay mama. Lumapit din siya sa'kin at bumeso rin, "Sumama ka Aleng ah! May ipapakilala ako sayo doon" pabulong na echoes ni Tita Meg sabay kindat sa'kin, halatang ayaw niya iparinig kay mama.

Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon