10

6.4K 100 3
                                    

HINDI makapaniwala si Mariel sa sinabi ni Andrei. Mahal siya nito? No. Nananaginip lang siya. Hindi totoo ang narinig niya. Hindi totoo ang lahat.

Hindi niya maintindihan ang sarili niya. Matagal na niyang gustong marinig ang mga katagang iyon mula rito pero ngayong narinig na niya, parang gusto niyang bawiin nito iyon. Ano ba ang nangyayari sa kanya?

Nasobrahan na yata siya ng pagkabaliw rito kaya hindi na niya malaman kung ano ang dapat na maramdaman.

"Wala ka man lang bang sasabihin, Mariel?"

Mariel. Ngayon lang uli niya narinig na sinambit nito ang buo niyang first name. Ang una ay noong nakipagkilala ito sa kanya. Sobrang tagal na niyon. Pagkatapos kasi niyon ay kaagad siya nitong tinanong kung puwedeng "Yel" ang itawag nito sa kanya. Mula noon ay iyon na ang tawag nito sa kanya. Hanggang kanina.

"Ang totoo... wala na kami ni Hazel. Siya mismo ang tumawag sa 'kin no'ng isang araw para mag-usap kami at pormal na maghiwalay. Mahal pa rin daw niya ang ex-boyfriend niya at makikipagbalikan siya rito."

"Ano ngayon? Wala akong pakialam sa kung sino mang Hazel na 'yon at sa pinag-usapan ninyong dalawa. Pero sinungaling ka. Ngayon pa lang niloko mo na ako. Ano pa kaya kung tayo na?"

Umiling ito. "Hindi kita—"

"Bakit hindi mo na lang kaagad sinabi sa 'kin ang totoo kanina? Mahirap bang sabihin 'yon?"

"Hindi ko alam. Tapos na 'yon. Huwag na nga nating pag-usapan," tila naiinis na wika nito.

"Ikaw pa ang may ganang magalit ngayon. Ikaw na nga itong may kasalanan."

"Hindi na rin naman importante 'yon, eh. Ang importante sa 'kin ngayon ay ikaw. Gusto ko lang na makasama ka ngayon dahil gusto ko nang sabihin sa 'yo ang nararamdaman ko. Hindi ko na kayang itago pa ito."

"Nabigla ka lang. Lilipas din 'yan."

"Hindi ako nabigla lang. I am very sure."

"No, you're not."

"Believe me, I really love you. Ikaw ang babaeng sinasabi ko sa 'yo na gusto kong makasama habambuhay. Siguro nga ay matagal ko nang nararamdaman 'yon. Ngayon ko lang na-realize."

Maniniwala na ba siya rito? O kailangan pa niyang mag-isip ng maraming beses?

"Alam ko na kung bakit 'di ako tumatagal sa isang relasyon. Dahil ang tulad mo ang hinahanap ko. Pero wala ka yatang katulad. Nag-iisa ka lang."

"'Yan din ba ang sinabi mo sa mga naging girlfriends mo? Hindi mo ako madadala sa matatamis mong salita."

"Believe it or not, sa 'yo ko lang sinabi ito."

Ngumisi siya. "I have to go. Marami pa akong gagawin." Gagawa pa nga siya ng lesson plan at magtsi-check ng quizzes. Humakbang siya pero nakailang hakbang lang siya nang muli siyang hinarangan nito. "Paraanin mo nga ako!"

"Hahayaan muna kitang mag-isip. Alam kong nabigla ka lang. Pero sasama ka sa 'kin, ihahatid kita."

"Kaya kong umuwi mag-isa."

Hindi na ito nagsalita. Tumabi ito sa daraanan niya. Naglakad naman siya nang walang lingun-likod.


NANATILI si Andrei sa kinatatayuan niya. Sinundan niya ng tingin si Mariel hanggang sa mawala ito sa paningin niya.

Hindi na talaga niya napigilan ang kanyang sarili kaya nasabi na niya rito ang nararamdaman niya. Kaysa naman mahuli pa ang lahat. Mabuti nang nasabi niya kaagad dito iyon.

My Heart Is Filled With You [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now