2

7.3K 104 0
                                    

ANG NAKA-FRAME na picture ni Andrei ang kaagad na hinanap ng mga mata ni Mariel nang pumasok siya sa kuwarto niya.

Tuwing umuuwi siya ay iyon palagi ang una niyang hinahanap. Nakatago iyon sa mini-cabinet niya. Hindi alam ni Andrei na may picture siya nitong pinakatagu-tago niya. Palihim na kinuha niya iyon noon sa photo album nito. Hindi naman nito nabanggit na nawala iyon kaya hinayaan na lang niya. Sa kanya na iyon.

Kinuha niya ang framed picture sa isa sa mga drawers ng mini-cabinet. Inilapag niya ang bag niya sa itaas ng cabinet at humiga sa kama.

Iniangat niya ang nakangiting larawan ni Andrei. He was really attractive. Hindi niya masisisi ang mga babaeng nagkakandarapa rito. Inaamin niya, isa siya sa mga babaeng iyon. Pero siya lang ang may alam niyon.

Higit pa sa kaibigan ang turing niya kay Andrei. May lihim siyang pagtingin sa best friend niya. She realized it when they were in college. It was summer vacation after their second year. Nagbakasyon ito sa Davao. One and a half month ito roon. Pero isang araw pa lang niyang hindi nakita ito, na-miss kaagad niya ito. Talagang na-miss niya ito nang husto. Ilang gabi siyang hindi nakatulog sa kaiisip dito. Nang bumalik ito ay niyakap niya ito ng mahigpit na mahigpit.

Nagseselos siya sa lahat ng babaeng nakakarelasyon nito. Inaamin niya, sumasaya siya kapag nakikipaghiwalay ito sa mga girlfriends nito. And at the same time, naaawa siya sa mga babaeng iyon.

Iyon ang pinakamalaking sekreto niya—matagal na siyang in love sa kanyang best friend. At sa araw-araw na dumaraan ay mas lalong nadadagdagan ang pagmamahal niya rito. Pero naiinis siya sa sarili. Bakit siya in love sa tulad nitong playboy gayong ang gusto niyang lalaki ay iyong siya lang at tanging siya lang ang mamahalin?

Kung sabagay, hindi naman siya mahal ng best friend niya. Mahal siya nito bilang isang matalik na kaibigan. At hanggang doon lang iyon. Iyon na lang ang palaging iniisip niya para mawala ang nararamdaman niya rito. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya kayang alisin ang ibang nararamdaman niya rito—maging ito mismo—sa puso niya.

Kaya nang makiusap ito na magpanggap silang magkasintahan, hindi siya nagdalawang-isip na pumayag. Bigla siyang na-excite sa pakiusap nito. Pinatagal pa niya bago siya pumayag pero ang puso niya ay kaagad nang pumayag bago pa niya napagtanto iyon.

Mula pa naman kasi noon ay ito na ang laman ng puso niya.

Niyakap niya ang picture at ipinikit ang mga mata. "Kung alam mo lang, Dre, kung gaano mo ako napasaya kanina. Imagine, kahit sandaling-sandali lang ay naging boyfriend kita?" She paused and smiled.

Binalikan niya sa isip ang nangyari kanina. Hindi lang nito alam kung gaano siya kasaya nang tawagin siya nitong "honey" kahit alam niyang kunwari lang. At ilang milyong boltahe kaya ng kuryente ang dumaloy sa mga ugat niya nang hawakan nito ang kamay niya? Kung may kapangyarihan lang siyang mag-rewind ng mga pangyayari, iyon ang paulit-ulit niyang ire-rewind.

"Hindi ko alam pero isa ako sa mga babaeng nababaliw sa 'yo, Dre. Yes, I'm crazy in love with you," nakangiti at kinikilig na sabi niya.

Dumilat siya. She saw Andrei. Nagulat siya. Napabalikwas siya ng bangon. Nang kumisap siya ay nawala rin ito. Akala niya ay nandoon ito. Nag-i-imagine lang pala siya. Nakahinga siya ng maluwag. Akala niya ay nabuking na siya.

Kung totoong nandoon ito ay siguradong narinig siya nito. Ano kaya ang magiging reaksiyon nito? Ngingiti kaya ito tulad ng nasa larawan at sasabihin sa kanya na mahal din siya nito? O kaya ay pagtatawanan lang siya nito at sasabihing hindi siya ang babaeng type nito?

My Heart Is Filled With You [PUBLISHED under PHR]Место, где живут истории. Откройте их для себя