1

19.8K 207 0
                                    

"HUWAG na lang kaya natin ituloy 'to," sabi ni Mariel kay Andrei habang naghahanap ito ng puwesto kung saan magandang i-park ang kotse nito.

Tiningnan siya nito habang dahan-dahang pinapatakbo ang sasakyan. "Ano ka ba? Sandali lang 'to. Sandaling-sandali lang talaga 'to."

"Ayoko na nga. Nagbago na ang isip ko."

"Ako ang bahala," pag-a-assure nito. "Ngayon nandito na tayo saka mo pa sasabihing ayaw mo na?"

"Basta, ayoko na. Maghanap ka na lang ng ibang babaeng gagamitin mo. Huwag ako. Please lang," pakiusap niya. Bigla siyang napangiwi sa salitang nasabi niya. Gagamitin? Watch your mouth, Mariel!

"What? Ngayon ka pa ba uurong... honey?" Nakangiti ito nang bigkasin nito nang mariin ang salitang "honey."

"Honey? Yuck!" aniya habang iniikot ang mga mata. "Tumigil ka nga riyan. Kinikilabutan ako sa 'yo."

"Kunwari ka pa riyan. Hindi ka kinikilabutan, kinikilig ka," tudyo nito.

"Hah! Excuse me. Hindi ko pinangarap na maging boyfriend ka, 'no. Hindi ko pinangarap na magka-boyfriend ng isang walanghiya, manloloko, makulit, buwisit, at higit sa lahat... playboy."

"Grabe naman 'to kung manlait. Para namang ang sama-sama ko na."

"Kung may superhero na tatawaging "Super Playboy," ikaw na 'yon. Kaso sa lahat ng superhero, ikaw ang walang kuwenta." Pumilatak siya kasabay ng pag-iling-iling.

"Anong wala? Sa sobrang guwapo at macho ko, pati mga lalaking kalaban mababakla sa 'kin," mayabang na turan nito.

"'Yabang!"

Inihinto nito ang kotse sa bahaging iyon ng park kung saan wala masyadong nakaparadang sasakyan. "Oo, playboy na ako at nang magsabog ang lupa ng kasamaan, lahat nasalo ko," pagsuko nito. "Pero nang magsabog naman ang langit ng kaguwapuhan at ka-macho-han, nasalo ko rin naman lahat," pagtatanggol nito sa sarili.

"'Kapal!" aniyang hindi nakatingin dito.

"Oo na, oo na. But be my girl today. Pumayag ka na kagabi, right? Basta, paglabas natin ng kotse ko, girlfriend na kita, okay?"

Bago pa siya nakapagsalita ay pinatay nito ang car stereo, lumabas ng sasakyan, at isinara ang pinto na katabi ng driver's seat.

Nasa isang park sila nito kung saan naghihintay ang babaeng hiniwalayan na raw nito. Sinabi nitong may iba na itong mahal pero hindi ito pinaniwalaan ng babae. May mga lakad at appointments ang iba pang girlfriends nito at wala itong maihaharap na girlfriend sa babae kaya siya ang naisipan nitong magpanggap na girlfriend nito para tigilan na ito ng babaeng iyon.

Kagabi pa siya kinausap nito na kung puwede ay magpanggap silang magkasintahan ngayong araw. Eksakto namang Sabado, walang klase. Ah, sigurado siyang itinaon talaga nitong walang pasok kinabukasan para wala siyang dahilang tumanggi.

Noong una ay hindi siya pumayag sa gusto nitong magpanggap siya. Mabuti sana kung sa cell phone lang siya magpapanggap na girlfriend nito. Kapag may nangungulit kasing babaeng ayaw na nito, siya ang pinasasagot nito sa tawag at magpanggap siyang girlfriend nito o strict na ate o tita o nanay o lola para magalit ang babae at tigilan na ito. Mabuti na lang at may talent siya sa pag-iiba ng boses.

Makulit si Andrei kaya napapayag siya nito. Kailangan daw kasi ng babae ng pruweba na may girlfriend na ito. May magagawa ba siya sa kakulitan nito? Ito na yata ang pinakamakulit na taong nakilala niya. At kailan ba siya hindi pumayag sa mga pakiusap nito?

My Heart Is Filled With You [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now