Revenge

5.6K 135 10
                                    

CHAPTER 9

“WHAT? You don’t remember me?” untag ni Rowie sa pagkabigla ni Butch. “Ako si Rowie, ‘yong nakatira sa village na tinitirhan mo rin, sa Gems Executive Village?” pagdiriin niya na kunwari ay noon lang sila nagkita pagkaraan ng mahabang panahon.
“Rowie, I-”
“Hindi ko mapaandar ‘tong sasakyan ko, eh. Baka puwedeng tingnan mo. Baka ikaw ang makapagpaandar,” aniyang gumawa lang ng alibi upang abalahin ito. Hindi niya alam kung saan siya kumukuha ng katatagan para manatiling nakatayo sa harapan ng mga ito. Tiningnan niya ang kasama nitong babae na nakayapos pa rin sa katawan ni Butch. “Sorry, ha. Hihiramin ko lang sandali ‘tong boyfriend mo. Mahirap kasi talaga ang kagaya ko na naagawan ng boyfriend, walang mag-fix ng kotse kapag nasisira.” Binuksan niya nang maluwang ang pinto sa driver’s side para kay Butch.
Sumakay ito roon matapos makawala sa pagkakapulupot ng babae. Pormal ito at tahimik lang. Palibhasa ay wala talagang problema ang sasakyan niya ay nag-start agad iyon.
“Wow, ang galing mo. Napaandar mo agad.” Bumaba na ito. Sumakay naman siya agad. “Thank you, ha? Sige, mauna na ako sa inyo,” nagmamadaling sabi niya sa takot na mapabulalas siya ng iyak, bago pinaharurot ang kotseng dala niya.
Panay ang patak ng luha niya habang nagmamaneho siya. Parang sasabog ang dibdib niya sa sama ng loob. Ang kapal ng mukha niya! Ang kapal-kapal ng mukha niya!
Sa daan pa lang ay pinatay na niya ang cell phone niya. At nang makauwi siya sa kanila ay nagdahilan na lang siya sa mama niya na masakit ang ulo niya at gusto niyang matulog kaagad para huwag na lang siyang pilitin nitong maghapunan.
Pagpasok niya sa silid ay sumabay sa kanya ang pusang si Butch. Sa unang pagkakataon ay naglambing sa kanya ang pusa, inikut-ikutan siya nito at ikiniskis ang katawan sa binti niya, tila inaaliw siya sa kasalukuyan niyang pinagdaraanan habang panay ang patak ng luha niya.
Kinuha niya ito, kinalong at niyakap. Dito siya humanap ng lakas na sa palagay niya ay nasaid na ng mga sandaling iyon.
Nakatulugan na niya ang pag-iyak. Mabuti na lang at walang pasok kinabukasan, dahil kung hindi, tiyak na absent na naman siya sa call center.
Maaga pa rin siyang gumising kinabukasan. Sinikap niyang itaboy palayo sa isip niya ang mga nangyari ng nagdaang gabi. Naghurno siya ng banana cake at gumawa rin ng maja blanco. At pagkatapos ay naglabas siya ng mga sangkap ng pochero mula sa ref. Pinalalambot pa lang niya ang karne ay dumating na sa kanila si Butch.
“Rowie, let me explain,” bungad nito kaagad nang pagbuksan niya ng pinto.
Niyapos niya ito nang mahigpit at binulungan. “No need to explain yet.” Hinalikan niya ito sa mga labi, dampi lang noong una at pagkatapos ay siya na rin ang nagpalalim sa halik.
Gumanti ito ng halik kahit may pag-aalangan. Naging maalab kaagad ang halik nila. Ngunit nang maisip niya na hinahalikan din nito ang babaeng kasama nito kagabi ay kumalas na siya.
Hinawakan niya ito sa isang kamay at marahang hinila ito sa kamay patungo sa kusina. “Halika, samahan mo ako habang niluluto ko ang lunch natin.”
Halatang kumakapa ito ng sasabihin ngunit mukhang wala itong maisip, o hindi nito alam kung paano magsisimulang magsalita. Hindi naman niya ito binigyan ng pagkakataon. Siya ang salita nang salita. Siya ang kuwento nang kuwento ng mga bagay na magagaan lang gaya ng ilang anecdotes na nangyari sa call center o sa mga paglabas-labas niya.
Nang maluto ang ulam ay naghain na siya agad. Inasikaso niya ito sa tanghalian. Ibinalot pa niya ang kalahati sa mga iniluto at b-in-ake niya para maiuwi nito.
Habang kumakain sila, panay ang sulyap nito sa kanya. Pagtataka ang makikita sa ekspresyon nito. Kahit siguro siya ay magtataka, kung siya man ang nasa kalagayan nito. Inaasikaso niya ito at magiliw na kinakausap gayong ang dapat niyang ginagawa ay sigawan ito, murahin at sampalin. Mabuti na lang at wala roon ang mama niya. Dahil kung kaharap nila ang kanyang ina ay baka nag-breakdown na siya.
Nang makakain at mahugasan ang pinagkainan ay dinala niya ito sa sala. Kay bilis ng pintig ng puso niya habang iniisa-isa niya sa kanyang isip ang mga dapat niyang sabihin dito.
“Anong pangalan niya?” tanong niya kay Butch. Hindi siya tumabi sa sofa na inuupuan nito gaya ng dati niyang ginagawa noon. Naupo siya sa katapat nito.
“Niya…?”
“Ng babaeng kasama mo kagabi sa Fidelli’s.”
Nagbuntong-hininga ito. “Look, Rowie, hindi-”
“Please, sagutin mo na lang ang tanong ko.”
“Shane,” sumusukong sagot nito sabay hagod ng batok.
“Kailan ka niya sinagot? Kailan pa naging kayo?”
“Rowie, I’m sorry. Ayoko sanang-”
“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko,” sabi niyang nagpapakatatag lang. Nagpipigil din siya sa sarili na masigawan ito at bayuhin ng mga kamao niya.
“Last week lang.”
“Matagal ka ba niyang niligawan?”
“Rowie, don’t do this.”
“Matagal ka ba niyang niligawan?” ulit niya, mas matigas.
“Nakilala ko siya nang samahan niya ang pinsan niya na ipagamot sa akin ang alagang sitzu nito. She looked at me with interest. There was an exchange of flirtatious comments and looks at… at naging kami na.”
Just as I thought. Lagay palang iyon ay mas descreet pa ang pagpaparamdam niya noon dito ng feelings niya. Bigla niya tuloy naisip na kaya marahil may mga lalaking two-timer ay dahil na rin sa mga kagaya niyang babae na nakikipagpalit ng role sa mga lalaki; na sa halip na ang mga ito ang manligaw ay silang mga babae ang nanliligaw. “So maghihiwalay na tayo?”
Napatuwid ito. “No. Of course not.”
“Hihiwalay ka ba sa kanya? Makikipag-break ka?”
Hindi agad ito nakakibo. Bumuka ang bibig nito pagkaraan ngunit inunahan na niya.
“No, huwag na. Ako na ang makikipag-break sa iyo. Tutal wala ka naman nang kukunin sa akin, hindi ba? Nakuha mo nang lahat. Sumugal ako sa relasyong ito, itinaya kong lahat ng nasa akin, pag-ibig ko, pagkatao, katawan ko; at natalo ako. Bakit nga ba gugustuhin mo pang magpatuloy tayo? I have nothing left to give you. Kung mayroon man, baka katiting na lang na respeto ko sa sarili ko. At wala akong planong ibigay pa pati iyon sa iyo.” Tumayo na siya sa puntong iyon. Nararamdaman niyang namamalisbis ang luha sa mga mata niya ngunit wala na siyang pakialam. Lumakad siya patungo sa komedor. Kinuha niya ang ibinalot niyang cake at maja blanco.
“Rowie, ayokong maghiwalay tayo,” sabi ni Butch nang balikan niya ito sa sala. Bakas ang kalituhan sa mukha nito.
Hindi niya pinansin ang sinasabi nito. Kinuha niya ang kamay nito at inilagay roon ang paper bag na naglalaman ng binalot niyang pagkain. “Ikumusta mo na lang ako kay Tita Helen. Salamat kamo sa mga paalala niya. Sayang nga lang at hindi ako nakinig.”
“Rowie, please, pakinggan mo ako. Hindi ko tinatanggap ang pakikipag-break mo.”
Sabihin mo palang nagsisisi ka sa panloloko mo sa akin. Sabihin mong you’re sorry. Sabihin mong mas mahal mo ako kaysa sa Shane na ‘yon. Pero hindi nabigkas ang mga iyon ng bibig niya. “Salamat, Butch. Kahit sa sandaling panahon, pinasaya mo ako.”
Niyakap niya ito nang mahigpit. Maaaring iyon na ang huling yakap na mamamagitan sa kanila. Napaiyak na naman siya habang naiisip iyon – na baka hindi na sila nito magkita pa o magkausap. Kumalas din siya kaagad. Baka hindi na niya magawang lumayo rito kung patatagalin pa niya. Baka pati ang natitirang katiting na respeto niya sa sarili niya ay maitaya na rin niya.
Lumayo na siya rito at nagtungo siya sa pinto. Binuksan niya nang maluwang iyon para dito. Halatang napipilitan lang na tumayo ito. “I’m sorry, Butch,” sabi niya rito nang mapatapat sa kanya, “para sa ginawa sa iyo nina Kuya Butch at Ate Ria.”
“A-alam mo?”
“Oo, at hindi kita masisisi kung dahil doon natuto kang gumanti.” Halos pabulong na lang ang sagot niya. Hirap na siyang magsalita dahil parang punung-puno ang dibdib niya. “Pero sana maisip mo rin na wala akong kasalanan para ako ang gantihan mo.”
“Rowie… I feel bad about this.”
Pero hindi mo masabi ang mga gusto kong marinig mula sa iyo. “You should be. Pero hindi na kailangan. Tutal, hindi na tayo magkikita pagkatapos nito. S-sigurado akong hindi ka mahihirapang kalimutan ako. G-goodbye, Butch.”
Akmang hahawakan siya nito ngunit umiwas siya. Mabilis niyang isinara ang pinto nang lumabas na ito.
Kung sana, ganoon din lang kadaling isara ang puso niya sa patuloy na pagmamahal dito.

“MALAKAS na po si Tito Ramon, ‘Pa,” sabi ni Rowie sa harap ng laptop niya. Kausap niya noon ang papa niya sa Skype. Nalaman nitong kasalukuyan siyang nagbabakasyon sa isang bayan sa Bataan na malapit sa beach. Nakikituloy siya sa beach house na tinitirhan ng Tito Ramon at Tita Medie niya. Bahay iyon ng tiyahin ni Tita Medie na nasa abroad na ang pamilya kaya walang tumitira.
Ang totoo, bakasyong may kasamang trabaho ang pagtungo niya roon. Nagsimula na siya sa kanyang on-line tutorial. Naiwan sa kanila ang mama niya. Pagkatapos nitong malaman na break na sila ni Butch ay pinayagan siya nito nang makiusap siyang magbabakasyon muna siya sa kanyang mga Tito Ramon.
“Nahiyang siya rito sa tabing dagat. Nawala na rin ang allergy niya,” dagdag pa niya.
“Ang mama mo ang inaalala ko,” sagot nito. “Mag-isa lang siya roon.”
“Napakiusapan ko po si Ate Encar na doon muna siya sa atin sa gabi para may kasama si Mama.”
“Hanggang kailan ka ba d’yan, anak?”
“One or two weeks lang po, Papa.”
“Hindi mo na lang ako hinintay. Malapit na rin naman ang bakasyon ko. Para sama-sama tayong makapagbakasyon. Malulungkot ang mama mo roon, wala ka.”
“’Pa, kailangan ko lang po talaga ang bakasyong ito. Promise, hindi po ako magtatagal dito. Saka araw-araw ko naman pong tinatawagan si Mama.”
Matapos silang mag-usap na mag-ama ay lumabas na siya ng silid. Madilim-dilim pa sa labas at tumitilaok pa ang mga manok. Isa sa gusto niyang gawin tuwing matatapos silang mag-usap sa Skype ng papa niya kapag madaling-araw ay ang lumabas sa balkon, at panoorin ang pagbubukang-liwayway. Sa mga ganoong pagkakataon niya naiisip na buhay na buhay pa ang pag-asa niya pagkatapos ng kabiguan niya kay Butch.
Oo nga at gabi-gabi pa rin niyang iniiyakan ang breakup nila, ngunit alam niyang patungo na sa paggaling ang puso niya.
Sumagap siya ng pang-umagang hangin. Isa iyon sa mami-miss niya kapag natapos na ang bakasyon niya. Napansin niyang tulog na tulog pa ang pusang si Butch sa cradle nito sa isang sulok sa balkon. Dinala niya ito roon sa Bataan sakay ng kotse ng papa niya. Somehow, nakabuo na sila ng special bond ng pusa. Malaki ang naitulong nito para maaliw siya at makaramdam ng pagpapahalaga pagkatapos ng panloloko sa kanya ni Butch.
Nag-vibrate ang cell phone niyang nasa kanyang bulsa. Pangalan ni Butch ang rumehistro sa screen. Pinatay niya iyon. Sa loob ng ilang araw mula nang huling mag-usap sila ay araw-araw itong tumatawag at nagte-text. Hindi niya sinasagot ang mga tawag at mga text. Binubura niya ang mga iyon nang hindi niya binabasa.
Nang marinig niyang gising na sina Tito Ramon at Tita Medie ay nagtungo na siya sa kusina. Tumulong siya sa paghahanda ng almusal nila.
“Nagpapaalam nga pala sa akin si JM,” sabi sa kanya ni Tita Medie nang nag-aalmusal na sila. “Kung puwede ka raw bang dalawin dito. Ang sabi ko, sasabihin ko muna sa iyo kung papayag ka.” Ang ‘JM’ na sinasabi nito ay ang bata pang resort owner sa katabi nilang property. Madalas itong makipagkuwentuhan sa Tito Ramon niya mula nang dumating siya roon.
“Bakit naman po hindi?” sagot niya. Wala siyang balak makipagligawan sa kahit kanino sa ngayon. Sariwa pa ang sugat ng puso niya. Pero puwede naman siyang makipagkaibigan.
“Kung sabagay, ang gamot daw sa heartbreak ay panibagong pag-ibig,” tukso ng tita niya.
Ngumiti lang siya.
“Mahusay na bata ‘yang si JM,” sabi naman ng Tito Ramon niya. “Bata pa pero may direksiyon na ang buhay. Mahilig sa negosyo. May tree farm din pala siya d’yan sa highlands sa kabilang barangay.”
Hindi na lang siya nagkomento. Alam niyang walang kinalaman ang kakayahan sa pananalapi ng isang tao sa karakter nito. Hindi nga ba at negosyante rin si Butch bukod sa pagiging beterinaryo nito? Pero hindi sapat iyon para maging tapat ito sa kanya.
Alas otso nagsisimula ang on-line tutorial niya. Natatapos naman siya pagdating ng alas dose. Tapos na silang magtanghalian at papakainin na niya si Butch, ngunit wala ito sa loob ng bahay. Wala rin ito sa cradle nito sa may balkon.
“Butch!” tawag niya sa pusa habang bumababa siya ng hagdan. “Butch, nasa’n ka na?”
“Nandito lang ako, Rowie.”
Muntik nang kumabisala ang mga paa niya sa hagdan.

Rowie's Craze COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon